Chapter 8

150 15 3
                                        

Chapter 8

GABI na at nasa labas pa rin ng residential area niya si Yi Jian. Nakatitig siya sa maliwanag na bilog na buwan. Kay gandang pagmasdan niyon mula sa kanyang kinatatayuan. Ilang sandali pa ay naramdaman niya na may palapit sa puwesto niya.

Si Lie Feng, nakangiti ito sa kanya. Nang makalapit na ito sa kanya ay ipinatong nito sa balikat niya ang isang itim na roba na may imprinta ng dragon sa manggas nito. Napangiti siya pagkuway nagpasalamat.

"Gabi na at nasa labas ka pa rin. Lumalamig na ang simoy ng hangin baka magkasakit ka."

"Ayos lang ako. Malakas ang resistensya ko dahil sa mga pagkain na pinapadala mo sa bahay ko." Natawa ito sa sinabi niya. "Mabuti na lang at nagsimula na ang pag-eensayo ko sa paghawak ng espada kundi ay tuluyan na akong naging baboy na nasa loob lang ng hawla ko."

"Kumusta na ang pagtuturo sa 'yo ni Ouyang?"

"Ayos lang naman. Magaling siyang magturo."

"Talaga? Kung ganoon ay maaari na kitang hamunin sa isang duelo."

Gulat na napatingin siya rito. "Duelo? Teka, hindi pa ako ganoon kagaling! Siguradong matatalo agad ako."

Bigla itong tumawa dahil sa naging reaction niya. "Niloloko lang kita. Ang totoo niyan ay mas gusto ko na ako ang magturo sa 'yo nang ganoon ay makasabay kita sa pag-eensayo. Pero hindi matapos-tapos ang problema ng kahariang ito."

Napatingin siya rito. "Bakit ano ba ang nangyayari sa labas ng palasyo ngayon?"

"Nagpadala ng liham sa akin ang emperador," tukoy nito kay Fang Hen Hao. "Ang sabi niya ay gusto ka pa rin niyang makita," bahagyang nakasimangot ang mukha nito nang banggitin iyon. "Pero saka na lang daw kapag natapos na ang problema ng imperyo. Binigyan niya ako ng babala na mag-ingat dahil may mga dumadayo raw sa mga bukirin upang sunugin ang mga pananim roon. Sa ngayon ay tatlo sa bukirin ng Han ang hindi na napakinabangan ang mga tanim dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy."

"Ang sasama nila! Alam naman nila na malapit na ang taglamig at kapag walang naani na mga pagkain ay magugutom ang mga tao!" Hindi niya maiwasan ang manggigil dahil sa nalaman.

"Tama ka dyan kaya nang malaman ko iyon ay inutos ko nang bantayan ng mga kawal ang bawat hangganan ng Yu, kasama ang Ren na nasa ilalim na rin ng pamumumo ko pero hindi pa rin nawawala ang pangamba ko." Naniningkit ang mga mata nito habang nakatingin sa buwan. "Ang kaharian ng Yu at Ren na lang ang hindi pa dinadayo ng kung sino mang manununog na iyon."

Biglang nakuyom ni Yi Jian amg kamao. Nakuha niya ang ibig sabihin ni Lie Feng. Anim ang kaharian sa Han Empire sa panahon na ito. Ang mga ito ay ang Yu, Ren, Zhao, Chu, Wu, Fei at ang Han na siyang tinuturing na Royal Capital City kung saan nakatira amg emperador. Kung ang limang kaharian ay nasunugan na ng bukirin samantalang ang pinamumunuan ni Lie Feng ay hindi pa, maaaring isipin ng kung sino man na pakana ito ni Lie Feng para umangat ang agrikultura ng Yu. Kungsabagay, saktong-sakto naman kung kailan masagana ngayon ang Yu dahil sa ginawa nila noon.

Limang kaharian, apat na hari. Pero ang emperador ng Han ay kaibigan si Lie Feng kaya hindi na niya ito isasama sa kanyang suspetsya. Tatlong hari, isa sa mga ito ang gustong ibagsak si Lie Feng kaya nagpakana ng ganitong trahedya.

"Pasensya ka na at sa 'yo ko nasasabi ang problema ko. Wala lang akong ibang mapagsabihan ng tungkol sa mga pangamba ko."

Napangiti si Yi Jian. "Magkaibigan tayo, 'di ba? Ayos lang sa akin na magsabi ka ng mga problema mo. Sa totoo lang ay masaya ako na nasasabi mo sa akin ito. Ang problema mo ay problema ko na rin."
_____

DALAWANG LINGGO na rin ang nakakalipas mula nang mabalitaan ni Yi Jian ang tungkol sa arsonist ng mga bukirin. Pero sa mga nagdaang araw ay hindi pa dumadayo ang arsonist na iyon sa Yu at Ren patunay lang na tama ang hinala ni Yi Jian tungkol sa naiisip niya. Merong tao sa likod ng arson case na ito at balak siraan si Lie Feng. Sa ngayon ay mahigpit na ang mga bantay sa bawat boundary ng mga kaharian. Walang makakapasok o makakalabas doon.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon