Chapter 23

84 11 12
                                    

Chapter 23

KINABUKASAN ay patuloy pa rin ang selebrasyon para kay Emperador Hen Hao. Sa kasalukuyan ay nasa malawak na hardin sila, magkakaroon kasi ng paligsahan sa pagalingan sa Kung Fu. Kasiyahan lang iyon kung saan maglalaban ang ilang piling manlalahok. Bago umpisahan ang paligsahan ay inirekomenda siya ni Haring Fu Bai sa batang emperador para ipakita sa mga taong naroon ang angkin niyang galing sa martial arts.

Wala kaalam-alam si Dou Ji sa balak ng hari. Kumbaga ay para siyang sinalang sa hindi pa kukulong mantika. Nasiyahan naman si Emperador Hen Hao at inaya siya sa entablado. Merong limang lalaki rin ang umakyat. Nagbigay-pugay sila sa isa't isa bilang respeto.

"Kamahalan, alam mo ba na si Ji Jiangjun ang pinagmamalaki ng aking kaharian." Tumayo si Haring Fu Bai at para siyang sariling anak nito na ipinagmamalaki sa buong mundo. "Bilang patunay ng aking sinabi ay ipapakita niya na kaya niyang makipaglaban kahit may piring ang kanyang mga mata. Ji Jiangjun, pahangain mo ang emperador."

Lihim na lang na napailing si Dou Ji. Totoo naman na kaya niyang makipaglaban kahit nakapiring. Mula pa noon ay sinanay na sila ni Liu Xue ng kanilang ama para kapag dumating ang sitwasyong kailangan nilang makipaglaban habang nasa madilim na lugar ay kayang-kaya nilang ipagtanggol ang kanilang sarili. Pero ang kakayahan niyang ito ay hindi niya ipinagyayabang, isa iyon sa pinakaayaw niya kaya lang ay may magagawa ba siya? Hindi niya maaaring sulungatin ang hari dahil siguradong dadamdamin nito ang pagkapahiya sa mga matataas na taong narito.

Kaya naman nang umakyat sa entablado ang isang kawal ng Yu ay binigay niya rito ang kanyang espada. May babaeng tagasilbi rin ang umakyat na siyang may dala ng puting piraso ng tela. Mabilis niyang kinuha iyon at ipiniring sa kanyang mga mata. Dahil rito ay mas lalong lumakas ang ibang pandama niya. Tumatalas ang kanyang pandinig kaya naririnig niya ang bulungan ng mga lalaking kasama niya sa entablado.

"Mayabang ang hari ng Yu, hayagan niyang ipinapakita ang pangmamaliit niya sa kakayahan natin."

"At ang jiangjun naman ng Yu ay sunod-sunuran sa kanyang hari."

"Hah! Kung utusan siya ng kanyang hari na maghubad ngayon ay susunod kaya siya?"

"Sa malamang ay susunod siya dahil ayaw niyang mapahiya ang kanyang pinakamamahal na hari."

"Tss, magsitigil kayo, kung naiinis kayo ay kailangan niyo lang na sirain ang maganda niyang mukha nang sa ganoon ay mapahiya ang hari at Jiangjun ng Yu!"

Sanay na si Dou Ji na makarinig ng mga ganitong opinyon sa kanya. Hindi na lamang niya pinapansin dahil masyadong mababaw lamang ang ugat kung bubunutin niya ang mga ito. Para sa kanya, hangga't hindi siya sinasaktan ng pisikal, bale wala sa kanya ang mga matatalas nitong mga dila.

Pero sa pagkakataong ito, mukhang kailangan niya rin seryosohin ang laban dahil naaasar ang mga ito sa kanyang magandang anyo. Dou Ji has a peach blossom eyes, pointed nose and thin but naturally pink clored lips. Ang sabi ni Liu Xue sa kanya ay masyado raw maamo ang mukha niya kaya naman pinaaalalahanan siya nito na huwag masyadong ngingiti dahil ang bawat taong binibigyan niya ng ngiti ay nahuhumaling sa kanya. Noong una ay hindi niya napapansin na may ganoong karisma siya pero magmula nang maging jiangjun siya ay saka niya narealize na tama si Liu Xue. Isang beses kasi noong nasa Qinghua siya ay narinig niya ang usapan ng mga bagong pasok na trainee, mukha raw siyang mabait kaya naman kung magkakamali ang mga ito ay mapapatawad agad. Kaya hayon, sa tuwing nasa Qinghua siya o haharap sa kanyang hukbo ay ipinapakita niya ang istrikto niyang pamamaraan sa pagsasanay para matuto ang mga ito.

At ngayon, nang patunugin ang gong bilang tanda ng pagsisimula ng laban ay hinanda na rin niya ang sarili.
Swabe lamang siyang naglakad habang ang mga kalaban niya ay tumatakbo palapit sa kanya, pinalibutan at isa-isa siyang sinugod pero mabilis siyang nakaiwas sa bawat sipa at suntok ng mga ito. Parang hangin lang na dumaan ang mga ito sa tuwing nakakailag siya. Mayamaya ay tumigil ang mga ito, nagkatinginan, parang nag-uusap ang mga ito. Saglit pa nga ay sabay-sabay nang sumugod ang mga ito pero kalmado lang si Dou Ji, itinaas niya ang kamay habang humahakbang palapit sa mga pasunod na kalaban. Muli ay isa-isa niyang iniilagan ang bawat atake ng mga ito habang ang kanyang kamay ay nagtatrabaho para pisilin ang ugat na nasa leeg ng mga ito. Ang ugat na iyon ay nakakonektado sa pagkilos ng mga ito. Ilang saglit pa nga ay natapos na ang laban, ang mga kalaban niya ay naiwan sa gitna at nagmistulang mga estatwang hindi makagalaw.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon