Chapter 58
MABILIS pa sa kidlat na nagawa agad ni Lao Gang ang inilahad na plano ni Dou Ji. Ngayon ay nasa harapan niya ang apat na tao. Merong dalawang tao ang nakalambitin habang may piring ang mga mata, umiiyak ang mga ito na humihingi ng tulong habang ang isa ay nakaupo sa isang silya, mahimbing ang tulog at ang isa naman ay nakaluhod lang, hindi nakapiring ang mata nito pero may busal naman ang bibig kaya kahit anong tawag at iyak nito ay balewala.
Mayamaya ay tumigil ito sa pag-iyak nang may magbukas ng pinto, nanlaki ang mga mata nito nang makita ang bagong dating. Umuungol ito habang nakatitig sa kanya, umiiyak ang ngayon ay galit na galit na mga mata nito. Si Lao Gang na kasunod niyang pumasok ay inalis ang busal sa bibig nito. Akmang magsasalita sana ito pero natigilan nang sipain ni Dou Ji sa mukha. Hindi pa man ito nakakabangon ay inapakan na ni Dou Jii ang ulo nito.
"Anong pakiramdam ngayong ang mga taong mahalaga sa 'yo ay nasa harapan mo at umiiyak para tulungan mo, Duan?"
"Ji-Ji Jiangjun, pakawalan mo ang pamilya ko. Wala silang kinalaman sa-"
"Walang kinalaman? Ang iyong ama, anak at asawa ay tuwang-tuwa matapos malamang nasa inyo na ang lahat ng naipundar ni Wenrou! Ni hindi man lang kayo nagdamdam sa pagkamatay niya! Bakit? Dahil ang plano niyo talaga sa umpisa pa lang ay ang mawala siya! Kaya nang alukin kayo ni Xian Mu para maging testigo sa akusasyon laban sa kanya ay umoo kayo. Mga gahaman! Mga ganid sa salapi! Nang dahil lang mas nakakaangat sa inyo si Wenrou ay pinaslang niyo siya!" Gigil na sabi ni Dou Ji habang sinisipa-ipa ang tagiliran ng lalaki.
"Ji Jiangjun ng Yu? Siya ang gumawa nito sa atin?" Gimbal na sabi ng babae.
"Jiangjun! Isa kang dating jiangjun. Bakit mo ito ginagawa sa amin?" Sigaw naman ng ama ni Duan.
"Bakit? Pinaslang niyo si Wenrou. Kayo ang dahilan ng pagkamatay niya."
Natawa si Duan sa sinabi niya, hawak-hawak nito ang sumasakit na sikmura habang umuubo-ubo. "Hindi kami ang pumatay sa kanya! Ikaw! Hindi ba at ikaw ang tuluyang pumatay sa kanya? Bakit mo isinisisi ang kasalanan mo?"
"Hindi ko siya pinatay."
"Baliw! Baliw ka! Nang dahil lang sa pagpatay mo kanya ay sa amin mo ibubunton ang galit mo? Oo, at ako ang dahilan ng pagkakadakip sa kanya. Oo, at ang dahilan ko sa ginawa ko ay dahil gusto kong maangkin ang pagmamay-ari niya pero ang akusasyon laban sa kanya ay totoo! Nagbebenta siya ng mga pulang bulaklak, tulad ng kanyang ama ay masama rin siyang tao! Nararapat lang siyang mamatay-" natigilan ito sa ibang sasabihin nang biglang may hinagis na punyal si Dou Ji, tumama iyon sa noo ng ama ni Duan. "Ama! Ama ko!" Palahaw na iyak ni Duan, hindi makapaniwala na makita ang walang buhay na katawan ng ama.
Si Lao Gang ay ibinaba ito, tinanggalan ng piring sa mata at doon bumungad ang dilat na mata nito. Inihagis ni Lao Gang ang patay na katawan nito sa harapan ng lalaki. Nakaluhod na naglakad ito nang lumapit sa ama. Pilit tinatawag ang pangalan pero hindi na ito sumasagot. Si Dou Ji ay lumapit sa patay na katawan at inapakan ang punyal na nakatarak sa noo nito para mas lalong dumiin.
"Tama na! Tama na!" Akmang sisipain siya nito pero mabilis itong naharang ni Lao Gang at ngayon nga ay gamit ang palakol nito ay pinutol nito ang isang binti ng lalaki. Napahiyaw ito sa sakit, ang dugo ay agad na bumulwak. "Walang-hiya kayo! Wala kang puso, Zhan Dou Ji!"
"Walang-puso? Ako?" Natawa si Dou Ji. Inalis na niya ang paang nakaapak sa punyal pagkuway inupuan ang patay na katawan ng lalaki. "Tama, wala nga akong puso. Sa mga sandaling ito ay patay ang aking puso para hindi makaramdam ng kahit na anong pagsisisi sa ginagawa ko ngayon," sabi niya habang hinuhugot ang punyal sa noo ng patay na katawan na para bang isa iyong karne. "Pero hindi ba at wala ka rin puso? Kung meron ka niyon ay sana hindi mo nagawang ipagkanulo si Wenrou, ang iyong pinsan para dumanas siya ng paghihirap bago mamatay."
BINABASA MO ANG
Unwritten Memories
Historical FictionBL/Historical with 12 volumes. Si Yi Jian, isang modelo mula sa modernong panahon. Nasa photoshoot siya, sakay ng isang yate nang bigla ay bumagyo at inalon ang yateng sinasakyan niya. Nahulog siya sa karagatan at nang magising siya ay nasa isang hi...