Chapter 28
MATAMAN lang na naghihintay si Dou Ji sa pinto ng bahay ni Wenrou. Pagkatapos kasi nilang kumain kaninang umaga ay nagpaalam ito dahil aasikasuhin nito ang mga gagamitin nila bukas ng umaga. Pero sumapit na ang hapon ay hindi pa rin ito nagbabalik, hindi niya maiwasang mag-alala para sa kaibigan.
"Ji Jiangjun, bakit hindi ka muna maupo at kumain?" Alok sa kanya ng emperador.
Humarap siya rito at magalang na tumanggi. Isang pirasong tinapay na lamang ang nasa lamesa, kung makikihati pa siya ay siguradong kukulangin pa ito sa emperador. Mas kailangan nito ng lakas kaysa sa kanya, isa pa ay kaya niyang hindi kumain dahil naging parte iyon ng pinagdaanan niyang pagsasanay bago siya naging jiangjun.
"Nag-aalala ka ba?"
Napatingin siya rito pagkuway tumango at ngumiti. "Isa sa pinakamatalik kong kaibigan si Wenrou kaya mag-aalala ako para sa kanya."
"Sa totoo lang, akala ko nang mag-aya kang magtungo rito ay dahil may kakilala kang mataas na opisyal na makakatulong sa atin." sabi ni Lie Feng. "Para sa isang jiangjun na tulad mo, bakit parang... hindi sa minamaliit ko si Wenrou pero bakit hindi mga opisyal ng palasyo o hukbo ang siyang kinakaibigan mo?" Hindi maiwasang tanong ni Lie Feng. "Hindi ba at sa mga ganitong sitwasyon ay mas makakatulong sila sa 'yo?"
"Alam mo bang iyan din ang sinabi sa akin ni Liu Xue noon? Pero ayokong magkaroon ng kahit na anong koneksyon sa mga binanggit mo. Sina Wenrou at Liu Xue, sila lang ay sapat na para matulungan ako. Silang dalawa ang pinakamatalik kong kaibigan."
"Bakit kaunti lang ang gusto mong maging kaibigan?" tanong ng emperador.
"Kaunti?" Umiling si Dou Ji. "Pili lang silang mga kaibigan ko, kamahalan. Hindi ko kailangan ng maraming kaibigan o mga kakilala na may mataas na posisyon para lang masabi na kilala akong tao at maraming nagtitiwala. Sa oras ng kagipitan, sa tingin mo ba ay ilan lang sa marami mong kaibigan ang siyang totoong tutulong sa 'yo na bukal sa loob nila at walang hinihinging kapalit? Sa sampong daliri natin sa kamay, isa o dalawa lamang doon ang siyang tutulong sa 'yo."
Napatitig ang mga ito sa kanya.
"Ang debosyon at katapatan ay nararapat lamang na ibigay sa pinakaimportanteng tao sa buhay mo. Ilang beses ko nang napatunayan ang katapatan nila sa akin kaya kahit anong mangyari, husgahan man sila ng lahat ng tao sa mundong ito ay mananatili pa rin ako sa tabi nila at buong puso na maniniwala sa bawat sasabihin nila."
Hindi nakasagot ang mga ito. Humanga sa mga sinabi niya. May sasabihin pa sana siya nang marinig na kumakalam ang sikmura ni Lie Feng, tulad niya ay kanina pa ito inaalok ng pagkain ng emperador pero tumatanggi rin. Kaya naman nagpasya siyang magluluto ng pagkain, tutal ay papagabi na rin at sa oras na dumating si Wenrou ay kakain na lamang ito.
"Sandali," pigil sa kanya ni Lie Feng. "Nakarating sa akin ang balita na..." napalunok ito. "Noong araw ng pagsusulit sa Nancheng ay nalason ang mga kasama mo na naging dahilan para hindi kayo makadalo sa pagsusulit. Kung magluluto ka at kakainin ng emperador ay baka—"
"T-totoo ba ang sinabi niya, Ji Jiangjun?" Napalunok ang emperador matapos marinig iyon.
"Magtiwala kayo sa akin. Hindi ko lalasunin ang emperador."
"Pero—"
"Ang tanging hiling ko lang ay huwag kayong papasok sa kusina habang gumagawa ako."
Gumagawa ng lason? Halos sabay na naisip ng emperador at ni Lie Feng.
Hindi na napigilan si Dou Ji na pumasok sa loob ng kusina habang ang dalawang naiwan sa sala ay nagkatinginan na lamang. Naghintay na lamang sila habang nagdarasal na sana ay dumating na agad si Wenrou na may dalang pagkain para hindi na nila kailangan na kainin ang pagkaing inihain ni Ji Jiangjun. Ilang sandali pa ang lumipas at nakarinig sila ng mga kalansing ng bakal na tila itinatapon, may mga lagatok rin na tila binabaling kahoy at parang napupunit na laman. Sumatutal ay parang may nagaganap na digmaan sa loob ng kusina. Muli ay nagkatinginan sila at sabay na tumayo para saglit lang na sumilip sa kusina. Doon ay nakita nila ang Jiangjun ng Yu na nakatayo habang may tinatadtad, gigil na gigil ito kaya naman ang laman sa tinadtad nito ay tumatalsik pagkatapos niyon ay itinaas nito ang piraso ng laman at inihagis sa kumukulong mantika. Ang isda naman ngayon ang nililinisan nito at tulad sa piraso ng karne ng manok ay gigil din nitong nililinisan ang isda, inaalis ang lamang loob pagkatapos ay huhugasan at inilagay sa kumukulong tubig.
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...