Chapter 36
HINATID ni Dou Ji sa labas ng kanyang tinitirhan si Lie Feng na ngayon ay pabalik na ng palasyo ng Han. Si Wenrou naman ay sumabay na rito dahil ang dadaanan ni Lie Feng ay ang papunta din ng ilog ng Haixian kung saan naroon ang maiksing daan papunta sa Zhuliu.
Ang nangyari kaninang umaga kung saan nagtapat ng nararamdaman si Xiao Er, hindi niya talaga inaasahan na ganoon kabilis itong gagawa ng hakbang. Pinayuhan niya ito, oo, pero ang ginawa nito ay talagang nakakagulat.
"Xiao Er, huwag ka nang magtago. Alam kong nariyan ka." Mayamaya ay sabi niya nang makarinig ng kaluskos sa kanyang likuran.
Mabilis naman lumabas sa kanyang pinagtataguan ang dalaga. Nakayukong lumapit ito sa kanya at hindi makatingin sa kanyang mga mata. Kaya naman hinila niya ang tainga nito at doon ay napaaray ito sa sakit habang pinapalo ang kamay niya.
"Bakit ba? Mali ba ang ginawa ko? Ang sabi mo ay magtapat ako sa kanya habang—"
"Sinabi ko bang mali ang ginawa mo?"
Humaba ang nguso nito. "Bakit mo ako piningot?"
"Dahil hindi ka makatingin sa akin ng deretso."
"Hindi ka galit sa ginawa ko?"
"Bakit ako magagalit? Ako nga ang nagpayo sa 'yo pero nakakagulat ang ginawa mo." Natatawa niyang sabi. "Anong pakiramdam mo ngayon?"
Bigla itong napangiti, hawak pa rin ang taingang namumula dahil sa pingot. "Masaya pero, Jiangjun, nakita mo ba ang hitsura niya kanina? Gulat na gulat siya sa ginawa ko. Pero parang makapal yata ang..."
"Walang mali sa pagsasabi ng nararamdaman sa iyong kapwa. Para sa akin ay isa iyong palatandaan na malakas ang isang tao."
"Malakas ang isang tao? Jiangjun, hindi ba at parang pinaganda mo lang ang salitang iyon para sa taong makapal ang mukha?"
Muli ay piningot niya ito. Nagrereklamo na pinalo nito ang kamay niya. "Nagbibiro lang ako."
"Pinapalakas ko nga ang loob mo pagkatapos ay iisipan mo ako ng masama? Xiao Er, magmula nang dinala kita dito ay itinuring na kitang kapatid kaya naman nang malaman ko ang pagtatangi mo para kay Rou-rou ay masaya ako dahil alam ko na maaalagaan ka niya nang mabuti."
Napangiti si Xiao Er sa sinabi ni Ji Jiangjun. Ang totoo niyan ay hindi niya akalain na ganito pala ang turing sa kanya ng jiangjun na nagligtas sa kanya dalawang taon na ang nakakaraan. Ang totoo pa niyan ay noong binili siya nito sa kanyang ama ay buong akala niya ay maninilbihan siya sa loob ng Ji Manor bilang isang pampalipas-oras na babae. Ang alam kasi sa buong kapitolyo ay walang babae ang nagtatrabaho sa loob ng manor at dahil doon ay binalak niyang tumakas sana pero ang dinatnan niyang tagpo sa loob ay kabaliktaran ng inaakala niya. Nagtatalo-talo ang mga lalaking nakatoka sa paglilinis sa paligid, may halos nagmamakaawa pa nga dahil ayaw pumasok sa kusina para maglinis.
Nang makita ng mga ito na may dalang babae si Ji Jiangjun ay nagalit pa ang mga ito dahil sa pag-aakala na magpapalipas ng oras ang jiangjun pero ipinakilala siya nito bilang bagong tagasilbi na mamamahala sa loob ng kusina. Pagkatapos niyon ay tuwang-tuwa ang mga ito na dinala siya sa kusina. Mula sa mga ito ay nalaman niya na si Ji Jiangjun pala ang madalas na nagluluto sa loob ng kusina sa tuwing gusto nitong kumain ng putahe na paborito nito. Kaya lang ay sa tuwing napapabayaan ito ay halos parang dinaanan ng digmaan ang loob ng kusina. Nagkalat ang uling, nangingitim ang mga puwet ng kaldero, ang sangkalang kahoy ay nabibiyak sa dalawa at ang kutsilyo ay nababali. Ang mga ginamit nitong plato at mangkok ay nababasag at ang mga sangkap sa niluto nito ay nagkalat sa sahig.
Magmula sa araw na nakatapak siya sa kusina para maglinis ng kinalat ni Ji Jiangjun—na halos inabot siya ng umaga para lang maiayos ang kusina ay hindi na niya kailanman pinayagan si Ji Jiangjun na tumapak doon. Meron pa nga siyang pinagawa na isang karatula kung saan nandoon ang imahe ni Ji Jiangjun na may crossout habang sa ibaba ay may salita na, "Bawal siyang pumasok."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Tarihi KurguBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
