Chapter 40
NANLAKI na lang ang mga mata ni Yi Jian matapos ang ginawa nina Li Yong at Ouyang kay Ministro Jiao Hua. Medyo naka-recover na ito sa sipa at suntok niya pero heto't sabay na sinuntok ng dalawa ang ministro kaya bumagsak ulit ito.
"Kayo-" hindi alam ni Yi Jian kung maiinis ba o matutuwa sa ginawa ng mga ito.
"Gusto rin namin maparusahan," sabi ni Ouyang. "Kukunin naming dalawa ni Yong shaoye ang kalahati ng parusa ni Yi shaoye. Dalawangpo at limang palo sa bawat isa sa amin."
"Hindi nga namin nakita ang pananakit ng ministro sa babae at bumase lang kami sa mga pasâ at sugat niya sa katawan pero naniniwala ako kay Yi Jian. May prostitusyong nagaganap sa loob ng palasyo at pasimuno si Ministro Jiao Hua." May paninindigang sabi ni Li Yong.
Magsasalita sana ang hari nang bigla ay tumayo si Ministro Jiao Hua. "Latigo! Nais ko na maparusahan sila gamit ang latigo!"
"Ministro Jiao Hua, pinangungunahan mo ba ang desisyon ko upang gawaran sila ng parusa?" Galit na sabi ni Lie Feng. Akmang bababa pa ito para lumapit sa ministro. Mabuti na lang at napigilan ito ni Punong Ministro Sui Hao.
"Lie Feng, sundin mo na lang ang nais nila. Sinalo naman nina Ouyang at Li Yong ang kalahati na parusa. Limangpong hagupit ng latigo, kakayanin ko iyon. Magtiwala ka sa akin." Pangungumbinsi niya kay Lie Feng. Pero hindi ito sumagot at tumalikod na lang. Kaya naman si Punong Ministro Sui Hao na ang nagbigay ng hatol sa kanilang tatlo.
Matapos nang pagpupulong ay ikinulong muna saglit sa piitan sina Yi Jian, Ouyang at Li Yong. Kapwa na sila nakasuot ng puting damit bilang tanda na sila ay nakatakdang parusahan ngayong hapon.
"Hindi ko akalain na sasaluhin niyo ang kalahati ng parusa para sa akin, maraming salamat sa inyong dalawa." Nakangiting sabi ni Yi Jian.
"Tss, hindi ko lang talaga masikmura ang kasinungalingan ni Ministro Jiao Hua. Sa totoo lang ay magagalit na sana ako sa 'yo noong humingi ka ng tawad sa kanya pero humingi ka pala ng tawad dahil sisipain mo siya." Manghang sabi ni Li Yong.
"Tama! Akala ko rin talaga ay hihingi ka ng tawad sa kanya!" Nakangiting sabi ni Ouyang. "Yi shaoye, ang ganda ng pagkakasipa mo sa mahaba niyang baba! Muntik nang matagpas ang baba ni Ministro Jiao Hua."
Natawa na lang si Yi Jian. "Alam niyo, sa totoo lang ay matibay ang mahabang baba ng ministrong iyon kasi hindi nag-iba ng hugis kahit na napakalakas ng pagkakasipa ko." Pagkasabi niya niyon ay nagtawanan silang tatlo. "Pero seryoso, gusto kong malaman kung bakit nagpakamatay si Bai Xiang at paano nakumbinsi ni Ministro Jiao Hua sina Bai Rong at A-Nian para magsinungaling kahit na nasa harapan na nila ang mismong hari."
"Sa tingin ko ay may pananakot na ginawa ang ministro na iyon para magsinungaling sila," sabi ni Ouyang.
"Hindi malabong mangyari iyon," sabi naman ni Li Yong. "Naalala ko bigla na sinabi sa akin ni Bai Xiang na iligtas ko daw ang kapatid niya. Saka noong nasa pagamutan na kami ay bigla siyang nagwala at umiyak habang ginagamot siya ng manggagamot."
"May mga kasabwat si Ministro Jiao Hua, hindi nga lang natin alam kung sino-sino sila kaya kailangan natin na mag-imbestiga pa tungkol sa kasong ito. Gusto niyo ba sumama sa akin?"
"Sasama ako!" Sabay na sabi nina Li Yong at Ouyang.
Nakipag-apir pa siya sa mga ito kaya lang ay hindi alam kung paano makikipag-apir sa kanya kaya tinuruan niya ito. Matapos niyon ay sabay-sabay na silang nag-apir. "Yeah!" Sabi niya, nagkatinginan sina Li Yong at Ouyang. Nang muli silang mag-apir ay sabay-sabay na nilang sinabi ang, "Yeah!"
"Sa lahat ng mga makakatanggap ng parusa ay kayo ang pinakamasaya sa loob ng inyong piitan."
Napalingon silang tatlo sa nagsalita. Si Ministro Jiao Hua pala, tinalikuran nila ito at hindi pinansin.
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Ficción históricaBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
