Chapter 99

16 6 0
                                    

Chapter 99

DALAWANG buwan at kalahati nang nananatili sa kaharian ng Chu si Yi Jian at magpasa-hanggang sa ngayon ay wala pa rin nakukuhang impormasyon si Lie Feng sa kung anong kalagayan nito. Sobra-sobra na ang pag-aalalang nararamdaman niya para dito. Lalo pa at simula nang kunin ni Haring Kai ito ay saka naman nagsipag-atrasan ang mga kawal ng Chu na nasa bungad ng bawat entrada ng Yu at Han. Isang buwan na ang nakakalipas nang sinubukan nilang sumugod sa Chu pero sa bungad pa lang nito ay malakas na ang depensa. Wala silang nagawa kundi ang umatras dahil nalalagasan sila ng mga tao samantalang nasa bungad palang sila at wala pa sa kapitolyo.

"Nasaan na nga pala sina Ouyang at Li Yong? Ilang linggo ko na silang hindi nakikita sa loob ng palasyo," tanong niya sa tagasilbing nag-aayos ng kanyang roba.

"Umalis sila, kamahalan. Hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik."

Nanahimik na si Lie Feng. Ngayon ay naglalakad siya papunta sa palasyo ng pagpupulong kung saan naghihintay ang kanyang mga ministro. Naabutan niya ang mga ito na nagkukuwentuhan at hindi maganda sa kanyang tainga ang mga naririnig.

"Mula nang mawala si Yi Jian sa palasyong ito ay naging mapayapa na nag ating kaharian. Ang mga kawal na pinadala ng Chu ay unti-unting nagsipag-atrasan, nawawala na ang banta sa buhay ng mga mangangalakal kaya naman nagiging maayos na rin ang ating ekonomiya."

"Tunay nga na siya ang bagong buhay ni Dou Ji. Muli siya nabuhay para lamang magdala na kamalasan sa kaharian. Mabuti na lamang at umalis na siya."

"Sumasang-ayon ako sa sinabi mo, mabuti na lamang at wala na siya sa ating palasyo. Ang taong iyon ang siyang nagdadala ng kamalasan sa ating lahat. Magmula nang dumating siya ay mas lalong nawalan ng interes ang ating hari sa mga babaeng inireregalo natin. Magandang opurtunidad ito para mapilit natin ang hari na magkaroon na ng sarili niyang anak na magmamana ng kahariang ito."

"Ang ating emperador ay mayroon ng anak na lalaki, kung magkakaroon ng anak na babae o lalaki ang ating hari ay parehong pabor iyon para sa atin. Ang anak na lalaki ay magiging tagapapagmana samantalang ang anak na babae ay maaaring maging sunod na emperatris. Sakali na mangyari iyon ay magiging mas masagana ang ating kaharian."

Marami pang sinabi ang mga ito na pawang mga kontra kay Yi Jian. Masaya ang mga ito na umalis ito kahit alam na ginawa iyon ni Yi Jian para sa ikaliligtas ng mga tao sa Qingrong. Nakuyom na lang niya ang kamao pagkuway tumalikod na. Hinabol siya ng kanyang tagasilbi dahil kailangan niyang pangunahan ang pagpupulong na dapat magaganap ngayong umaga pero nawalan na siya ng gana. Paano niya magagawang harapin ang kanyang mga ministro kung nagdidilim ang paningin niya at walang ibang nasa utak niya ngayon kundi ang putulan ito ng mga dila.

Ang mga taong iyon, wala nang iniisip kundi puro kapangyarihan para sa kahariang ito. Ginagamit siya at ang koneksyon niya sa emperador para magkaroon ng magandang katayuan sa loob ng palasyo. Balak pang gamitin ang mga susunod niyang lahi pero wala siyang balak sumunod sa mga ito. Bago pa siya naging hari ay nasa iisang tao lang nakatuon ang mga mata at puso niya. Kaya nga siya naging hari ay para protektahan ang mga naiwan ni Dou Ji. Nagawa na niya iyon, sa nakalipas na mga taon ay naging masagana ang kahariang ito. May mga problemang dumating pero nagawa niyang solusyunan iyon kasama si Yi Jian.

Nakuyom niya ang kamao pagkaalala kay Yi Jian. Ngayong nasa pugad ito ng mga kalaban ay oras na para ito naman ang protektahan niya. Gagamitin niya ang lahat ng lakas at impluwensya na meron siya para lang maibalik ito sa kanya ng buhay.
Nasa paliko na siyang bahagi ng pasilyo nang makasalubong niya ang emperador. Nandito pa rin ang emperador dahil gusto nitong makasiguro na hindi siya susugod mag-isa sa kaharian ng Chu. Inimbitahan niya ito para pumasok sa loob ng tahanan niya. Sa mga narinig niya kanina ay may isang desisyon siyang napagpasyahan. Kailangam niyang sabihin ito sa emperador.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon