Chapter 62

24 5 0
                                    

Chapter 62

SA wakas ay naging maayos na rin ang lahat matapos maparusahan ang mga dating ministro at maipatapon sa ibang lugar, ang mga magulang na nagbebenta ng kanilang mga anak ay naparusahan din ng tatlongpong palo ng tabla sa puwetan. At tulad ng inaasahan niya ay kasama doon ang mga magulang ni Yanli. Isinagawa ang pagpaparusa sa labas ng kapitolyo para maging leksyon at pagpapakita na magiging ganito ang sasapitin ng sinumang susuway sa utos ng hari.

Naglalakad siya ngayon papunta sa malawak na pavillion ni Lie Feng nang makasalubong niya si A-Mei. Nagbigay-pugay ito sa kanya pagkuway binati siya dahil sa pagbabalik niya sa loob ng palasyo. Saglit silang nagkwentuhan nito pero nagpaalam din siya agad nang makita si Li Yong sa kabilang panig ng pasilyo, nakatingin ito sa kanila kaya kinawayan niya ito pero umiwas ito ng tingin at naglakad. Tinawag niya lang ito kaya huminto sa paglalakad.

"Kumusta na kayo ni Yanli? Kinausap mo na ba siya? Kwentuhan mo naman ako." Sunod-sunod niyang sabi nang makalapit.

"Tulad ng sinabi ko noon ay wala na akong interes sa kanya. Hindi kami nagkabalikan kung iyon man ang gusto mong malaman."

"Hmm, hindi ko akalain na wala ka talagang interes sa kanya. Maganda pa naman siya. Pero kung wala ka ng gusto sa kanya ibig sabihin ay may iba nang nagugustuhan. Sino? Sabihin mo naman sa akin!"

Bigla itong namula sa tanong niya. Natawa siya bigla kaya naman hinawakan niya ng dalawang kamay ang pisngi nito. "Pulang-pula ang mukha mo! Nandito ba siya sa loob ng palasyo?"

Umiling lang ito matapos alisin ang kamay niya sa pisngi nito. "H-hindi mo na kailangan malaman kung sino siya! Hindi ko sasabihin, lalong-lalo na sa 'yo." Tumalikod na ito sa kanya pero dahil sadyang makulit siya ay pinapaamin niya ito. Inakbayan niya ito pero napikon si Li Yong, hinawi nito ang kamay niya kaya hindi sinasadyang napalo siya nito. Nabigla rin ito dahil sa ginawa, akmang hahawakan ang kamay niya pero kinuyom lang nito ang kamao.

"May problema ka ba, Li Yong? Puwede mo—"

"G-galit ako sa 'yo! Tandaan mo 'yan!" Sigaw nito sa kanya pagkuway tumakbo palayo sa kanya.

Napa-'ha' na lang si Yi Jian at nasundan ito ng tingin. Teka, wala naman siyang maalala na may ginawa siyang hindi maganda dito kaya bakit bigla na lang magagalit ito sa kanya nang walang dahilan? Biglang napakurap si Yi Jian, baka kaya nagalit ito sa kanya ay dahil nakita nitong kausap niya si A-Mei. Baka ito ang bagong babae na nagugustuhan nito!

"Yi shaoye!" Tumatakbo si Ouyang habang tinatawag ang pangalan niya. "Inihanda ko na ang mga gagamitin natin sa barkyu. Pumunta na tayo sa—May problema ba?" tanong nito nang mapansin na nakatulala pa rin siya. Tumingin din ito sa direskyon na tinitingnan niya. "Ah, si Yong shaoye. Kanina ko pa siya hinahanap para ayain sa—"

"Sa tingin ko ay hindi siya sasama."

"Bakit?"

"Mukhang galit siya sa akin." Pinakita niya ang kamay na namumula dahil sa lakas ng pagkakahawi nito sa kamay niya. Nagulat ito nang makita ang namumula niyang balat. Alanganin na lang siyang napangiti. "Sa tingin ko ay nagseselos siya dahil nakita niya akong kausap si A-Mei. Wala akong ibang maisip na dahilan kung bakit siya magagalit sa akin bukod doon. Ikaw, baka may alam ka kung bakit galit siya sa akin? Napansin ko rin na mula nang makabalik tayo sa palasyo ay hindi na niya ako pinapansin."

Humalukipkip ito pagkuway nag-isip. "Wala akong alam, shaoye."

Napatango-tango na lang siya pagkuway inaya na si Ouyang para maglakad papunta sa tahanan ni Lie Feng. "Siyanga pala, barbecue party ang tawag sa gagawin natin at hindi barkyu." Pagtatama niya rito. Natawa na lang ito habang napapakamot ng ulo.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon