Chapter 49

33 6 0
                                    

Chapter 49: The Promise II

"NANG dahil sa pagdating ng mga tulisan ay nakaligtas ako mula sa mga kamay ni Xue Tongjun. Nagkaroon ng malaking gulo sa Jinhuang dahil hindi matapos-tapos ang pagdating ng mga kawal sa utos na rin ni Mu shaoye." Napatingin si Xiao Zhang kay Ji Jiangjun na hanggang ngayon ay nakayakap pa rin kay Lie Feng. "Ilang araw din ang itinagal ng laban, tumigil lang ang mga ito nang biglang umulan nang malakas. Sinamantala ko naman iyon at bumalik ako sa kapitolyo para magmatyag ng nangyayari ngayon sa palasyo. Nalaman ko na si Xue Tongjun ay hinirang na bilang bagong Jiangjun. Si Ji Jiangjun naman ay itinuturing na totoong rebelde na nakipag-alyansa sa mga tulisan para mapatalsik si Haring Fu Bai."

"Ang sama! Ginawa nila lahat iyon kay Ji Jiangjun?" Gigil na sabi ni Lie Feng.

Napatango na lang si Xiao Zhang bilang sagot. "Nailigtas ni Ji Jiangjun si Rou ge mula sa nakatakda nitong kamatayan sa kamay ni Mu shaoye. Bumalik siya at ng mga tulisan kasama si Rou ge."

Napatingin si Lie Feng dito. "Kung nagawa naman pala ni Ji Jiangjun na mailigtas sa tiyak na kamatayan si Wenrou ay bakit sinasabi ng mga tao na pinatay niya ang sarili niyang kaibigan? Hindi ko maintindihan."

Bumuntong-hininga naman Xiao Zhang at nagsimula na ulit magkwento ng mga pangyayari sa Qingrong...

"Jiangjun! Ji Jiangjun!" Tawag ni Xiao Er kay Dou Ji nang maabutan siya nitong natutulog habang nakasandal sa malaking puno. Lumuhod ito sa harapan niya pagkuway hinawakan ang kamay niya.

"Xiao Er..."

"Maraming salamat sa pagtupad mo ng pangako sa akin. Nakabalik na si Rou ge sa tabi ko." Kay lawak ng ngiti na sabi nito sa kanya. "H-hindi ko lang inaasahan na magiging ganoon ang sitwasyon niya. Ang mga walang-hiyang iyon! Pero aalagaan ko siya, ako na ang magiging mga mata at kamay niya. Ako naman ang mangangako sa 'yo, Ji Jiangjun. Babalik siya dati, magiging masigla ulit siya at makakasama natin nang matagal."

Hindi makasagot si Dou Ji. Hinayaan lang ito sa pagkukuwento. Nang mawala na ito ay muli napaisip siya sa sinabi ng kawal na iyon na ginawa kay Wenrou bago iharap sa entablado. Hindi niya mapigilan na mapait na mapangiti. Ano nga ulit ang sinabi ni Xiao Er? Aalagaan niya si Wenrou? Babalik ito sa dating sigla at makakasama nila nang matagal? Napapikit siya. Ang kaninang mapait na ngiti ay napalitan ng impit ng iyak mula sa kanya.

Isang linggo na ang nakakalipas nang mangyari ang kaguluhan sa Jinhuang. Isang linggo na rin nasa pangangalaga ni Xiao Er kasama ng manggagamot si Wenrou para mapagaling ito. Ngayon ay napagpasyahan ni Dou Ji na dalawin si Wenrou, gusto niyang makita ang kalagayan nito. Magmula kasi nang dalhin niya si Wenrou dito ay hindi niya pa ito nakikita. Natatakot kasi siya, hindi niya kayang makita sa ganoong sitwasyon ang kanyang kaibigan.

Ngayon ay nasa tapat na siya ng tinuluyan ni Wenrou at Xiao Er. Akmang bubuksan niya ang pinto nang unang lumabas si Xiao Er na tuliro at takot na takot. Nang makita siya nito ay agad na hinawakan ang braso niya.

"Manggagamot! Kailangan ko siya dito! Si Rou ge, namimilipit na naman siya sa sakit! Kailangan na—" binitawan na siya ni Xiao Er dahil nakita nitong padating na ang manggamot. Agad ay hinila nito ang doktor para tingnan ang kalagayan ni Wenrou.

Habang si Dou Ji ay nananatiling nakatayo sa labas, pinapanood mula sa malayo ang sitwasyon ni Wenrou. Sumisigaw ito, umiiyak at isa lang ang minumuwestra ng labi... "Gusto ko nang mamatay..."

Nakuyom niya ang kamao pagkuway tumakbo habang hindi mapigilan ng mga mata niya ang pagbuhos ng luha roon. Sa isang puno ay ibinuhos niya ang negatibong damdamin na ngayon ay bumabalot sa kanya. Gamit ang patalim ay buong lakas niyang tinaga ang katawan ng puno, ilang ulit hanggang sa hindi niya sinasadya na masaksak ang sarili. Doon ay tumigil na siya sa ginagawa at napaupo na lamang sa damuhan. Napatitig na lamang siya sa kanyang palad na inaagusan ng dugo. Masakit, makirot, may pagpintig siyang nararamdaman doon.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon