Chapter 110
ANG mga salitang binitawan ni Dou Ji noon ay nagkaroon ng napakaraming kahulugan. Una ay ang mga taong naging saksi ng pagsunog kay Dou Ji na nakarinig ng mga salitang iyon. Inakala ng mga ito na ang ibig sabihin niyon ay babalikan niya ang mga taong tumulong sa pagsunog dito kaya naman nagpadala ng bagyo at lindol na naging dahilan ng kamatayan ng maraming tao, pagkasira ng mga lupa at nadamay pa ang ibang kaharian. Pangalawa ay si Liu Xue, akala naman nito ay para dito ang salitang iyon. Babalikan ito ni Dou Ji bilang paghihiganti ng katryduran nito. At ngayon ay si Haring Kai, inakala rin nito ang salitang iyon ay para sa muli nilang pagtatagpo.
Shit, paano ba niya ipapaliwanag na ang mga binitawang salita ni Dou Ji ay para kay Lie Feng? Ang totoong kahulugan niyon ay muli itong mabubuhay dahil gusto nitong makasama si Lie Feng. Iyon lang ang simpleng kahulugan ng salitang binitawan nito. Kaya nga muli itong mabuhay sa katauhan niya. Wala man siyang alaala noon ay alam niya na para talaga kay Lie Feng ang binitawang salita noon.
Kung bakit naman kasi hindi siya nagbanggit ng pangalan habang sinisigaw iyon. Tuloy nagkaroon ng napakadaming kahulugan sa iba't ibang tao.
Napailing na lang siya. Hindi na lang niya uungkatin ang tungkol doon.
"Sabihin na nating naniniwala ako sa 'yo. Ang tungkol sa ginawa mong pagrerebelde sa dating hari? Totoo bang naging karelasyon mo ang dating hari ng Chu at—"
"Walang katotohanan ang mga iyon!" Sigaw nito na ikinagulat naman niya. Bigla namang lumambot ang mukha nito nang makita ang pagkagulat niya. "Ipapaumanhin mo ang pagtaas ng boses ko." Huminga ito nang malalim. "Aaminin ko sa 'yo na nagkaroon ng interes sa akin ang hari pero wala kaming naging relasyon." Matatag siya nitong tinitigan, gustong iparating na paniwalaan niya ito. Kung nagkaroon man ng relasyon ang mga ito ay labas na siya roon. Pero ang bagay na ikinuwento ni Bei Yiqi ang hindi niya maaaring palagpasin. "Ang totoong dahilan kaya ako nagrebelde ay dahil sa baluktot niyang gawain."
"Baluktot na gawain?"
Tumango ito. "May kakaibang libangan ang dating hari kasama ang kanyang jiangjun at ilang piling ministro. Ang mga bastardong anak na lalaki o babae ng mga ministro ay ibinibigay sa kanya at pinapagawa ito ng mga malalaswang gawain habang nanonood ang mga ito. Hindi sila nagdadalawang-isip na ibigay sa hari ang mga anak nila dahil kapailit naman niyon ay matibay na ugnayan sa pagitan nila at ng hari. Bilang personal na tagasilbi ng hari ay ako ang nag-aayos ng silid na gagamitin ng mga ito. Nakita ko ang mga kabataang iyon na umiiyak dahil hindi nila gusto ang pinapagawa sa kanila. Humingi sila ng tulong sa akin pero ano ba ang magagawa ng isang tulad kong tagasilbi lang?" Mapait itong napangiti. "Ninais kong magkaroon din na katungkulan sa hukbo pero dahil hindi pinapayagan ang mga tulad ko na walang pamilya na makapangyariyan ay tinalaga ako na maging tagasilbi lang. Siguro pasasalamat ko na rin sa hari na nagkaroon siya ng interes sa akin kaya nalaman ko ang karumal-dumal niyang gawain."
Nakuyom ni Yi Jian ang kamao. Ang mga sinabi nito at ni Bei Yiqi ay magkaibang-magkaiba. Pero alam niyang isa lang katotohanan sa totoong nangyari at malalaman din niya iyon.
"Anong ginawa mo pagkatapos mong malaman ang mga iyon?"
"Noong una ay nagbulag-bulagan ako," nahihiyang sabi nito. "Pero may isang bagay akong nalaman na nagpabago ng isip ko. Naging sukdulan ang pagnanasa niya at binalak na gawan ng masama ang isang sanggol na hindi pa nasisilang. Kinausap niya ang ministro na ibigay sa kanya ang sanggol matapos itong mag-isang taon kapalit ng mas mataas na posisyon at ilang ari-arian. Kaya naman bago dumating ang nakatakdang araw na iyon ay kinausap ko ang kaibigan kong si Tian Chang para kumalap ng mga ilang mga tao habang ako ay nanatili sa loob ng palasyo. Naging espiya ako para malaman ang sunod na hakbang ng hari at kinuha ko rin ang mapa para malaman kung nasaan ang punong kampo ng hukbo. Unti-unti ay bumubuo na kami ng sariling rebeldeng hukbo hanggang sa sinalakay namin ang kampo. May ilang mga kawal ang kumampi sa amin dahil hindi rin gusto ang gawain ng hari at gusto na rin nilang mapalitan ito sa puwesto kasama ang mga ministro nito dahil ang pondo na para sa hikbo ay binubulsa ng ministro ng pakikidigma at ministro ng pananalapi."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...