Chapter 98
"NASAAN si Yi Jian? Bakit hindi niyo siya kasama?" Agad na tanong ni Lie Feng matapos na magising mula sa isang linggong pagkakaratay sa kanyang higaan. Akmang babangon siya pero naramdaman niya agad ang sugat mula sa dibdib niya, sa tuwing gagalaw siya ay parang napupunit ang balat niya.
Matagumpay na naalis ang palaso sa kanyang dibdib. Mabuti na lamang at walang lason ang palaso at hindi mismo natamaan ang puso niya. Kaya lang ay malalim ang sugat, tumagos ang palaso sa likod niya. Nang araw na tambangan sila ay kamuntikanan na siyang mapaslang, masyadong marami ang kalaban at kahit may sugat siya ay pinilit niyang lumaban. Akala niya ay may dagdag na kalaban na darating pero hindi dahil ang unang hukbo pala na pinatawag niya kay Li Yong ang dumating. Agad siyang tinulungan at dinala sa palasyo para mabilis na magamot.
"Kamahalan, hindi kayo maaaring bumangon. Kakatapos lang tanggalin ang palaso sa iyong dibdib. Kailangan na—"
"Huwag mo akong pigilan!" Tinulak niya ang kanyang manggagamot pagkuway muling tinanong si Ouyang pero umiyak na ito sa harapan niya pagkuway lumuhod.
"Patawarin niyo ako, kamahalan! Si Yi shaoye, sumama siya kay Haring Kai at ngayon ay nasa kaharian ng Chu. Wala akong nagawa para pigilan siya!"
"Sumama? Si Yi Jian, sumama sa taong iyon?" Nakuyom ni Lie Feng ang kamao. Gusto niyang sisihin si Ouyang dahil hindi nito nagawang protektahan ang taong buong tiwala na hinabilin dito pero may kasalanan din siya, kung sana ay naisip niya agad na patibong iyon ng kalaban ay hindi makukuha si Yi Jian. Imbitasyon? Siguradong ikukulong nito si Yi Jian at pahihirapan tulad ng nangyari noon. Sa isiping iyon ay mabilis siyang tumayo pero agad din bumagsak pagkuway sumuka ng dugo, agad siyang dinaluhan ng kanyang manggagamot at ni Ouyang para makabalik sa kanyang higaan. "Kailangan kong magtungo sa Chu. Ibabalik ko si Yi Jian sa palasyong ito!" Nagpilit pa rin siyang makawala sa hawak ng mga ito.
"Lie Feng..." mayamaya ay dumating si Emperador Hen Hao. "Tumigil ka na. Tama ang manggagamot mo, kailangan mo munang pahilumin ang sugat mo bago ka magtungo sa kalaban. Sa tingin mo ba ay maliligtas mo Yi gege sa sitwasyong meron ka ngayon?"
Natahimik naman si Lie Feng pagkuway padabog na binawi ang mga braso na hawak ni Ouyang at ng manggagamot. Ilang sandali pa ay muling pinalitan ang benda sa dibdib niya at binigyan siya ng gamot para inumin. Humiga na siya pagkuway itinakip ang braso sa mga mata.
"Makakaalis na kayo. Ako na ang bahala sa kanya," utos ng emperador sa dalawa. "Ang pagsama ni Yi gege kay Haring Kai. Siguradong kusang-loob iyon. Nandoon ka man o wala. Siguradong hindi mo pa rin siya mapipigilan na sumama lalo na kung maraming buhay ang nakasalalay. Hindi pa rin siya nagbabago. Tulad pa rin siya ng dati. Matigas ang ulo pero malambot ang puso."
"Hindi na ako ang dati mong tagasilbi. Isa na akong hari na may malakas na impluwensya at libu-libong mga kawal. Nagagawa kong protektahan ang kahariang ito at ang mga tao pero bakit ang nag-iisang pinakamahalagang tao sa buhay ko, hindi ko magawang protektahan." Kuyom ang kamao na sabi ni Lie Feng habang hindi mapigilan ang pagbuhos ng luha niya. Hindi niya mapigilan na ilabas ang kanyang sama ng loob sa emperador na itinuturing na niyang kanyang kapatid.
_____
"OUYANG,"
Napalingon si Ouyang sa taong tumatawag sa kanya. Si Li Yong pala, tumatakbo na lumapit ito sa kanya. Pero yumuko siya pagkuway kinuyom ang kamao.
"Yong shaoye, alam ko, galit ka dahil hindi ko naprotektahan si Yi shaoye kaya kinailangan niyang sumama kay Haring Kai at—" hindi natuloy ni Ouyang ang ibang sasabihin nang batukan siya ni Yong shaoye.
"Sinisisi ka ba ng hari kung bakit hindi mo siya naprotektahan?"
Umiling siya. "Pero alam ko, nabigo ako na protektahan siya. Si Yi shaoye, siya ang pinakaimportanteng tao sa buhay ng hari. Ang isang tulad niya ay ipinagkatiwala ng hari sa akin pero nabigo ako." Kuyom ang mga kamo na sabi niya.
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Fiksi SejarahBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
