Chapter 37: Volume 3: My Lover, My Friend, and My Foe (Part 1)
NAALIMPUNGATAN si Yi Jian dahil nakaramdam siya nang matinding uhaw sa kanyang lalamunan. Ano ba 'tong nakakatakot na panaginip niya, nalulunod daw siya sa dagat ng dugo! Bumangon siya pero napaigik lang siya nang maramdaman ang sakit sa kanyang balikat.
Napakurap na lang siya. Naalala na niya ang nangyari, may sumugod sa kanila ni Lie Feng habang nasa labas sila ng palasyo. Napatingin siya sa kanyang tabi, nandoon at natutulog pala si Lie Feng sa gilid ng kama. Hawak-hawak nito ang kamay niya. Pinilit niyang alisin ang kamay nitong nakahawak sa kamay niya pero mahigpit ang kapit nito sa kanya na para bang sinasabi na hindi siya makakatakas dito.
Napabuntong-hininga na lang siya pagkuway ginulo ang buhok nito. Nakalugay iyon at walang tali kaya naman malaya niyang nagugulo ang buhok nito. Napangiti na lang siya dahil hindi niya akalain na napakalambot pala ng buhok nito. Ngayon lang siya nagkaroon ng pagkakataon para mahawakan ang buhok nito.
Nagising naman ito agad. "Jian gege..." parang batang paslit na kinusot nito ang mga mata. Bumangon ito pagkuway umupo sa gilid ng kama. "Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong nito pagkuway hinawakan ang pisngi niya at inilapat ang noo sa noo niya.
"Lie Feng?" Napatitig na lang siya sa mukha nitong isang dangkal lang ang layo sa mukha niya.
"Bumaba na ang lagnat mo."
Napakamot na lang sa batok si Yi Jian. Kung bakit naman kasi hindi uso ang thermometer sa panahon na ito. Kaya heto't naiilang siya sa ginagawa ni Lie Feng para i-check ang temperature niya. Ilang sandali pa ay nabigla na lang siya nang kalasin ni Lie Feng ang tali ng kanyang damit.
"Woah! Teka, anong gagawin mo?" Bigla siyang napalayo dito.
"Gusto kong makita ang sugat mo." Seryosong sabi nito at tuluyan nang kinalas ang tali ng suot niyang damit. Matapos i-check ang sugat niya ay pinalitan din nito ang benda doon. Nakita ni Yi Jian na pahilom na ang sugat doon pero masakit pa nga lang dahil ang sugat sa loob ay hindi pa gaanong naghihilom.
"Lie Feng—" natigilan siya dahil biglang kumalam ang sikmura niya. Alanganin siyang napangiti saka napatingin kay Lie Feng na may kaunting ngiti sa labi. "Ilang araw na pala akong nandito sa loob ng tahanan mo at nakahiga lang sa kama mo?" Naalala niyang itanong.
"Isang buwan."
"Isang buwan! Seryoso? Isang buwan akong nakaratay?"
Biglang napangiti si Lie Feng. "Niloloko lang kita. Mahigit isang linggo ka nang nakahiga lang sa kama. Dahil sa sugat mo ay nagkaroon ka nang mataas na lagnat, ilang araw din iyon pero magagaling ang mga manggagamot sa palasyo at mabisa ang mga nilapat nilang gamot sa 'yo. At huwag ka rin mag-alala dahil hindi mag-iiwan ng peklat sa balikat mo, sisiguraduhin ko 'yan."
Napatango-tango na lang siya. May itatanong pa sana siya tungkol sa nakalaban nilang may peklat sa pisngi pero muling kumalam na naman ang sikmura niya. Naiiling na napangiti si Lie Feng. Nag-utos ito para dalhan siya ng makakain, ilang sandali pa ay pumasok na ang tagasilbi at inihain ang pagkain sa hari.
Kinuha ni Lie Feng ang mangkok ng lugaw at hinalo-halo iyon pagkuway hinipan pa ang laman ng kutsara, akmang susubuan siya.
"Teka, hindi naman putol ang mga kamay ko, kaya kong kumain mag-isa." Pagtutol niya pero hindi ito sumagot, hindi rin ibinaba ang kutsara at gusto pa rin siyang subuan. Napabuntong-hininga na lang siya at sinubo ang kutsara. Ngumiti naman ito. Ilang ulit nito ginawa iyon hanggang sa maubos ang laman ng mangkok. Inalalayan din siya nitong uminom ng tubig, pinunasan pa nito ang gilid ng labi niya. Pinaubos din nito sa kanya ang isang baso ng gamot para sa mabilis na paghilom ng sugat niya. Maubo-ubo siya matapos ubusin iyon dahil mapakla ang lasa, hinilot naman agad ni Lie Feng ang likod niya. "Lie Feng, sa ginagawa mo mas lalo akong magkakasakit." Pabiro niyang sabi dito.
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
