Chapter 5
MARAMING plano at mga ideya nang nagawa si Yi Jian at Dou Ji pero wala doon ang masasabi niyang pangmatagalang solusyon. Tatlong araw matapos masunog ang water mill ay sinugod na naman sila ng lalaking gustong umangkin ng lupa ni Yeye Moran, nagsama pa ito ng ilang kalalakihan para pwersahin silang ibigay ang lupa. Mabuti na lang at nandoon si Dou Ji para ipagtanggol sila. Kung sila lang ni Yeye Moran ang nasa bahay ay malamang napalayas na sila rito.
Ngayon ay nasa gilid siya ng ilog. Pinag-aaralan ang lugar. Mahaba ang ilog na iyon na patungo sa kabilang bayan. Ang bayan ng Jingying na sakop ng Kaharian ng Ren. Ang agos ay nagmumula sa Jingying papunta sa Ganjing pero bakit hanggang Ganjing lang ang tubig kung paikot ang agos nito? At bakit natigil sa Ganjing ang tubig pero hindi naman nagkakaroon ng over flowing ng tubig?
Napakurap bigla si Yi Jian. Kung tama ang hinala niya ay baka nandito nga mismo ang problema. Napatingin siya sa puwesto nina Dou Ji at Yeye Moran, mukhang seryoso ang pinag-uusapan ng mga ito. Gusto niya sana sabihin ang hinala pero siya muna ang titingin para sigurado. Walang pagdadalawang-isip na tumalon si Yi Jian sa ilog. Narinig pa niya na tinawag siya ni Dou Ji pero huli na dahil nasa ilalim na siya.
Tama nga ang hinala ko...
Mula sa ilalim ay may nakita siyang maliit na tunnel na kasya lang ang isang sampong taong gulang na bata. May pinag-aagusan ang tubig. Tama ang conclusion niya na paikot ang ilog na ito. Lalapit pa sana siya sa tunnel na iyon nang maramdaman na may humawak sa braso niya. Nang lingunin niya ay si Dou Ji. Ngumiti siya rito saka tinuro ang tunnel pero parang hindi nito pinansin ang tinuturo niya dahil hinawakan na nito ang kanyang braso at hinila siya pataas para makaahon na.
"Nakita mo ba 'yong tinuturo ko? May maliit na butas doon sa ilalim. May nakaharang lang kaya—"
"Iyon ba ang dahilan kaya bigla kang tumalon?"
"Oo, bakit?"
"W-wala naman." Umiwas ito ng tingin sa kanya.
Natawa naman siya bigla. "Akala mo nagpakamatay ako? Sira!" Mahina niya itong binatukan. "Matagal ko na kasi naiisip na paikot ang ilog na ito. Nanggagaling sa Jingying ang agos ng tubig dito sa Ganjing. Pero imposible na hanggang Ganjing lang ang tubig na ito kaya—Yeye Moran!" Tawag niya sa matanda nang makita ito. "Ano ang pinakamalapit na bayan dito sa Ganjing?"
"Ang Zhuliu ang pinakamalapit dito. Bakit mo natanong?"
"Kung tama ang hinala ko ay nandoon sa bayan na iyon ang problema kaya hindi umaagos ang tubig. Halika na!" Nakangiti niyang sabi. Umahon na siya sa tubig, kasunod si Dou Ji na tahimik pa rin.
"Ngayon ay may bigla akong naalala," pagkuway sabi ni Yeye Moran. "Dalawang taon na ang nakakaraan nang magkaroon ng lindol dito. Ang pinaka-naapektuhan na lugar ay ang Zhuliu. Naalala ko pa noon na kakatapos lang na sakupin ng kahariang ito ang Ren."
"At iyon ang dahilan kaya iniisip ng mga tao na nagalit ang langit sa hari kaya nagkaroon ng lindol at natuyot ang mga lupain." Napatango-tango siya. "Ngayon ay alam ko na ang dahilan."
"Sa tingin mo ba talaga ay nagalit ang langit sa hari? Masama ba talaga sa paningin mo ang hari ng Yu?" Mayamaya ay seryosong tanong ni Dou Ji kay Yi Jian.
Nang tumingin siya sa mga mata nito ay kitang-kita ang pag-aalala roon. Napangiti siya bigla. "Walang kinalaman ang hari sa nangyaring lindol. Natural na dumadating ang mga ganoong kalamidad at walang sino man ang nakakaalam kung kailan darating iyon. Sa pinanggalingan kong lugar ay lumilindol rin, nagkakaroon ng mga malalakas na bagyo, mga baha at kung ano-ano pa pero wala kaming sinisisi dahil natural lang ang mga iyon."

BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Fiksi SejarahBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...