Chapter 105

21 6 2
                                        

Chapter 105

MATYAGANG naghihintay si Shu sa labas ng entrada ng palasyo para abangan ang ilang karwaheng lumalabas. Tinitingnan niya nang maigi kung naroon ba si Xiao Ji. Pero limang oras na siyang naghihintay ay walang bakas siyang makita, kahit si Ming Jiangjun ay hindi niya makita. Kaya naman tumayo na siya at lumapit sa dalawang kawal na nakabantay sa entrada. Tulad ng inaasahan ay hinarangan na siya nito ng sibat.

"Anong kailangan mo?"

"Gusto kong makita si Ming Jiangjun. Ang balitang nakarating sa akin ay inampon niya ang kaibigan kong si Xiao Ji—si Dou Ji. Gusto kong makita ang kaibigan ko."

Nagkatinginan ang dalawang kawal. Hindi naniniwala sa mga sinasabi niya. Nakuyom na lang niya ang kamao.

"Gusto ko lang makita si Xiao Ji! Kahit dito lang, kahit ilang sandali lang! Sabihin niyo ang pangalan ako, Shi Hua, kapag narinig niya iyon ay malalaman niyang ako ang kaibigan niya!"

"Shi Hua?" ulit ng isang kawal sa pangalan niya.

"Bulaklak ng patay?" Natatawang sabi nito. "Nagpapatawa ka ba para bigyan ka namin ng salapi? Sinong magulang ang magbibigay ng ganoong pangalan sa kanyang anak?"

Patuloy pa rin sa pagtawa ang mga ito. Akmang magsasalita sana siya pero nakita niya ang grupo ng ilang kabataang kasing-edad niya, kasama ang lalaking umakbay kay Xiao Ji kanina na sumakay ng karwahe. Nakasakay ang mga ito ng kabayo at tila may pupuntahan. Mabilis siyang humarang sa daanan ng mga ito pero agad siyang hinuli ng mga bantay na kawal sa pag-aakalang may gagawin siyang masama.

"I-ikaw ang kasama ni Xiao Ji kanina. Ikaw si Liu Xue shaoye na anak ni Ming Jiangjun, tama ba?" Nahihirapan niyang sabi habang nakaluhod, ang mga kamay niya ay nasa likod at mahigpit na hawak ng bantay ng kawal, sa leeg naman niya ay may espadang nakaabang.

"Xiao Ji?" sabi ng isang lalaking katabi ni Liu Xue. "Si Dou Ji ba ang—" hindi na nito natuloy ang ibang sasabihin nang patigilin ito ni Liu Xue.

"At ano kung ako ang kasama ni Dou Ji? Sino ka ba? Anong kailangan mo sa kanya?"

"Kaibigan ko siya. Ako si Shu, gusto ko siyang makita. Alam kong hinahanap niya ako kaya gusto kong magpakita sa kanya."

Tumitig ito sa kanya. Base sa nakikita niya sa mga mata nito ay mukhang kilala nito ang pangalan niya. Malamang ay naikwento siya ni Dou Ji.

"Ipagpaumanhin mo pero hindi ko maaaring basta na lamang sabihin kay Dou Ji ang pangalan mo. Paano kung isa kang espiyang kalaban ng aking ama? Si Dou Ji ay kinupkop ng aking ama at itinuturing kong kapatid. Sa oras na may mangyari sa kanya ay isang malaking sampal ito sa aming pamilya. Isa pa ay maraming may pangalan na tulad sa 'yo, anong patunay mo na ikaw ang kaibigan niya?" Nakangising sabi nito.

"Pakiusap, sabihin mo lang ang pangalan ko sa kanya. Kahit sa malayo lang ay gusto kong makita niya ako."

Desperado na siya para makita si Xiao Ji at ang lalaking ito lang ang nakikita niyang pag-asa para makita niya si Xiao Ji. Kaya lang ay nginisihan lang siya nito matapos na magkibit-balikat. Hindi na siya nito pinansin at inaya na ang mga kasama na umalis para magpunta sa bahay-aliwan.

Kuyom ang kamao na pinilit niyang makawala sa hawak ng kawal sa kanya. Nang makawala ay sinugod niya ang sinasakyang kabayo ni Liu Xue at sinaksak ang hita ng hayop. Agad naman na nakababa si Liu Xue kaya hindi ito nahulog nang matumba ang kabayo. Galit na binalingan siya nito habang siya ay naghahanda naman para sa pagsugod nito. Base sa nakikita niya ay gusto siya nitong hamunin at hindi siya nagkamali dahil pinigilan nito ang dalawang kawal na akmang huhulihin siya.

"Malakas ang loob mo para saktan ang paborito kong kabayo. Pagbabayaran mo ang kapangahasang ginawa mo." Gigil na sabi nito at umayos na ng posisyon.

Ngumisi na lang siya at sumugod na kay Liu Xue. Ilang sipa at suntok ang binato nila sa isa't isa. Tiwala si Shu na matatalo niya ito pero ang hindi niya inaasahan ay may alam pala ito sa mga kilos ng pakikipaglaban sa kalye. Ilang ulit nitong nasalag ang bawat atake niya at bawat atake naman nito at tumatama sa kanya. Mayamaya pa nga ay bumagsak na ang likuran niya sa lupa.

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon