Chapter 73

31 6 0
                                    

Chapter 73: Volume 6: The Fallen

HALOS isang taon at kalahati na rin ang nakalipas, natapos na ang tag-init at ngayon ay tagsibol na. Malapit na ang anihan at nasisiguro niya na iyon din ang hinihintay nina Xian Mu at Liu Xue. Maaani na ng mga ito ang mga pulang bulaklak na iyon.
Pero paano siya makakabalik sa kaharian ng Yu? Bantay-sarado pa rin siya ni Lie Feng, kahit si Emperador Hen Hao ay binabantayan din siya. Hindi lang ito nagpapahalata pero halos ayaw na nga siya nitong palabasin ng silid niya. Kung makalabas man siya ay nararamdaman niya na may mga nagbabantay sa kanya sa dilim. Madami din itong hinihinging payong-militar sa kanya. Hindi naman niya matanggihan dahil sa laki ng utang na loob niya dito.

Isang araw ay bigla siyang inaya ni Lie Feng para samahan itong pasyalan ang mga bukirin. Inutusan kasi ito ni Emperador Hen Hao para tingnan ang kalagayan ng mga bukirin. Nagsisimula na kasi na magtanim ng binhi ang mga magsasaka doon. Bahagi kasi ng pagro-ronda nito kada taon ang pagmamasid sa mga bukirin para masiguro na maganda ang mga aanihin ng mga ito kapag dumating na ang tag-lamig kaya lang ay masyado itong maraming ginagawa sa loob ng palasyo kaya si Lie Feng na lang ang inutusan nito.

Matapos nitong bisitahin ang mga magsasaka na may gustong sabihin na rekomendasyon para sa emperador ay nag-aya na ito para bumalik sila ng palasyo pero umaayaw si Dou Ji.

"Narinig ko na magkakaroon ng piesta ngayon sa bayan ng Baifan. Gusto kong pumasyal."

"Hindi maaari na magtagal tayo sa bayang ito, kailangan na natin bumalik."

"Ginoo, nais mo bang magtungo sa piesta?" May isang dalaga na lumapit sa kanila. Tumango-tango naman si Dou Ji matapos na tingnan si Lie Feng na nakasimangot na sa dalaga.

"Tungkol saan ang piesta ng Baifan?"

"Ang piesta ngayon doon ay pasasalamat sa diyos ng agrikultura. Masaya ang piesta doon at tiyak na magugustuhan niyo ang iba't ibang uri ng mga pagkain at palabas doon!" Masayang paanyaya pa sa kanila nito. Sinamaan naman ito ng tingin ni Lie Feng, halatang ayaw nitong magtungo sila doon dahil sa isipin na may balak siyang tumakas.

"Xiao Feng, gusto kong pumasyal. Matitiis mo bang hindi sundin ang hiling ko?" Ngumuso siya sa harap nito at umarteng tila isang tuta.

Bumuntong-hininga naman ito. "Saglit lang tayo at kailangan na bago mag-gabi ay bumalik na tayo sa palasyo."

Napatango-tango naman si Dou Ji. Ilang sandali pa nga at nagtungo na sila doon. Ang mga kabayong ginamit nila ay itinali nila sa isang puno bago naglakad-lakad sa paligid. Agad nakapukaw ng pansin ni Dou Ji ang isang malaking puno ng songshu at sa di kalayuan ay may isang pavillion. Ang daan papunta puno at pavillion ay bako-bako at tila pinabayaan na ang lugar. Lumapit siya sa puno at hinawakan ang malapad na kahoy, mayabong ang punong ito at kahit ilang bagyo o kahit gaano pa kabigat ang nyebeng pumapatong sa sanga nito ay hindi pa rin natitinag at matatag pa rin nakatayo. Naglakad naman siya sa bako-bakong daan, nasa isang daang hakbang iyon papunta sa pavillion na walang pangalan. Mukhang hindi naman dinadayo ito dahil puno ng alikabok at mga sapot ng gagamba ang pavillion.

Sayang... naisip niya.

"Jiangjun?" tawag sa kamya ni Lie Feng.

"Magiging maganda sanang atraksyon sa mga tao ang lugar na ito kung mabibigyan lang ng sapat na pansin."

Biglang napanguso si Lie Feng pagkuway humalukipkip. "Ang lugar na ito ay isang parte noon ng isang manor noong unang panahon. Giniba at sinira ng mga rebelde noon ang manor hanggang sa ang punong ito at ang pavillion na lang ang natira."

"Bakit hindi na lamang ayusin ito ng emperador?"

Nagkibit-balikat si Lie Feng. "May sumpa ang lugar na ito. Sa bawat pagtatangka na putulin ang punong ito o gibain ang pavillion ay may nangyayaring hindi maganda sa mga nagtatangka kaya naman hindi na pinakialamanan ng dating emperador ang lugar na ito, kahit si Emperador Hen Hao ay walang balak na galawin ang lugar na ito."

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon