Chapter 11
"SAAN ka galing? Hindi ka naabutan ng mga tagasibli sa kuwarto mo." Salubong na tanong kanya ni Xiao Hen nang makita siyang naglalakad sa malawak na hardin ng palasyo. Naka-postura ang hari, sa tingin niya ay may gaganapin na pagpupulong ang mga ito kasama ang Punong Ministro at ang ilang mga ministro. Gusto niya sanang sumama kaya lang ay paano? Siguradong kukundinahin siya ng mga ministro nito dahil sagrado para sa mga ito ang pagpupulong na ginagawa. Bigla siyang may naisip na paraan.
"Puwedeng maghintay ka muna saglit dito? May kukunin lang ako. Saglit lang ako." Tumakbo na siya pabalik ng kanyang kuwarto at kinuha ang cell phone niya. Tsinek niya agad ang battery life nito at halos puno pa iyon. Hindi naman niya kasi nagagamit sa panahon na ito. "Kunin mo ito at itapat mo lang ng ganito." Pinahawak niya kay Xiao Hen ang cell phone na naka-set na sa video.
"Ano ang bagay na ito?" Ginalaw-galaw nito ang cell phone niya hanggang sa itapat nito ang camera sa mukha niya. "K-kinokopya nito ang imahe mo!" Manghang-mangha na sabi nito.
"Tama, ang bagay na ito ay talaan ng mga pangyayari. Ang gusto ko sana ay hawakan mo lang ito habang nagpupulong kayo kasama ang mga ministro mo."
"Gusto mong malaman ang pag-uusapan namin. Maaari kang sumama kung gusto mo."
Mabilis na tumanggi si Yi Jian. "Hindi na. Siguradong magtataka ang mga ministro mo kapag nakita nila ako doon. Basta, wala kang ibang gagawin kundi ang hawakan lang ito para maitala ang pagpupulong, ayos ba 'yon?"
Tumango ito at hindi na nga binitawan ang cell phone niya.
_____
ILANG oras din ang itinagal ng pagpupulong ni Xiao Hen. Naghihintay silang dalawa ni Lie Feng sa loob ng palasyo ng emperador habang si Ouyang ay nasa labas at pinapaabangan niya roon ang lalaki.
"Sinabi iyon sa 'yo ng isang ministro?" Parang naaasar na sabi ni Lie Feng matapos niyang ikwento rito ang nangyari kaninang umaga. "Lapastangan! Akala niya ay ordinaryong panauhin lang tayo ng kamahalan kaya ganoon ang inasal niya sa harapan mo. Mananagot siya sa akin pagkatapos ng problemang ito."
"Hayaan mo na, balewala naman sa akin iyon."
Napatango na lang si Lie Feng habang nakangalumbaba sa lamesa. Naniningkit pa rin ang mata nito, siguradong galit pa rin ito sa ministro na iyon. Dapat pala ay hindi na siya nagkuwento rito kaya lang ay mahalagang parte din kasi iyon para sa pag-iimbestiga na ginagawa nila.
Mayamaya pa ay dumating na ang emperador kasama si Ouyang. Hawak-hawak pa rin nito ang cell phone niya. Matapos niyang i-save ang video ay tsinek niya ang battery life niyon, less than 70% pa.
"Ngayon lang ako nakakita ng ganitong kagamitan. Saan nanggaling ito? Bakit hindi mo ipinakita sa akin noong nasa palasyo kita?" Parang nagtatampo na sabi ni Lie Feng.
Natawa naman siya sa inasal nito. "Huwag ka nang magtampo. Ngayon ko lang ito nilabas dahil importante ito para ginagawa natin."
Ilang sandali pa ay pinanood na nila ang video. Umabot ng dalawang oras ang pagpupulong na naka-record sa video. In-adjust ni Yi Jian ang eksena sa video hanggang sa makarating sa kung saan nagsasalita na ang ministrong nakausap niya kaninang umaga. Saglit niyang p-in-ause ang video.
"Sino siya? Anong kawanihan ang hawak niya?" tanong ni Yi Jian kay Xiao Hen.
"Siya si Ministro Zhuang Jia. Ministro ng Kawanihan ng Agrikultura."
Napatango si Yi Jian at p-in-lay ulit ang video.
"Tatlong mahahalagang pananim ang nasalanta ng panununog sa ating kaharian. Ang mga ito ay ang mga palayan, mga mais at mga patatas. Kung sana ay naisalba ang kahit na mais lang ay meron sanang pamalit sa bigas para hindi magutom ang mga tao."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Fiksi SejarahBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
