Chapter 83
MATAPOS ang dalawang linggong pamamalagi sa bayan ng Jingying ay sa wakas nakabalik na rin siya sa kanyang sariling tahanan. Kakatapos lang nilang magbigay-pugay kay Lie Feng para ipaalam dito ang pagdating nila at ang matagumpay na imbestigasyon na ginawa nila. Hindi na sila masyadong na-entertain nito dahil marami itong ginagawa, ilang araw na lang kasi ay parating na ang hari ng Chu.
Masaya niyang binagsak ang sarili sa kanyang higaan. Na-miss niya ang amoy ng unan at kumot niya, pati ang ambiance ng paligid. Ibang-iba pa rin talaga kapag nasa sariling tahanan. Bigla siyang natigilan sa huling sinabi. Tahanan... dalawang taon na siyang nasa panahong na ito.
Ano na kaya ang nangyayari ngayon sa panahon niya? Sinisiguro naman niya na wala siyang mababago sa kahit na anong history dito. Kaya lang ay hindi naman niya inasahan na siya pala ang bagong buhay ni Dou Ji. Naalala niya tuloy una niyang naisip noong bagong salta siya dito—na baka kaya siya nag-time travel ay para may idagdag sa history ng panahong ito at ang kailangan niyang idagdag ay ang naging buhay ni Zhan Dou Ji. Sa totoo lang ay walang ganoong pangalan sa kahit na anong history book. Inunan niya ang braso sa kanyang ulo. Kaya wala siyang ideya kung sino talaga ito pero ngayon ay alam na niya ang history nito. Mabuti na lang at naisipan niyang magpakwento.
Pagod na pagod siya dahil sa naging biyahe nilang tatlo pabalik sa palasyo. Kinabukasan ay maaga siyang ginising ni Ouyang, pupungas-pungas pa siya ng mga mata bago nagsalita.
"Ouyang, gawa ba sa bakal ang katawan mo at para kang walang kapaguran? Sa ating tatlo ay ikaw ang mas napuruhan dahil sa nangyari sa 'yo." Humihikab niyang sabi.
"Maayos na ang pakiramdam ko, shaoye. Pasensya na pala kung ginising kita pero gusto ni Yong shaoye na mag-bar—mag-ihaw ng mga pagkain para sa tagumpay natin sa paglutas ng kaso ng pang-aalipin." Excited na sabi nito. Gusto sana sabihin ang salitang barbeque pero nakalimutan nito kung paano banggitin.
Napangiti na lang siya pagkuway bumangon na, bahagya niyang binatukan si Ouyang. "Basta pagkain ay nagiging masigla ang boses mo." Natawa na lang ito. "Pero maayos ka na ba talaga? Bukod sa pisikal na sakit na nararamdaman mo ay—"
"Totoong maayos na ang pakiramdam ko. Ang tungkol kina Liang Gou, aaminin ko na nasaktan ako dahil sa pagtakwil nila sa akin bilang kaibigan nila. Sinaktan ng pisikal at minaliit ang posisyon na meron ako ngayon pero nang makita ko kayo ni Yong shaoye na puno ng pag-aalala para sa isang tulad ko ay nawala lahat ng mga negatibong damdamin na iyon. Sabi ko nga sa sarili ko, bakit ko kailangan damdamin ang sinabi mga taong iyon? Hindi sila naging totoong kaibigan sa akin at gumawa pa sila ng iligal na gawain na iyon." Tumingin ito sa kanya. "Kayo ni Yong shaoye, kayo ang totoong mga kaibigan ko."
"Ouyang..." bigla itong namula nang tawagin niya ang pangalan nito.
"P-pasensya ka na sa sinabi ko, Yi shaoye! H-hindi ko alam kung kaibigan ba ang—"
Natawa na lang si Yi Jian sa naging reaction nito. "Sira! Syempre ay kaibigan ang turing ko sa 'yo! Hindi ka lang basta-basta kung sino lang."
Napangiti na lang ito at hindi na sumagot pa. Ilang sandali pa ay tinulungan na siya nito para makapag-ayos. Matapos niyon ay lumabas na sila at pupunta sana sa tahanan ni Li Yong pero nakasalubong nila itong papasok sa kanyang bakuran. Nakasimangot ito habang dala-dala ang isang basket ng iba't ibang klase ng mga sea food.
"Anong problema?" tanong agad ni Yi Jian matapos kunin ang dala nito. Naupo muna sila sa habang si Ouyang ay hinahanda naman ang gagamitin nila sa pag-iihaw na gagawin nila.
"Ang aking ama at ang hari, inaya ko sila para saluhan tayo sa munting salo-salo na ito pero mabilis nila akong tinanggihan."
Natigilan naman si Yi Jian. "Hayaan mo na. Marami lang ginagawa ngayon si Lie Feng, lalo ngayon ay nalalapit ang pagdating ng hari ng Chu."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...