Chapter 33
"INIUUTOS ko na bitiwan niyo si Ji Jiangjun!" Maawtoridad na sigaw ni Emperador Hen Hao na kararating lang galing sa Fanrong Temple.
"Kamahalan," agad napalapit si Huang Taihou kay Hen Hao. Umiiyak na nagsumbong ito. "Pinatay ng Jiangjun ng Yu ng aking kapatid, ang tongjun ng kahariang ito! Bigyan niyo ng hustisya ang—"
"Xue Tongjun, inuutusan kita para bitiwan si Ji Jiangjun." Hindi pinansin ng emperador ang pakiusap ni Huang Taihou.
Si Liu Xue ay may pagdadalang-isip pa rin na sundin ang emperador. Nararamdaman pa rin nito sa mga kamay ang panginginig ng katawan ni Dou Ji dahil sa galit na nararamdaman.
"Liu Xue, bitiwan mo na ako." Mayamaya ay nagsalita si Dou Ji. Sumunod naman ito at dahan-dahan siyang binitawan. Tumayo si Dou Ji pagkuway nagbigay-pugay sa emperador. "Patawarin niyo ako sa kapangahasang ginawa ko loob ng iyong palasyo. Ang ginawa ko ngayon ay sarili kong desisyon—"
"Ji Jiangjun, ang utos na iniatang ko sa 'yo ay ang siguruduhing buhay si Song Tongjun bago siya hatulan ng kamatayan sa publiko."
Nagtatakang napatingin si Dou Ji sa emperador. Humakbang palapit sa kinaroroonan ng pugot na ulo ni Guan Song ang batang emperador. Iniangat ang paa at inayos ang pugot na ulo para makatayo. Napatitig si Dou Ji sa ulo ni Guan Song, dilat ang mga mata nito at bahagyang nakanganga. Namatay itong hindi inaakala na mamamatay ito sa ganitong paraan.
"Para sa kaalaman ng mga taong narito, matapos akong makabalik sa palasyo ay inutusan ko si Dānwèi Zhîhuī Guān para lihim na imbestigahan ang mga tao sa palasyong ito. Magmula sa mga tagasilbi, sa mga ministro at ilang opisyal ng hukbo, kahit ang Huang Taihou ay sumailalim din sa lihim na imbestigayon ng ating Danwei."
Hindi na nakapagsalita si Dou Ji, ngayon ay alam na niya ang dahilan kaya nito nasabi iyon kanina. Inililigtas siya nito sa nakatakdang kaparusahang kamatayan dahil sa pagpatay niya sa isa sa mga taong ng palasyong ito.
"At bago nagtungo si Guang Dānwèi Zhîhuī Guān sa Zhou ay inilatag niya sa 'kin ang resulta ng kanyang masusing imbestigasyon. Ayon doon ay si Song Tongjun, ang kapatid ng Huang Taihou ay may kinalaman sa pananambang na nangyari sa 'kin sa labas ng palasyo. Pero hindi pa sapat ang mga ebidensyang hawak ko dahil gusto ko pang malaman kung sino pa ang mga kasabwat niya." Napatingin ito kay Huang Taihou na kakikitaan ng takot sa imbestigasyong sinasabi ng emperador. "Kaya naman bago ako magtungo sa templo ng aking mga ninuno ay kinausap ko si Ji Jiangjun para bantayan si Guan Song. Nais kong makita ang kanyang reaksyon sa oras na makita niya ang lalaking inutusan para tambangan kami." Kinambatan nito ang kasamang guwardya at ilang sandali pa nga ay may kasama na itong lalaki.
Gulat na napatingin si Dou Ji dahil ang lalaking kasama nito ay ang lalaking binihag niya. Nakangiti pa rin ito, 'yon nga lang ay kalahati ng mukha lang. Puro pasa at sugat ang mukha, nasisiguro niyang napaaway ito sa labas dahil sa nakakalokong mga ngiti nito. Ilang sandali pa ay inutusan ng emperador na magsalita ang lalaki tungkol sa kung sino ang may pakana ng pananambang.
"Tongjun, si Song Tongjun ang—hahaha, siya ang nag-utos akin para tambangan ang emperador, hahaha!" Panay ang pagtawa nito. Kinambatan muli ng emperador ang dalawang guwardya na kasama nito para busalan ng tela ang bibig ng lalaki.
Matapos sabihin iyon ay nagsimula nang magbulungan ang mga tao sa paligid. Napatingin naman siya kay Liu Xue na hindi niya nakikitaan ng kahit anong emosyon.
"Kamahalan, ang salita ng isang kriminal ay hindi niyo dapat pinaniniwalaan hangga't walang matibay na ebidensya." Paalala ni Huang Taihou. "Isang tongjun ng Han si Guan Song at siya ang aking nag-iisang kapatid. Hindi ako makakapayag na dungisan ng kriminal na ito ang pangalan niya lalo at magiging malaki ang magiging implikasyon nito sa akin."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...