Chapter 109

15 6 0
                                    

Chapter 109: Volume 11: Poisonous Love. Curable Love

Present time

HINDI makapaniwala si Yi Jian sa ikinuwento ni Haring Kai habang nasa loob sila ng selda. Nagmahal pero hindi nasuklian. Kinutya at inabuso ng may kapangyarihan. Hindi niya maiwasang maawa para kay Xiao Shu. Nang dahil sa naging karanasan nito noong bata pa ay naging dahilan iyon para mabuo si Haring Kai. Nakuyom niya ang kamao, ngayong narinig niya ang kwento ng buhay nito ay napaisip siya tungkol sa sinabi ni Bei Yiqi na dahilan kung bakit ito nasusuklam kay Haring Kai. Pinagtangkaan daw itong gahasain noong pitong taong gulang ito. Gusto niyang malaman ang katotohanan tungkol doon.

"Yi shaoye, ibinigay ba talaga ni Haring Kai ang tirahan na ito sa 'yo?" Hindi makapaniwalang sabi ni Ouyang habang nililibot ang tingin sa paligid.

Kasaluluyan ay nasa loob na sila ng kanyang tahanan. Matapos ang kwento ni Haring Kai ay pinalabas na sila nito at ipinahatid sa mansion ni Yi Jian. Nang oras na iyon, pakiramdam ni Yi Jian ay dalawang tao ang kausap niya dahil pagkatapos magkwento nito ay lumambot ang dati ay matapang na aura nito.

"Narinig mo ang kwento ng buhay natin, 'di ba? N-naaalala mo na ba ako? Xiao Ji? Ako ang kaibigan mo, ang tagal natin na hindi nagkita, 'di ba?" Puno ng pag-aalala na sabi nito at kinuha ang kamay niya para ipahaplos sa mukha nito pero parang may sakit na hinawi niya ang kamay nito.

"Kahit anong pagkukuwento ang gawin mo ay hindi ko maaalala ang lahat ng iyon dahil magkaiba kaming tao." Iyon ang sinabi niya dahil iyon ang katotohanan pero tila bingi ito dahil binaliwala nito iyon.

"Hindi na mahalaga kung maalala mo o hindi, ang mahalaga ay nandito ka na ulit sa tabi ko." Nakangiting sagot nito pagkuway nilingon sina Li Yong at Ouyang.

Napakurap si Yi Jian, baka dahil sa sinasabi niya ngayon ay mapahamak ang dalawang ito. "Huwag mo silang sasaktan. Sa oras na may gawin ka sa kanila ay hindi kita mapapatawad."

"Huwag kang mag-alala, wala akong gagawin sa kanila... sa ngayon."

"Ikaw—"

"Pakawalan niyo na sila at ibalik sa Ji Manor," utos nito bago lumabas ng kulungan...

"Mas malaki pa ang tahanang ito kaysa sa iyong tahanan sa loob ng ating palasyo."

Napatingin na lamang si Yi Jian kay Ouyang, saka lang siya nagbalik sa kasalukuyang nangyayari kung saan nakaalis na sila sa selda at nandito na sa loob ng Ji Manor pero may pinagkaiba ba? Nakakulong pa rin sila sa loob ng palasyo ng Chu.

Sumang-ayon naman si Li Yong sa sinabi ni Ouyang. "Malaki man ang tahanang ito ay hindi pa rin tayo dapat na makampante. Ito ang pugad ng ating kalaban. Anumang oras ay maaari nila tayong lusubin." Mayamaya ay bigla nitong kinuyom ang kamao pagkuway padabog na sinuntok ang lamesa. Pareho sila ni Ouyang na nagulat sa ginawa nito. "Nagagalit ako ginawang paghalik sa 'yo ng taong iyon. Yi Jian, hindi ka ba magagalit? Paano kung higit pa doon ang gawin niya?"

"Bakit ko kailangan matakot?"

"Pero ang ginawa niya ay kabastusan! Sinong matinong tao ang hahalik sa taong ayaw naman magpahalik? Tss, kahit nga tulog ka ay hindi ako nangangahas na gawin iyon kahit na gusto kita!"

Natawa na lang si Yi Jian. Mayamaya ay napatingin siya kay Ouyang na biglang nanahimik pagkatapos uminom ng tsaa.

"Alam ko na hindi ka mangangahas na gawin iyon dahil sa oras na malaman ko ay paduduguin ko 'yang labi mo." Pinitik niya sa noo si Li Yong. "Isa pa ay nandito naman kayo sa tabi ko para ipagtanggol ako. Saka lalaki ako, kaya ko rin ipagtanggol ang sarili ko kung sakali na wala kayo."

Napatango naman si Ouyang at inayos ang sarili. "Yi shaoye, tungkol sa kwento ni Haring Kai. Maniniwala ka ba doon? Lalo na at sinabi niyang kayo ni Liu Xue ay mag-pinsan pala?"

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon