Chapter 47

49 6 0
                                        

Chapter 47: Please, save him...

ISANG linggo na ang nakakalipas mula nang makulong si Wenrou pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya magawang makapasok sa loob ng piitan. Hindi lingid sa kaalaman niya ang pahirap na ginagawa sa loob sa mga preso, sa totoo lang ay hindi siya pabor sa paraan ng pagpapahirap ng pisikal sa mga nakukulong dito kaya nga may iba siyang paraan para pahirapan ang bihag niya na hindi ito sinasaktan ng pisikal.

Pero anong magagawa niya ngayong panandalian siyang walang posisyon? Ni hindi rin niya magawang makalabas ng kanyang manor dahil sa labas ay nagbabantay ang mga kawal na inatasan ng hari para bantayan ang buong Ji Manor. Si Lao Liao noong nakaraang araw ay napaaway pa sa isang kawal dahil hindi rin ito pinapalabas, wala ng supply ng pagkain sa loob ng Ji Manor kaya kailangan nang bumili sa pamilihan pero talagang mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng kahit na sino sa loob ng Ji Manor. At iyon ang ipinagtataka ni Dou Ji.

Mula sa kanyang hardin ay may naririnig siyang komusyon mula sa entrada. Maririnig ang boses ng isang babae na tinatawag ang pangalan niya. Nang mabosesan na si Xiao Er ay agad siyang napatakbo roon para lang makita ang isang kawal na hawak-hawak sa buhok ang dalaga at pilit na hinihila palabas.

Mabilis siyang napatakbo roon at walang sabi na sinipa ang kawal na iyon. Ang aksyon niyang iyon ay naging dahilan para ang ilan pang mga kawal sa paligid ay tutukan siya ng espada at sibat.

Naningkit ang mga mata niya. "Kasama ba sa inutos ng hari na saktan niyo ang mga tao sa loob ng Ji Manor? Alam niyo ba ang kapalit ng pagtutok niyo sa akin ng inyong mga armas? Baka nakakalimutan niyong panandalian lang akong nawalan ng posisyon at sa oras na makabalik ako ay alam niyo na siguro ang maaaring mangyari sa inyo."

Nagkatinginan naman ang mga kawal sa bawat isa. Nagkaunawaan at ibinaba ang mga sandata. "Ngunit ang babaeng ito ay tagalabas at hindi naninirahan sa—"

"Ipinakita ko na ang token na may pangalan ni Ji Jiangjun pero ayaw pa rin nila akong papasukin!" Mabilis na sumbong ni Xiao Er.

Nakuyom naman ni Dou Ji ang kamao pagkuway hinila na si Xiao Er para mapunta sa likod niya.

"Magbabalik din ako sa aking posisyon at sa oras na mangyari iyon ay ihanda niyo na ang inyong mga sarili. Hinding-hindi ko palalagpasin ang pambabastos niyo sa mga tao sa loob ng aking mansyon." Galit na banta niya sa mga ito.

Napalunok naman ang mga kawal at sa huli ay walang sinabi. Naglakad na si Dou Ji at Xiao Er papasok sa loob ng study chamber.

"Jiangjun!" Agad ay lumuhod sa harapan niya si Xiao Er habang hawak ang kanyang paa. "Nakikiusap ako, walang kasalanan si Rou ge!"

"Xiao Er," mabilis niya itong pinatayo at pinaupo sa upuan. "Sa loob ng dalawang buwan ay kasama ka ni Rou-rou sa Zhuliu, ano ang nangyari habang naroon kayong dalawa?"

Nakuyom nito ang kamao bago nagsalita. "Si Mu shaoye! Ang taong iyon ang siyang puno't dulo ng mga nangyayari ngayon kay Rou ge!" Gigil nitong sabi at nagsimula nang magkwento. "Isang buwan mula nang umalis kami ay naging maayos naman ang pagsasama namin, tinutulungan ko siya sa mga gawain sa kanyang tahanan, pinagluluto ko siya at sinasamahan sa bawat pagpunta niya sa mga nangangalaga sa mga alaga niyang baka. Pero isang araw ay may isang matandang lalaki na dumating, karga-karga niya ang isang batang babae na... hindi ko alam kung buhay ba o patay na pero dilat ang mga mata niya at panay lang ang kanyang pag-iyak."

"Anong nangyari sa kanya?" Agad ay tanong ni Wenrou nang lapitan ang mga ito.

"H-hindi ko alam, basta nang bumalik ang anak ko galing sa kapitolyo ay ganito na ang naging sitwasyon niya." Awang-awa ang mga mata na tumitig sa mukha ng anak.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon