Chapter 22

100 11 14
                                    

Chapter 22: Volume 2: Emperor, Kings and Jiangjun

MGA naghihingalong boses, mga pagmamakaawa ng mga taong gusto pang mabuhay pero wala na rin saysay dahil ang utos sa kanila ay patayin ang mga piratang dayuhan na papalaot sa dagat na hangganan ng kaharian ng Yu. Sa kasalukuyan ay nandito sila sa dalampasigan. Sinalubong nila ang mga pirata na balak pumasok sa kaharian. Hindi basta pirata ang mga ito dahil ang barkong gamit ng mga ito ay merong mga kanyon. Isa pa ay nakasagap ng balita ang kanilang hari na si Tan Fu Bai mula sa kalapit na bansa na merong ngang mga piratang nagpapanggap na dayuhan na mangangalakal, sinasakop ng mga ito ang isang kaharian para gawing base-militar tapos ay saka susugod sa ilang kalapit na kaharian para sakupin iyon hanggang sa nasakop na ng mga ito ang buong imperyo.

Pero malas lang ang mga pirata dahil nadaungan ng mga ito ang Kaharian ng Yu. Hindi papayag si Haring Fu Bai na masakop ng ibang lahi.

"Dou Ji, tapos na ako linisin ang mga kalat kabilang panig. Ikaw-"

Natigilan na lang si Liu Xue sa ibang sasabihin dahil nagkalat ang dugo sa kanyang paligid. Ang pinong puting buhangin ay naging kulay pula dahil sa dugo ng mga taong napatay ni Dou Ji. Putol-putol ang bahagi ng katawan ng mga ito, labas ang mga lamang loob at ang iba ay dilat pa nang mamatay.

"Bakit ba 'pag ikaw ang nakikipaglaban ay hindi maiwasan na maging ganito lagi ang eksenang makikita ko?" Kalmadong sabi ni Liu Xue habang sinisipa ang mga wala nang buhay na katawan sa buhangin.

Hindi sumagot si Dou Ji at ibinalik na lang ang espada sa lalagyan nito. "Tapos na ang trabaho natin dito. Umalis na tayo."

Naglakad na si Dou Ji pabalik sa kanyang kabayo nang makarinig ng tila iyak. Nang hanapin niya kung saan nanggaling iyon ay napangiti na lang siya nang makita ang isang tuta. Nadaganan ito ng isang kawal na napatay sa laban. Lumapit siya doon at inalis ang tuta mula sa pagkakadagan. Hindi naman mukhang nasugatan ang aso pero naging kulay pula na rin ang puting balahibo nito.

"Tuta ba 'yan ng mga kalaban natin?" tanong ni Liu Xue.

"Sa tingin ko alaga ito ng isa sa mga dayuhan na napatay natin. Kawawa naman."

"Tss, bakit naman kasi nagdadala ng hayop sa kanilang paglalakbay sa dagat? Akin na, kailangan na rin natin patayin ang-"

"Huwag mo siyang gagalawin. Aalagaan ko ito." Gulat na napatingin sa kanya si Liu Xue, hindi makapaniwala sa sinabi niya. Pero wala siyang pakialam, gusto niya ang tutang ito. Inilapat niya ang kamay para haplusin ang ulo nito kaya lang ay kinagat nito ang daliri niya.

"Sigurado kang gusto mo 'yang alagaan?" Paniniguro nitong tanong matapos makita ang daliri niyang dumudugo na dahil sa kagat ng aso.

Alanganin siyang ngumiti dito. "Sa una lang ito papalag pero kapag nakilala na niya ako ay magugustuhan din niya ako."

Napabuntong-hininga na lang si Liu Xue at hinayaan na siyang dalhin ang aso. Pumapalag-palag ito habang hawak niya, gustong kumawala. Pero nang pinakain niya ay medyo naging kalmado na ito, kumakawag-kawag pa ang buntot patunay na masaya ito.

Ilang sandali pa silang nanatili sa dalampasigan. Inutusan nila ang mga kasamang kawal para tingnan ang loob ng barko. Kung may mahalagang bagay na makukuha ang mga ito ay dadalhin nila sa hari. Matapos halughugin ang loob ng barko ay ipinasok naman nila ang mga patay na katawan sa loob niyon at sinunog ang barko para hindi na mapakinabangan pa ng iba.

Natapos ang kanilang misyon. Ngayon ay nasa kapitolyo na sila ng Kaharian ng Yu, ang Jinhuang. Sinalubong sila ng mga taong ipinagdidiwang ang kanilang pagkapanalo sa laban. Tuwang-tuwa ang mga ito habang hinahagisan sila ng mga bulaklak, simbolo ng pagmamahal at respeto ng mga ito bilang sila ay itinuturing na bayani.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon