Chapter 26
Hen Hao wangye before ascending the throne..
"HAO wangye," napalingon si Hen Hao wangye kay Huáng Tàihòu Jiang Huáli nang tawagin siya nito. Kasalukuyan ay nasa malawak na hardin siya ng kanyang tahanan at nag-aaral kasama ang kanyang guro.
Tumayo siya at sinalubong ang Huang Taihou pagkuway nagbigay-pugay dito. Ang kanyang guro naman ay nagpaalam para magkasarilinan sila ng bagong dating. Inaya niya itong umupo pagkuway inutusan ang tagasilbing babae para hainan ang Huang Taihou ng tsaa.
Kinuha ni Jiang Huali ang tea cup, inamoy ang mabangong aroma ng tsaa pagkuway nakangiting tinikman iyon. "Ito ang paboritong tsaa ni Mu Hao," tukoy nito sa kanyang ina na naging Huang Guifei noong nabubuhay pa ang emperador. Binaba na nito ang baso pagkuway tumingin sa batang wangye. "Ilang araw na ang nakakalipas mula nang mamatay ang emperador. Ilang araw na rin na walang umuupo sa kanyang naiwang trono." Ngumiti ito. "Hindi ko makakaya na pamunuan ang imperyo dahil wala akong alam sa pulitika at hindi na ako maaaring magdalang-tao kaya wala nang maaaring maging tagapagmana rito."
"Ina, ano ang gusto mong sabihin sa akin?" Nakangiti niyang tanong rito. Ina na ang tawag niya rito dahil halos ito na ang tumayong kanyang ina magmula nang mamatay ang totoong ina niya.
"Wangye, nais ko mapagpatuloy mo ang iyong pag-aaral nang sa ganoon ay mas mapamunuan mo ang pamamahala ng palasyo. Kaya naman nais kong magbigay ng suhesyon. Ang aking nakababatang kapatid na si Guan Song ang saglit na uupo sa trono para pamahalaan ang mga trabaho sa loob ng palasyo habang ikaw ay mag-aaral nang mabuti. Sa oras na tumuntong ka na sa tamang edad at magkaroon ng ilang mga titulo ay ibabalik sa 'yo ni Guan Song ang pamamahala. Anong sa tingin mo, wangye?"
Nakuyom na lang ni Hen Hao ang kamao. Ang alok nito ay napakasimple lang pero ang punto ay ang pagkuha ng tronong nararapat sa kanya. Kahit sampong taon pa lang siya ay naiintindihan na niya ang takbo ng utak ng mga taong mas nakakatanda sa kanya. Salamat sa mga payong binibigay ng kanyang ama at ni Dānwèi Zhîhuī Guān na palagi siyang sinasama sa pagpunta sa kapitolyo para malaman ang galaw ng mga taong nasasakupan nila.
Bumuntong-hininga siya bago nagsalita. "Ina, maraming salamat sa konsiderasyon mo para sa akin. Ikinatutuwa ko ang magandang hangarin mo sa imperyo pero hindi maaaring umupo sa trono ang isang taong hindi naman bahagi ng aming angkan. Ano na lang ang sasabihin ng aking mga ninuno kung hahayaan kong umupo si Guan Song Tongjun?"
"Naiintindihan ko ang ibig mong sabihin, wangye, pero—"
"Ina, alam kong nag-aalala ka para sa akin pero kung nanaisin ko man na ipahawak saglit ang aking trono ay hinding-hindi ko pipiliin si Guan Song Tongjun." Magalang niyang sabi, bakas sa boses ang pagkainosente pero ang totoo ay may halong pang-uuyam ang bawat salita niya. "Bakit ko pipiliin ang isang Tongjun kung maaari ko naman ipahawak ito sa isang Dānwèi Zhîhuī Guān? Mas mataas ang posisyon niya kung ikukumpara sa iyong kapatid."
Napatayo ang Huang Taihou, naningkit ang mga mata.
"I-ina," bigla ay nataranta si Hao wangye. Lumuhod siya sa harap nito at nanginginig ang boses na humihingi ng tawad. "W-wala akong ibang ibig sabihin sa mga sinabi ko. Ang nais ko lang ay maipagmalaki ako ng mga ninuno. Kung sila ang nasa posisyon ko at nakasama nila ang Danwei ay nasisiguro kong siya rin ang pipiliin nilang saglit na umupo sa trono."
"Wangye, nagmamalasakit lamang ako sa 'yo pero ganitong mga salita ang maririnig ko. Alam mo naman na ikaw na ang itinuturing kong anak, 'di ba?"
"Alam ko, ina, pero may huling habilin na iniwan ang amang emperador kaya—"
"Hayaan mong kausapin ko ang mga ministro." Patuloy pa rin sa pagpupumilit ang Huang Taihou. "Ang danwei ay marami rin ginagawa at mahalaga ang kanyang trabaho kaya hindi maaaring iwan. Kaya ang aking kapatid ang siyang nararapat na saglit umupo sa iyong trono. Anak, naiintindihan mo ang mga pag-aalala ko para sa 'yo, tama ba?"
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...