Chapter 27

39 10 11
                                    

Chapter 27

"KAMAHALAN..." tawag ni Lie Feng kay Emperador Hen Hao.

Napatingin ang batang emperador kay Lie Feng pagkuway kay Ji Jiangjun. Saka lang bumalik ito sa kasalukuyan. Nandito pa rin sila sa labas ng kanyang palasyo at hindi makabalik dahil sa mga tumatambang sa kanya.

"Anim na buwan na rin ang nakakalipas mula nang maupo ako sa trono." Pagpapatuloy ng batang emperador sa kanyang kwento. "Ang plano ko noon ay ang isiwalat ang ilang kaso ng pagpatay at pang-aabuso ni Jiang Buwei sa kanyang mga tagasilbing babae, kasama na ang ilang ilegal nitong pang-aangkin sa ilang lupain. Sa oras na bumagsak ito ay kasama rin na babagsak si Huang Taihou dahil ipinapahiram nito ang ilang kawal na iniregalo mismo ng aking amang emperador dito bilang personal na tagapagtanggol. Pero sa araw mismo na uupo na ako sa aking trono ay nakagawa ng paraan si Huang Taihou para maisalba ang sarili. Inilaglag niya ang sariling ama, sinabi na nilason ng kanyang ama ang mga alak na hawak namin noon. Nang suriin iyon ay totoo ang mga sinabi nito kaya naman wala akong nagawa noon kundi ang ipadampot si Buwei. Pero hindi rin ito nagtagal sa piitan dahil kinabukasan ay nakita na itong nakabigti sa loob ng kanyang selda. Ang Huang Taihou, nagpatuloy pa rin siya sa pagiging mabait sa akin at sa pagsuporta sa bawat ginagawa ko, pero alam ko na ang lahat ng ipinapakita niya ay pawang mga pagpapakitang-tao lamang. Sa loob ng tatlong taon matapos mamatay ng aking ina ay nagsimula na rin akong matuto na magpakitang-tao sa mga taong hindi ko pinagkakatiwalaan." Tumingin ang batang emperador kay Ji Jiangjun. "Nakakapagod magpanggap pero kailangan kong magpatuloy dahil ngayon ay..." mapait itong napangiti. "Gumagawa na siya ng paraan para mapatalsik ako."

"Kamahalan," tawag ni Ji Jiangjun sa batang emperador pagkuway tinapik ang balikat nito. "Huwag kang mag-alala, sisiguruduhin kong makakabalik ka sa loob ng palasyo nang ligtas." Nagsimula na siyang maglakad habang akay-akay ang renda ng kalabaw.

"Jiangjun," mahinang tawag ng emperador sa kanya. Lumingon naman siya. "Narinig mo ang sinabi ko. Sa mura kong edad ay nagawa kong pumaslang at-"

"Sa mundong ginagalawan natin, lalong-lalo na sa posisyong hawak mo. Ang pumatay ng kalaban ang tanging paraan para patuloy na mabuhay. Hindi natin maiiwasan ang mga ganoong pangyayari. Naiintindihan ko ang ginawa mo."

Nagkatinginan sina si Lie Feng at Emperador Hen Hao. Napangiti naman si Dou Ji sa reaksyon ng mga mukha nito. Parang gustong magtanong kung paano niya naintindihan ang naging sitwasyon ng emperador.

"Labing-apat na taong gulang ako noong una ako nakapatay. Gamit mismo ang mga kamay ko..." tinitigan niya ang mga palad. "Noong mapagtanto ko na hindi na siya gumagalaw ay saka lang ako bumalik sa huwesyo ko. Hindi ako makapaniwala na napatay ko siya, ang mga kamay at mukha ko ay puno ng dugo niya." Mapait siyang napangiti nang maalala iyon. "Pero pagkatapos kong ginawa iyon ay hindi ako nakaramdam ng pagsisisi. Gusto kong mabuhay kaya ko siya pinatay. Isa pa ay hindi siya inosenteng tao, masama siya kaya nararapat lang ang ginawa ko."

Napatitig na lang ang mga ito sa kanya. Nginitian niya ang mga ito.

"Galit ako sa taong iyon dahil sa pang-aabusong ginawa niya noon sa 'min ni ina. Kaya lahat ng mga taong katulad niya ay kinamumuhian ko." Bumuntong-hininga siya pagkuway pinagpag ang kamay na para bang may binubura siya sa ere. "Ang mga sinabi ko ay bahagi lang ng aking nakaraan at hindi ito ang dapat na pinag-uusapan natin. Ang dapat natin harapin ngayon ay ang kasalukuyang nangyayari. Lie Feng, alam mo ba kung paano pumunta ng Daocheng?"

"Oo, ang bayan na iyon ay ang dati kong tirahan."

"Mabuti. May kaibigan ako na ngayon ay nasa lugar na iyon. Kailangan natin siya mapuntahan dahil matutulungan niya tayo."

Napatango naman ang mga ito. Nagsimula na silang maglakbay papunta sa bayan ng Daocheng.
_____

MAGHA-HATING gabi na nang makarating sa bungad ng Daocheng sina Dou Ji. May mga guwardyang nagbabantay doon kaya alangan pa siya kung papasok, mabuti na lamang at may dumaang kariton. Binayaran ni Dou Ji ang may-ari para isabay sila papasok ng Daocheng. Ngayon ay nasa loob na sila. Si Lie Feng ay halatang nilalabanan ang antok habang ang emperador ngayon ay nakasampa sa kanyang likod at malalim na tulog. Ang kalabaw na dala-dala nila kanina ay kinailangan nilang ibenta para may maipambili sila ng pagkain at mga damit na pamalit. Masyado kasing kapansin-pansin ang mga kasuotan nila, lalo-lalo na ang emperador. Ayaw ni Dou Ji na maging angat sila sa paningin ng ibang tao.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon