Chapter 104

10 6 0
                                    

Chapter 104

HALOS isang taon at mahigit ang ginugol niya para sa pagsasanay at pag-aral. Ngayon ay nakalabas na sila ng Qinghua para magpunta sa magiging tahanan nila pansamantala habang hinihintay ang pagdating ni Yue Guang, isang unit commander mula sa hukbo ng imperyo ng Han at ito rin ang taong pinakamalapit sa emperador.

Ngayon ay may pagkakataon si Dou Ji para makalabas sa tahanang binigay ni Ming Jiangjun sa kanilang mga estudyante. Hinanap niya sa kapitolyo si Shu, nagpunta sa maliit nilang tirahan sa itaas ng puno pero naabutan niya iyong wasak na. Nagtungo rin siya sa kweba sa paanan ng Shiti pero wala rin ito doon. Nagtungo na lang siya sa puntod ng ina sa Haixian. Ang mga puting bulaklak na tinanim nila sa ibabaw ng bangkay ng kanyang ina ay masaganang namulaklak. Maganda ang bawat talulot, katulad ng kanyang namayapang ina.

"Ina, tulungan mo akong mahanap si Shu. Ang huli naming pag-uusap ay hindi maganda. Nag-aalala na ako para sa kalagayan niya. Sana kung nasaan man siya ay nasa maayos siyang kalagayan katulad ko." Lumuhod siya sa puntod pagkuway hinaplos ang mga bulaklak.

Mayamaya ay umalis na rin siya, papagabi na at may oras lamang sila para manatili sa labas.
_____

"SHU-SHU, bakit ka malungkot? Hindi mo ba ikinatutuwa na maraming salapi ang dumating sa 'yo ngayong gabi?" Nakangising sabi sa kanya ni Yang Ge, isang mangangalakal na dumadayo sa bawat kaharian. Ang kinakalakal nito ay ang mga tulad niyang nagbibigay na panandaliang-aliw. May tatlo pa siyang kasama na binubugaw nito pero patay na dahil hindi kinaya ang trabaho, uminom ng lason ang mga ito. Ngayon ay siya nalamang ang natitirang kalakal nito.

Nang araw na hinarang siya nito sa Haixian at dinukot ay ito na ang naging trabaho niya mula noon. Halos nalibot na niya ang pitong kaharian at mga bayan dahil kay Yang Ge. Noong una ay napipilitan siya dahil naaalala niya ang mga sinabi ni Xiao Ji, sinusubukan niya rin tumakas pero mas malakas kaysa sa kanya ang mga bantay ni Yang Ge. Sa tuwing nagtatangka siya ay pinaparusahan siya. Pinapaso ang talampakan niya o hindi kaya ay hinuhugot ang kuko niya sa paa. Iniiwasan ng mga ito na saktan ang katawan at mukha niya dahil iyon ang binibenta ni Yang Ge. Palibhasa ay may angking kaguwapuhan at maamong mukha kaya ingat na ingat ito para lang hindi siya mapinsala.

Habang tumatagal ay nakasanayan na lang niya ang bawat bisitang dumadating sa kanya. Malaki ang bayad sa kanya at halos sapat na ang naipon niya para bumili ng isang maliit na lupain. Nakuyom niya ang kamao pagkuway matalas ang matang tumingin kay Yang Ge. Sa kasalukuyan ay nasa kaharian sila ng Wei, balak siya nitong ikalakal sa mga opisyal doon. Ayon pa sa nakita niyang talaan nito ay babalik sila sa Yu sa isang buwan dahil hinahanap siya ng isang ministro doon na naging karelasyon niya.

"Masaya ako sa mga salaping meron ako," sagot niya dito. Sa oras na makabalik tayo sa Jinhuang, papatayin kita at ang mga kasama mo para tuluyan na akong makawala sa inyo!

Mabilis lang na lumipas ang isang buwan. Sa wakas ay nakaapak na siya sa kapitolyo. Sa loob ng halos isang taon ay nagagawa na siyang pagkatiwalaan ni Yang Ge, patunay na roon ang hindi nito pagkadena sa kanya sa tuwing may bisita siya. Hindi na rin siya nito pinapapabantayan. Pero kailangan nang matapos ang palabas na ito. Walang alam sina Yang Ge na lihim siyang nag-iipon ng buto ng mansanas. Dinidikdik niya iyon at ang pulbos niyon ay nilalagay niya sa maliit na botelya na lagi niyang dala.

Ang buto ng mansanas ay nakakalason lalo na kung marami iyon at dadagdan pa ng ilang sangkap. Nasa loob sila ngayon ng silid at siya ang naghanda ng pagkain nila. Nilagay na rin niya ang pulbos na buto ng mansanas, ilang sandali pa ay naganap na ang inaasahan niyang mangyayari sa mga ito. Unti-unting humahawak ang mga ito sa leeg na tila nahihirapang huminga. Tumayo siya at tumingin kay Yang Ge na dinuduro siya habang kay sama ng tingin. Kung kaya nitong magsalita ngayon ay siguradong sasabihin nitong wala siyang utang na loob pero wala syang pakialam doon. Ang mahalaga ay mamatay ito ngayon. Gamit ang patalim ay nilaslas niya ang leeg ng mga ito para hindi na mahirapan pa pagkuway iniwan na ang mga ito.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon