Chapter 70
NANGANGAWIT na si Hen Hao mula sa pagkakatali ng mga kamay niya pataas. Noong isang araw ay may sinundan siyang tao, matagal na niyang pinaghihinalaan ito pero hindi nga lang sapat ang mga ebidensyang hawak niya isa pa ay isa rin ito sa pinagkakatiwalaan ni Dou Ji at ngayon ni Lie Feng. Matagal din niyang itinago ito dahil gusto niyang mahinog ang mga bungang ebidensya.
Ngayong dumating na si Yi Jian at Liu Xue na siyang nakaakaalam tungkol kay Guwen ay nararapat lang na sungkitin na niya ang ebidensya mula dito. Kaya lang ay hindi niya na-calculate ang mga hakbang niya, masyado siyang naging excited kaya naman nahuli siya nito at pinatulog gamit ang pagpisil ng ugat sa kanyang batok. Ngayon ay nasa madilim na silid siya, nakatali ang mga kamay at may busal sa bibig. Isa siyang emperador ng Han at may kakayahan makipaglaban pero hinayaan niya ang sarili na mahuli, isang malaking kahihiyan ito para sa kanya.
Ilang sandali pa ay bigla siyang nakarinig nang langitngit. Bigla siyang napapikit nang magkaroon ng liwanag sa bandang taas. Mayamaya ay nawala na iyon at nakita na lamang niya ang taong iyon na may hawak na sulo at isa-isang sinisindihan ang mga sulong nakakabit sa pader. Nagliwanag na ang paligid at nakita niya na nasa tila ilalim siya ng lupa. Ang buong paligid ay natatambakan ng mga lumang gamit pero ang mas nakagimbal sa kanya ay nang makita ang ilang mga pulang bulaklak na maayos na nakasalansan sa gilid, nakalagay ang mga iyon sa pasô at maganda ang bunga. Halatang alagang-alaga ng taong ito.
Ngumiti ito sa kanya pagkuway tinanggal ang busal sa bibig niya at nagbigay-pugay sa kanya. "Ipagpaumanhin mo ang aking ginawang karahasan sa inyo, kamahalan."
Napangisi ang emperador, nahuli man siya nito pero hindi pa rin nito alam na matagal na niya itong kilalang trydor kaya naman magpapanggap siya. "Ikaw ang taong tinutukoy ni Liu Xue. Ikaw ang siyang nagbibigay ng mga ideya sa kanya noon kaya nagawa niyang trydurin si Dou Ji!"
Nagkibit-balikat ito. "Wala akong kasalanan sa mga ginawa ni Liu Xue sa kanyang kaibigan, siya ang pumatay sa mga tao at nagtrydor sa sarili niyang kaibigan. Ang ginawa ko lang ay bigyan siya ng mga payo sa ano ang mga dapat niyang gawin, may masama ba sa ginawa ko?"
"Paano mo napasunod si Liu Xue sa mga payo mo? Napakabata mo pa noon kaya imposible na wala kang ginamit na kahit anong uri ng mahika para lang mapasunod siya."
Malakas na napahalaklak ang kausap niya. "Mahika? Naniniwala ka sa mga mahika? Dahil ba muling bumalik si Dou Ji sa katauhan ni Yi Jian? Aaminin ko na hindi pangkaraniwan ang mga nalaman ko tungkol sa kanya. Nanggaling siya sa hinaharap at naglakbay patungo sa panahong ito. Ngunit hindi mahika ang tawag doon kundi isang hindi pangkaraniwang pagkakataon lang." Napabuntong-hininga ito pagkuway naupo sa katapat na silya. "Alam ko na isang araw ay magbabalik siya sa kanyang panahon kaya hinayaan ko siyang manatili sa loob ng palasyo pero hindi ko akalain na magtatagal pa siya dito ng isang taon at mahigit. Kailan ba aalis ang taong iyon?" Masama itong tumitig sa kanya. "Maganda na ang buhay ko pero muli siyang nagbalik para ano? Muling kunin ang mga taong importante sa akin?"
"Walang kinukuha si Dou Ji sa 'yo. Bakit ka ba nagagalit sa kanya?" tanong niya pero hindi ito sumagot.
"Akala ko ay magagamit ko si Liu Xue para muli siyang mapaslang pero sadyang malakas ang taglay na swerte ni Yi Jian at nagagawa niya makatakas sa tiyak na kamatayan. Ang nakakamangha pa ay nagawa niyang muling kunin ang tiwala ni Liu Xue!" Naiiling na sabi nito. "Bumalik siyang mahina sa pakikipaglaban pero taglay pa rin niya ang talino ni Dou Ji. Bakit ba hindi pa siya bumabalik sa sarili niyang panahon."
"May balak ka bang na muling sirain ang kahariang ito?"
Napatingin ito sa kanya. "Hindi ko masasagot ang tanong mo. Ang gusto ko lang ay muling mamamatay si Dou Ji. Ayoko siyang makita o makasama man lang. Nasusuka akong isipin na nilalanghap namin ang hangin sa kaharian ito at parehas kami ng taong minamahal." Nakuyom nito ang kamao. "Mahalaga sa akin si Lie Feng kaya hindi ako papayag na makuha niya ang aking pinakamamahal na hari."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...