Chapter 30
NASA loob ngayon ng silid si Haring Fu Bai at Xian Mu na ngayon ay pinapagalitan ng ama. Binabato ito ng kung ano mang mahawakan at walang pakialam kung nasusugatan na ang sariling anak. Galit na galit ito dahil sa pagsasalita ni Xian Mu kanina sa pagpupulong. Halos ipahamak na nito ang Yu dahil sa pagsasabi na balak ni Dou Ji na sakupin ang imperyo, para na rin kasi nitong sinabi na iniutos ng hari ang tungkol doon.
"Wala ka talagang utak! Paano kung wala si Xue Tongjun kanina para pagaanin ang sitwasyon? Alam mo ba na maaari akong ipahuli ng Huang Taihou dahil sa pagrerebelde?"
"Ama, sinabi ko lang ang aking opinyon tungkol sa sitwasyon, anong masama doon?"
"Ang opinyon mo ay walang kwenta tulad mo kaya huwag ka na ulit magbibitaw ng mga salitang maaaring magpahamak sa kaharian ko!" Binato niya ang bote ng alak na naging dahilan para matamaan ito sa noo at masugatan. "Guwardya! Kunin niyo ang walang utak na taong ito at dalhin sa kanyang silid! Hindi siya makakalabas hangga't hindi ko sinasabi!"
Ilang sandali pa nga at dumating na ang mga guwardya at dinala si Xian Mu sa silid nito. Naiwan naman ang hari at tongjun.
"Liu Xue, sa tingin mo ba talaga ay may humaharang kay Dou Ji at sa emperador para hindi sila makapasok dito?"
"Nasisiguro ko iyon, kamahalan. Wala namang ibang dahilan si Ji para hindi ibalik ang emperador dito. Pero, kamahalan, nais kong bigyan niyo ako ng pahintulot na imbestigahan pa ang tungkol sa kasong ito. May hinala ako na higit pa rito ang mga nangyayari."
Uminom muna ng alak ang hari bago nagsalita. "Gawin mo ang nararapat para matapos na ang problemang ng palasyong ito. Nais ko nang bumalik sa Yu at makapagpahinga nang maayos."
Matapos magpasalamat sa hari ay lumabas na siya ng silid nito. Nagtungo siya sa kinaroroonan ng kabayo niya, saglit niyang hinaplos amg mukha nito. Ang mga sinabi niya kanina ay pawang katotohanan. Sinabi na rin sa kanya iyon ni Ji kahapon ng hapon nang magkita sila sa kapitolyo.
Napailing na lang si Liu Xue nang maalala iyon. Hindi niya akalain na nagawa nitong magbalat-kayo bilang isang matandang lalaki na namamalimos ng pagkain sa labas ng isang bahay-aliwan. Isa lang ang kilala niya na maaaring gumawa ng pagbabalat-kayo nito, si Wenrou. Siguradong kasama nito ngayon.
Nilapitan siya ng matanda habang nanghingi nang pagkain, masyado itong makulit kaya balak na nga niya sana itong suntukin pero nang magsalita ito ay saka lang niya nakuha ang sitwasyon at sumabay sa agos ng pag-arte nito. Doon nga ay nalaman niya na may humaharang sa kanila para hindi makabalik sa palasyo. Hindi pa niya alam kung sino iyon kaya naman kaninang umaga ay nagbitiw siya ng ilang salita para kagatin ng taong may sala. Ang hari ng Zhou, nasisiguro niyang may kinalaman ito pero hindi sapat ang hinala niya—dapat siyang makahanap ng ebidensya. Akmang sasakay na siya ng kabayo para lumabas ng palasyo nang maramdaman niya na may sumusunod sa kanya.
Ilang sandali pa nga at biglang dumating ang tagasilbi ng Huang Taihou. Iniimbitahan daw siya nito sa mansyon. Napatingin siya sa kanyang paligid, hindi ang tagasilbing ito ang nararamdaman niyang presensya na sumusunod sa kanya. Napatingin siya ulit sa tagasilbi, hindi niya maaaring tanggihan ang imbitasyon ng Huang Taihou dahil isang pambabastos iyon para dito at hindi niya gustong galitin ito.
"Susunod ako," sabi na lang niya pagkuway naglakad na papunta sa mansyon ng Huang Taihou. Pagkarating sa loob ng tahanan nito ay agad siya nitong inalok ng tsaa. Malugod naman niyang tinanggap ang alok nito. "Kamahalan, ano ang dahilan at ipinatawag niyo ako rito? Dahil pa rin ba sa naging usapan kanina sa maharlikang bulwagan?"
Nakangiting umiling ito. "Tapos na ang usaping iyon. Naibigay na ang opinyon ng bawat taong naroon at mas pinag-ibayo pa ang paghahanap sa buong paligid para sa emperador. Naniniwala akong makakabalik dito ang batang iyon." Uminom ito ng tsaa bago ulit nagsalita. "Ang dahilan sa pag-anyaya ko sa 'yo ay simple lang. Gusto ko lang hangaan nang malapitan ang magandang mukha ng Tongjun ng Yu."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
