Chapter 57

508 16 4
                                    

Zen's POV

Pasado alas sais na ako nakarating sa school. Kalalabas ko lang kasi sa trabaho, at hindi maiwasan na ramdam ko ang pagod. Gusto ko sana na diretso na lang ako sa usapan namin, pero naisip ko ring umuwi muna para makapagpalit ng damit. Sa isip ko, mas maayos na pumunta sa lokasyon na presentable kahit pagod. Pagkatapos magpalit ng damit, nagmadali akong lumabas ng bahay, pero hindi ko inasahan na masalubong ko ang matinding trapiko. Alam ko namang abala na ang mga kalsada sa ganitong oras, pero umaasa pa rin akong makakasingit ang sinasakyan ko. Sa kasamaang palad, nahuli na ako sa oras ng usapan namin. Hindi ko na naiwasang mainis na lang.

Sa biyahe pa lang, nagsabi na ako sa kanila na huwag na nila akong hintayin at mauna na sila sa loob. Alam ko naman na hindi ko sila masisisi kung tatamarin na akong hintayin pa, lalo na't hindi rin naman ako interesado sa pinuntahan nilang konsyerto. The Juans pa naman ang tutugtog-kilala sila, at maraming tagahanga. Pero ako? Hindi ko naman talaga hilig manood ng mga gano'n. Para sa akin, ang daming tao, ang sikip, at ang ingay pa. Ayoko nang mga gano'n dahil mabilis akong mainis kapag ganun ang sitwasyon. Mas masarap pang magpahinga kaysa makipagsiksikan at makipag-ramble sa iba. Minsan pa nga, naiisip ko na baka may masaktan lang ako kung may makasagi o makatapak sa akin.

Kaya naisip ko na lang na hintayin sila sa garden, lalo na't nagyaya rin naman si Mara na gumala pagkatapos ng event. Kakain daw kami sa labas. Pagkapunta ko sa garden, para akong nawala sa pagod at inis dahil sa ganda ng lugar. Maganda na siya kapag umaga pa lang, pero kapag gabi, para itong nagiging isang paraiso. Iba kasi ang dating kapag sumisilip na ang mga ilaw mula sa mga Christmas lights na nakasabit at nakapalibot sa mga puno. Para kang nasa ibang mundo.

Dagdag pa rito ang mahiwagang fountain na nasa gitna ng garden. Hindi siya kalakihan, pero ang mga ilaw na sumasama sa agos ng tubig ay nagbibigay ng kakaibang ganda. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at naupo ako sa harapan nito, ninamnam ang bawat segundo ng katahimikan at kagandahan. Sobrang nakakaginhawa. Pakiramdam ko, kahit sobrang daming nangyari sa araw ko, nawawala lahat 'yun dito.

Habang nakaupo ako, rinig na rinig ko ang lakas ng tugtog mula sa field, pati na ang mga hiyawan ng mga tao doon. Kung tutuusin, gusto ko rin sanang manood kasama sila, kaso mas pinili ko na lang itong tahimik na lugar. Dito, mas nararamdaman ko ang kapayapaan. Masarap din palang magpahinga sa ganitong klaseng paligid.

Habang ninanamnam ko ang katahimikan, bigla akong nakatanggap ng mensahe mula kay Carlo. Malapit na raw siya. Kaagad din akong nag-reply sa kaniya na nandito ako sa garden, kung sakaling hanapin niya ako. Inisip ko tuloy na siguro'y mag-iikot muna siya bago tumungo rito.

Hindi ko inaasahan na ilang minuto lang matapos kong i-send ang mensahe ko, may bigla na lang tumakip sa mga mata ko mula sa likuran. Nagulat ako, pero sa isang banda, parang alam ko na kung sino iyon. Kahit na hindi ko makita kung sino siya ay ramdam ko ang presensya nito. Amoy palang din ng pabango niya ay bistado ko na rin.

"Kunwari hindi ikaw si Carlo," natatawa kong sabi habang pilit na itinatago ang kilig sa boses ko. Alam ko na agad na siya iyon kahit hindi pa niya tinatanggal ang mga kamay niya sa mga mata ko. Sa dami ng beses na ginawa niya ito, kabisado ko na ang estilo niya. Parang laro na lang para sa amin.

Dahan-dahan niyang tinanggal ang pagkakatakip ng mga kamay niya. Pagkaharap ko sa kaniya, agad kong napansin ang nakakalusaw niyang ngiti. Laging may kakaibang kislap sa kaniyang mga mata na parang laging nang-aasar pero may halong lambing.

"How did you know that it was me?" tanong niya habang hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kaniyang labi.

"Alam ko lang," sagot ko habang nagkibit-balikat, sinabayan ko na rin ng maliit na ngiti. Parang walang kahirap-hirap na nararamdaman ko na agad kung siya na iyon.

CAPTURED UNWILLINGLY BY HEART Season 1Where stories live. Discover now