Chapter 52
APAT na buwan matapos mamatay ni Wenrou, nagpatuloy si Dou Ji sa paghahanap ng ebidensya tungkol sa mga pulang bulaklak na naging dahilan ng kamatayan ng kanyang kaibigan. Anim na buwan na rin siyang nasa Qingrong lang, ang bayang ito ay nagsilbi niyang kuta. Alam ng palasyo na naroon siya at makailang beses na silang nilusob pero hindi magawang tuluyang matalo. Paano ay hindi lang ang maliit na bayan ng Qingrong ang kuta niya pati ag Qinghua at Haixian ay nasa ilalim ng mahigpit nilang pagbabantay. Ang mga kawal na nasa Qinghua ay kusang loob na lumapit kay Dou Ji at kinikilala pa rin bilang jiangjun ng mga ito.
At si Liu Xue bilang bagong Jiangjun ay mahigpit ang pagbabantay sa entrada ng Jinhuang at Ganjing. Hindi basta-basta nakakapasok ang sinuman na walang selyo na nagmumula rin sa kaharian. Sa tuwina ay nagpapadala ito ng ilang mga kawal para lusubin ang ilang tulisan na nagbabantay sa hangganan ng Haixian, gustong-gusto rin nitong makuha ang Qinghua dahil na rin sa iyon lang ang natatanging kampo na kumpleto sa kagamitan. Kung ikukumpara sa kampo nito sa Zhuliu ay walang-wala iyon sa Qinghua. Kung sabagay, isa siyang jiangjun noon na pinahahalagahan ng hari. Pero dati iyon, ngayon ay iba na ang sitwasyon. Wala nang rasyon ng pagkain at mga armas na darating sa kanya kaya naman maaga pa lang ay naghahanda na sila ng mga armas. At dahil wala silang pandayan ay ang mga armas nila ay gawa sa kawayan. Ang mga pagkain naman nila at tubig ay hindi problema dahil masagana sa lamang dagat ang Haixian at maganda ang mga pananim ng gulay.
At ngayon, sa wakas ay nakatanggap na ng balita si Dou Ji mula sa mapagkakatiwalaan niyang espiya na mula sa kapitolyo. Isang bahay-aliwan sa bayan ng Zhuliu ang napaulat na may nagaganap daw na bentahan ng droga. Kasama ang ilang mga tulisan ay nilusob nila ang bahay-aliwan na iyon. At hindi lang basta bentahan ang nagaganap doon kundi gumagamit din ang mga lalaki habang may sekswal na nagaganap sa loob. Punong-puno ng usok ang buong paligid nang pumasok sila.
Mabilis nilang nahuli ang mga sangkot sa droga pero dahil malakas na ang tama ng mga ito ay sinubukan silang labanan pero hindi nagtagumpay dahil mabilis din nila itong napuksa. Isa lang ang binuhay niya at pilit na pinaamin kung kanino o saan nito inaangkat ang droga pero bigo siya dahil nagpakamatay na ito sa pamamagitan ng pagkagat nito sa sariling dila.
"Ji Jiangjun, nakita namin ito sa likod ng entablado." Isang supot iyon ng tela at may nakapaloob dito ang kumpol ng mga pulang buaklak.
Inamoy niya iyon at nakumpirma niya ang drogang ginagamit ng mga ito. Nakuyom na lang ni Dou Ji ang kamao. Ang mga pulang bulaklak na ito ay ang siyang ginagamit ng dalawang manggagamot na nagawa niyang puksain ilang taon na ang nakakaraan. Naalala niya bigla ang mga batang umiiyak sa loob ng hawla, ang mga patay na katawan na hindi kinaya ang mga sugat na natamo. Ang mga manggagamot na iyon ay dumudukot ng mga bata at pinag-eeksperimentuhan. Gamit ang mga pulang bulaklak na siyang ginagamit ng mga ito para maging manhid ang katawan. Gustong patunayan ng dalawang manggagamot na kaya nilang mag-opera ng katawan ng tao kahit gising ito dahil meron naman daw pangpamanhid.Hindi katanggap-tanggap ang ginagawa ng mga ito, noon pa mang labing-limang taong gulang siya ay laganap na ang ganitong balita. Kaya nang mahirang siya para maging jiangjun ay itong kaso ng mga nawawalang bata ang agad niyang inasikaso. Nagtagumpay siyang mapuksa ang mga ito at naging dahilan iyon para matawag siyang bayani ng mga tao. Pero ngayon ay muling nabuhay ang mga pulang bulaklak! Ginamit pa si Wenrou at sinabing ito ang nagpakalat ng mga bulaklak na ito. Ang bulaklak din na ito ang tinutukoy ng kawal na siyang ginamit na droga para mamanhid ang katawan ni Wenrou at patuloy na mahirapan kahit halos maubusan na ng dugo.
Nakuyom niya ang kamao matapos na maalala iyon. Sa pagkakaalala niya ay sinunog na niya ang mga ito noon kasama ang mga binhi pero ngayon...
"Halughugin niyo ang buong lugar na ito at kapag may nahanap pa kayong katulad ng bulaklak na ito ay sunugin niyo lahat." Maawtoridad niyang utos sa mga ito.
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...