Chapter 12

95 11 5
                                    

Chapter 12

"KUMUSTA ang pakiramdam mo?" Unang bungad na tanong ni Yi Jian matapos magising si Jingwan. Nagulat pa ito nang makita sila kaya bahagya siya nitong tinulak at akmang tatayo pero napaigik na lang ito sa sakit dahil sa binti nitong may sugat pa. "Huwag mo munang igalaw ang binti mo. Baka biglang dumugo 'yan." Tumabi siya ng upo dito. Nakita niya ang takot sa mga mata nito lalo na nang tumingin kay Lie Feng. Naalala ang biglang paghugot nito ng kahoy sa binti. Alanganin siyang napangiti, hindi niya masisi ang bata kung makaramdam ng ganoon.

"Kukuha lang ako ng tubig na maiinom niya," paalam ni Lie Feng sa kanya.

"Kaibigan ko siya at makakatulong para sa problema mo." Nakangiti niyang sabi matapos makaalis ni Lie Feng. "Naiintindihan mo ang sinabi ko, 'di ba?"

Bahagya itong tumango.

"Naalala mo ako?"

Tumingin ito sa kanya at tumango.
"May mga gusto akong itanong sa 'yo nang araw na nakita kita sa labas ng palasyo pero bigla kang tumakbo. Natakot ka ba sa ministro na kausap ko?"

Bigla itong nag-react nang banggitin niya ang ministro. Panay ang ah, ah, at may ilang body language itong ginagawa kaya lang ay hindi niya maintindihan. Mayamaya lang ay dumating na si Lie Feng na may dalang tubig mula sa bao ng niyog at ibinigay iyon kay Jingwan.

"May humabol sa akin at gusto nila akong patayin. Nagtago ako sa loob ng gubat pero natusok ako ng kahoy," sabi ni Lie Feng. Napatingin naman agad si Yi Jian sa lalaki. "Iyon ang gusto niyang sabihin."

"Naiintindihan mo ang sinasabi niya?"

"Binase ko lang ang sinabi ko sa ginawa niyang paggalaw ng mga kamay niya," nakangiting sagot nito sa kanya. "Tama ba ang sinabi ko?" tanong nito kay Jingwan.

Hinawakan ni Jingwan ang damit niya habang nakangiting tumatango-tango. Napangiti na lang si Yi Jian. Mabuti na lang at nasa tabi niya Lie Feng, hindi na siya mahihirapan na i-translate ang sinasabi nito.

"Jingwan, may mga gusto akong malaman. Sasagutin mo lahat ng tanong ko, ayos ba 'yon?" Tumango ito. "Ikaw ba ang salarin sa naganap na panununog sa mga bukirin?" Sa tanong niyang iyon biglang namutla si Jingwan. Parang atubili pa ito kung sasagot ba sa tanong niya. "Inutusan ka ba ng ministro na iyon para manunog kapalit ang kalayaan ng iyong ama?" Pagkabanggit niya ng huling tanong ay umiyak na ito habang tumatango-tango. Niyakap pa siya nito kaya ramdam niya amg panginginig ng katawan nito
Nagkatinginan sina Yi Jian at Lie Feng.
"Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit gusto mong makausap ang binatilyong ito," sabi Lie Feng.

"Nang makita ko si Jingwan na kausap si Zhuang Jia ay naisip ko na posible ang hinala ko. Naghahanap ng tulong ang binatilyong ito para makalaya ang ama niya pero walang gustong tumulong sa kanya." Kumuha siya ng panyo at pinunasan ang pisngi nito, pinansinga niya rin ito sa panyo. "Nakita siya ng ministro at inalok ng tulong pero may kondisyon lang na gagawin ito. Maglalakbay ito papunta sa Fei at babalik dito sa Han. Sa bawat bukirin ng kahariang madadaanan niya ay manununog siya. Sa malamang ay ayon na rin sa utos ng ministro ay hindi niya ginalaw ang Yu at Ren para na rin mabaling ang sisi sa 'yo, Lie Feng."

"Mabisang istratehiya para mag-aklas ang ibang kaharian laban sa akin."

"Ginamit ni Zhuang Jia ang kadesperaduhan ni Jingwan para sa pansarili niyang plano. Iniisip niya siguro na wala namang maniniwala sa batang ito. Masama ang tingin ng mga tao sa mag-ama dahil magnanakaw ito, ang isa ay pipi pa, walang makakaintindi sa kanya kung sakali na humingi siya ng tulong." Tumingin siya kay Jingwan na umiiyak pa rin. "Tama na, huwag ka nang umiyak. Tutulungan ka namin. Ngayon din ay pupunta tayo sa palasyo ng emperador at ituturo mo kung sino ang totoong nasa likod ng panununog na ito. Naiintindihan mo?" Nakita niya ang takot sa mga mata ni Jingwan. "Kasama mo kami, wala ka dapat ikatakot." Ginulo niya ang buhok nito.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon