Chapter 21

87 13 14
                                    

Chapter 21

"SHIT! Bakit ko ba hinayaan na mangyari iyon?" Napahilamos na lang sa kanyang mukha si Yi Jian. Pagkatapos ng nangyari kanina ay nakita niya kung gaano kasaya si Lie Feng, abot-tainga ang ngiti nito at halos hindi na naaalis ang masayang aura.

Ngayon ay nasa isang tulay siya, nakangalumbaba sa stone railings habang nakatitig sa malayang pag-ayos ng maliit na ilog ng Jinhuang. Sa kanyang likod ay palakad-lakad ang mga tao habang masayang nagkukuwentuhan. At heto siya ngayon, mag-isa, nagpaiwan kasi siya dahil kanina ay shock pa siya sa nangyari. Si Lie Feng ngayon ay umalis at bumili na makakain nila. Naalala pa niya ang sinabi nito bago umalis.

"Alam kong hindi mo inaasahan ang pagtatapat ko pero marami akong ikukuwento na tiyak na ikakabigla mo."

Tss, ano pa ba ang iba ko pang kailangan malaman?

"Totoo ngang bumalik ka!"

Napalingon si Yi Jian sa nagsalita. Magtatanong sana siya kung sino ito nang bigla ay hinila nito ang braso niya. Ramdam na ramdam niya ang higpit ng hawak nito sa braso niya. Ang lalaki ay nakasumbrero, may nakapaligid na manipis na itim na tela doon. Naka-black na hanfu dress din ito.

"Pasensya na, hindi kita kilala." Hinila na niya ang brasong hawak nito.

Ngumisi naman ito. "Hindi mo naaalala kung sino ako?"

Napakamot sa batok si Yi Jian. Hindi niya talaga kilala ang lalaking ito. Baka napagkamalan lang siya nito. Kaya naman tumalikod na siya pero nainis lang ito. Nilabas nito ang espada. Mabuti na lang at mabilis ang reflexes niya kaya naiwasan niya ang talim ng espada nito. Akmang ilalabas din niya ang kanyang espada nang matigilan.

Napatingin siya sa mga tao sa paligid. May ilang mga napalayo sa puwesto nila at natakot dahil sa ginawa ng lalaki. Ibinalik niya sa lalagyanan ang kanyang espada at tumakbo palayo dito. Seryoso siyang labanan ng lalaking ito kaya imposible na madaan niya ito sa matinong usapan. Ayaw niyang masira ang kasiyahan ng mga tao at madamay ang mga ito sa siraulong lalaki kaya lalayo siya sa kung saan walang madadamay.

Tumigil lang siya sa pagtakbo nang masiguro na wala nang ibang tao sa paligid. Nilabas na niya ang espada at itinutok iyon sa lalaking kinakalaban siya.

"Hindi talaga kita kilala kaya bakit mo ako gustong kalabanin?"

Natawa ito nang pagak. "Zhan Dou Ji. Hindi mo ako malilinlang. Dalawangpong taon na ang nakakaraan nang isumpa mong balang araw ay magbabalik ka. Iyon ay para maghiganti sa mga taong pumatay sa 'yo, 'di ba?"

"Hindi ako ang Dou Ji na hinahanap mo. Yi Jian ang pangalan ko. At hindi ako nagbalik dahil sa sinabi mo, nagkataon lang na—shit!"

Mabilis na sumugod ito agad sa kanya, ni hindi siya binigyan ng pagkakataon para bumuwelo. Aaminin niya na malakas ang kalaban niya. Isang kamay lang ang kailangan nito para hawakan ang espada samantalang siya ay dalawang kamay. Pero mabuti na lang at nag-training siya sa paggamit nito dahil kahit na paano ay nakakasabay siya sa kalaban niya.

"Anong nangyari sa 'yo? Ganito ka na ba kahina? Hindi mo na ba kayang makipagsabayan sa akin!" Nakangising sabi nito habang patuloy siyang inaatake ng espada nito. "Naaalala ko na ikaw ang pinakamagaling sa paghawak ng espada. Hindi ba at ikaw ang magturo sa akin kung paano humawak nito? Lumaban ka! Huwag kang magpanggap na mahina!" Pagkasabi niyon ay buong puwersa nitong iniamba ang espada sa kanya, nasangga niya iyon pero dahil buo ang impact na nilagay nito ay nabali ang espada niya.

"Kung ang hinahanap mong tao ay magaling sa espada, pasensya ka na pero hindi talaga ako ang hinahanap mo. Kailan lang ako natutong humawak nito kaya imposibleng ako ang hinahanap mo."

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon