Chapter 18

94 15 6
                                        

Chapter 18

NAKATAKDA na ang araw kung saan babasahin ang hatol para kay Li Yong. Ang hari, Punong Ministro at ang mga ministro ng bawat kawanihan ay nasa loob ng palasyo ng pagpupulong para maging saksi sa magaganap sa araw na ito. Dumating na rin sina Lady Furen at ang dalawang tagasilbi nito na sina Xiao Ai at A-Rang.

Habang si Yi Jian ay dumalaw sa piitan kung saan naroon si Li Yong. Pinagmasdan niya ito nang maigi, pumayat ito at nanlalalim ang mga mata. Nang tanungin niya ang bantay nito kung bakit ganito ang hitsura ni Li Yong ay sinabi nito na hindi daw ito kumakain kahit na binibigyan. Patunay na roon ang mga pagkain na itinuro ng kawal sa kanya na nasa gilid lang at ni hindi man lang nagalaw. Nakita rin niya ang mansanas na binigay niya rito isang linggo na ang nakakaraan. Nabubulok na ang hitsura niyon at ang mga pagkaing nasa gilid ay nangangamoy panis na, may nakita rin siyang daga na kumakain doon.

Naiiling na nakiusap siya sa kawal para buksan ang selda nito. Pagkapasok niya sa loob ay mabilis niya itong binatukan.

"Aray ko! Bakit mo ako sinasaktan? Lapastangan ka!" Galit na sigaw nito sa kanya. Pabigla pa itong tumayo pero dahil nanghihina ay bumagsak din ito.

"Bakit hindi ka kumakain? Gusto mo ba mamatay sa ganitong paraan? Na kahit patay ka na ay masama pa rin ang tingin sa 'yo ng mga tao?"

Biglang kumalam ang sikmura nito. Napahawak ito sa sariling tyan. "Tss, ayokong kainin ang pagkain na hindi ko alam kung sino o kung paano niluto. Paano kung may lason ang mga 'yan?" Binatukan niya ulit ito. "Urgh! Sumusobra ka na nang batok sa akin!"

"Tama lang 'yan sa 'yo para umaayos ang pag-iisip mo. Sa tingin mo ba talaga may lason ang pagkain na binibigay sa 'yo? Tingnan mo nga ang mga daga na nakikinabang sa pagkain na dapat sa 'yo, namatay ba sila? May naaamoy ka bang amoy patay na daga dito? Wala naman, 'di ba?" Napatingin ito sa kanya, parang na-realize na tama ang sinabi niya. "Kaya lang ang baho ng selda mo, amoy panis. Pati ikaw ang baho mo na rin." Inipit niya ng dalawang daliri ang sariling ilong.
Namula naman si Li Yong dahil sa pang-aasar niya. "Wala kang karapatan para—" kumalam na naman ang simura nito.

Natawa si Yi Jian. "Kahit makapagsalita ay hindi mo na kaya dahil sa gutom. Isang linggo ba naman na tiniis mong magutom." Binatukan niya ulit ito.

"Ikaw talagang—"

"Halika na," pumuwesto siya patalikod dito. "Bubuhatin kita."

"Ayoko!"

Bahagya siyang lumingon dito. "Kailangan mo rin umalis dito dahil ibababa na ng hari ang hatol sa 'yo." Pinag-aralan niya ang mukha nito. Halatang natakot ito dahil sa sinabi niya. Bumuntong-hininga siya. "Huwag kang mag-alala, pagdating natin doon ay ipagtatanggol kita. Papatunayan natin sa kanila na wala kang kasalanan."

Biglang lumiwanag ang mukha nito. "N-naniniwala ka na wala akong kasalanan?"

Tumango siya bilang sagot. "Kaya sumampa ka na sa likod ko. Bago tayo pumunta sa palasyo ng pagpupulong ay kailangan mo munang kumain nang marami, naiintindihan mo?"

Hindi na ito sumagot at sumampa na sa likod niya. Mabilis siyang tumayo habang karga-karga ito. Naglakad na siya palabas ng selda nito. Nakita sila ng kawal kaya sinita siya pero nang ipakita niya ang selyo ng hari ay nanahimik ito at pinadaan na sila.

"Mabuti ka pa at naniniwala sa akin. Ang aking ama ay itinakwil na ako dahil sa kasalanan na hindi ko naman ginawa." Humigpit ang yakap nito sa likod niya.

Napangiti si Yi Jian. "Nahahati ang responsibilidad niya para sa 'yo bilang anak niya at sa pagiging Punong Ministro. Mahirap ang trabaho ng iyong ama, intindihin mo siya." Sasagot pa sana ito nang muli siyang magsalita. "Nag-aalala din siya para sa 'yo. Naalala mo nang una akong bumisita sa 'yo sa piitan? Kasama ko siya noon pero hindi lang siya nagpakita sa 'yo. At alam mo ba ang una niyang tinanong sa akin matapos kitang dalawin? Kumusta ang anak ko? Iyon ang sabi niya."

Unwritten MemoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon