Chapter 45: Wenrou and Xiao Er
MATAPOS na masolusyunan ang problema ng mga taga-Qingrong ay nagsimula na rin maging mapayapa ang Qinghua, wala nang tumatambang sa mga kawal na kumukuha ng tubig sa balon at wala na rin mga pagsasabotahe sa mga dumarating na rasyon para sa kanilang kampo. Sa totoo lang ay ginagabayan pa ng grupo ni Lao Gang ang mga naghahatid ng rasyon sa kanila, hindi mapigilan ni Dou Ji ang matuwa dahil talagang napakalaki ng pinagbago ni Lao Gang. Nang minsang biruin niya ito dahil sa kabaitan ay pabiro rin siyang sinagot pero may halong sensiridad ang mga sinabi nito.
"Masama lamang ang pakitungo ko sa mga taong may masamang hangarin sa akin at sa mga mahal ko sa buhay pero singbait ako ng ibon sa mga taong may mabuting puso. Ang tinatamasa naming kaginahawaan dahil sa aming sariling balon ay utang namin sa 'yo kaya na sa 'yo ang buong katapatan ng tulisan ng Qingrong."
Sa totoo lang ay hindi akalain ni Dou Ji na talagang magiging kakampi niya ang isang taong halos mapatay na niya sa tuwing magkakasagupan sila. Napailing na lang niya, kahit na kailan talaga ay hindi maibabase sa panlabas na pagtingin ang isang tao. Kailangan na mas makilala ito para lubos na makilala.
"Ji-Ji!" Tumatakbo si Wenrou nang lumapit sa kanya, may dala-dala itong basket na naglalaman ng iba't ibang mga prutas. "Nabalitaan ko kay Xiao Zhang na magtutungo ka puntod ng iyong ina. Gusto ko sumama."
Napangiti si Dou Ji, sa malamang ay nakasalubong nito si Xiao Zhang kaya nalaman ang balak niyang gawin sa araw na ito. Pinauna na niya kasi si Xiao Zhang sa Haixian para linisin ang paligid ng puntod. "Makakahindi ba ako ngayong may dala ka nang mga prutas para sa kanyang puntod?"
Natawa na lang si Wenrou. Mayamaya dumating si Xiao Er, sakay ito ng kabayo. Kakagaling lang nito sa pamilihan kaya naman ang bawat gilid ng kabayo ay may nakasabit na mga pinamili nito. Binati ito ni Dou Ji, mabilis naman itong nagbigay-pugay sa kanya pero kay Wenrou ay umirap lang ito.
Napakurap na lang si Dou Ji sa inasal ni Xiao Er kay Wenrou, malayo ito sa dalagang nagpakita ng pagmamahal sa kanyang kaibigan, sa babaeng tahasang sinabi kung gaano ito kainteresado kay Wenrou.
Ilang saglit pa ay sumakay na sila ng karwahe na siyang maghahatid sa kanila sa ilog ng Haixian kung saan sa tabi ng ilog nakahimlay ang labi ng kanyang ina. Ang mga bulaklak na naroon ay tinamin niya kasama ng kanyang kaibigan noon bilang palatandaan kung saan nila inilibing ang ina.
Mayamaya ay nakita niya si Xian Mu na tila may inaapakan sa isang supot, gigil na gigil ito at sinipa-sipa pa. Naiiling na iniwas na lang niya ang tingin sa lalaki.
"Rou, ano na naman ang ginawa mo at parang naiinis sa 'yo si Xiao Er?" Pagbubukas niya ng usapan.
"Hindi ko alam sa kanya." Nakangusong sagot nito.
"Ang naaalala ko ay magkasama pa kayong namasyal noon sa pamilihan. Maayos kayong dalawa nang bumalik Ji Manor bakit ngayon ay parang nagtatampo siya sa 'yo?"
Bumuntong-hininga si Wenrou. Alam niya na hindi titigil si Ji-Ji na magtanong at hindi siya makakatakas dito. Kaya mas mabuting sabihin na niya rito ang totoo.
"Huwag kang magagalit sa ikukuwento ko."
"Depende."
"Ji-Ji naman—"
"Parang kapatid na kita at si Xiao Er. Depende sa kung ano ang ikukuwento mo, maaaring kampihan ko ang isa sa inyo."
Napabuga ng hangin si Wenrou. "Noong isang linggo ay nagpasama ulit siya sa akin sa pamilihan, doon ay nakita ko si Duan." Napakunot noo si Dou Ji. "Siya ang pinsan ko, tss, paano ko ba ito ikukuwento."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Fiksi SejarahBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
