Chapter 102
"SHU, nakita mo ba kung paano ko asintahin ang manok na iyon?" Masayang tawag sa kanya ni Xiao Ji. Sa kasalukuyan ay nasa kapatagan sila at nangunguha ng makakain nila para mamayang gabi. Si Shu ay nasa ilog at namimingwit ng isda habang si Xiao Ji ay napagpasyahang mamanâ dahil gusto nito ng karne.
"Oo, nakita ko. Anim na buwan pa lang kita tinuruan at naging magaling ka pa sa akin. Ngayon ay pana at palaso na ang gamit mo."
Natatawang nilapag nito ang manok sa tabi at sinimulang banlian ng bagong kulong tubig. "Mas magaling ka pa rin sa akin, Shu. Siguradong mas marami ka pang nalalaman kaya inaabangan ko ang lahat ng ituturo mo sa akin."
Napangiti na lang si Shu sa sinabi nito. Ilang sandali pa ay nakahuli na siya ng dalawang malaking isda. Matapos linisan ang mga iyon ay bumalik na sila sa kanilang tirahan sa loob ng gubat sa ibabaw ng malaking puno. Mula nang magkaroon ng balita tungkol sa pagkawala ng mga bata ay naghinay-hinay na ang mga magulang niya mula sa pag-uutos na mandukot. Si Xiao Ji na wala pa rin alam na mga magulang niya ang dalawang manggagamot ay gusto pa rin na imbestigahan ang mga ito. Kaya naman naisip niya na ilayo ito sa kweba kung saan malapit lang ang Shiti. Bukod sa ayaw niyang mapahamak ito ay agaw din niyang makita siya ng mga magulang.
Heto at paunti-unti niyang itinayo ang maliit na kubo sa ibabaw ng malaking puno gamit ang kinikita niya sa kanyang trabaho sa kapitolyo. Ngayon ay dito na sila naninirahan, ibinibigay niya lahat kay Xiao Ji ang pangangailangan nito. Sinisiguro niya na hindi ito magugutom o malulungkot habang kasama siya. Napalinga siya sa kanyang paligid. Ang tinitirhan nila ngayon ay hindi pa sapat dahil sa tuwing umuulan ay kailangan nilang bumaba at magtago sa isang malaking uka sa loob ng puno. Ang mga damit na ginagamit nila ay hindi rin sapat dahil sa tuwing darating naman ang taglamig ay halos manigas na silang dalawa. Hindi pa siya kuntento sa kalagayan nilang dalawa. Kailangan niya nang mas malaking salapi.
"Shu, saan ka pupunta?"
"Sa kapitolyo, may trabaho akong naiwan doon at kailangan kong balikan. Huwag kang mag-alala, babalik din ako at sabay tayong kakain."
Biglang naging malungkot ang mga mata nito. "Shu, hanggang ngayon ay hindi mo pa rin sinasabi sa akin ang trabaho mo at kung saan mo nakuha ang salaping ginamit mo para magpatayo ng bahay na ito, pati ang mga damit na binibigay mo sa akin. Shu, gusto ko rin pumasok sa pinagtatrabahuan mo."
"Xiao Ji—"
"Bakit ba pakiramdam ko ay isa akong babae na naghihintay sa pagdating ng kanyang asawa? Lalaki rin ako at gusto kong magtrabaho. Ayokong maiwan dito habang hinihintay kang bumalik."
Napatitig na lang si Shu kay Xiao Ji. Hindi nito maaaring malaman kung ano ang trabaho niya dahil siguradong hindi nito matatanggap ang ginagawa niya.
"Sa kapitolyo ang trabaho ko. Nandoon din ang dati mong bahay at pagala-gala pa ang lalaking gusto ka gawan ng masama. Paano ka makakapagtrabaho nang maayos kung bawat minuto ay matatakot ka dahil baka bigla ka na lang kunin?"
"Alam kong hindi pa sapat ang mga tinuro mo sa akin pero kaya ko nang depensahan ang sarili ko. Kaya isama mo na ako."
Napabuntong-hininga na lang si Shu. Nararamdaman din pala nito na espesyal ang trato niya pero bakit hindi nito maramdaman na kaya ganito ang kaespesyal ang trato niya ay dahil gusto niya ito.
Napakamanhid mo, Xiao Ji. Niyakap niya ito at hinalikan ang tuktok ng ulo. Nang humiwalay siya ay nakita niyang nagulat ito pagkuway napangiti din. Nakuha na kaya niya ang ibig kong sabihin sa halik na iyon?
"Naalala ko tuloy si ina sa ginawa mo," natatawang sabi nito. Parang gustong maiyak ni Shu sa sinabi nito. "Naalala ko na sabi ni ina ay magturingan tayong magkapatid at—" hindi na niya pinatapos ang ibang sasabihin nito nang hilain niya ito para halikan sa labi. "Shu! Ikaw—" nanlalaki ang mata na tinulak siya nito matapos niyang halikan.
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...
