“Ikaw ba si Lady Seren Forsythe?” muling tanong ng sundalo, habang nakatingin parin kay Alecxie.
Talagang nag-abala pa si Magnus para ipahanap siya. Wow. Ang akala niya ba ay wala na silang pakialamanan. Bakit ngayon hindi na lang siya nito pabayaan.
Bahagyang inihilig ni Cassian ang mukha sa gawi niya.
Dahil sa ginawa nito ay hindi napigilan ni Alecxie ang mapalunok. Sa sobrang lapit kasi ng mukha nito sa kaniya ay nararamdaman niya ang ibinubuga nitong hangin kapag hihinga. Tapos ngumiti pa ito sa kaniya. Talagang gusto ata nitong atakihin siya sa kilig. Ano ba!
“Gusto mo bang sumama sa akin Milady?” pabulong na tanong ni Cassian.
Hinihingi nito ang permiso niya. What a gentleman. Pero, saan naman sila pupunta?
Hay kahit saan pa iyon basta hindi lang sa Magnus na iyon ay sasama siya.
“Go! Tara!” sagot ni Alecxie dito.
Isang pilyong ngiti ang pumaskil sa labi nito nang marinig ang naging sagot niya. “Kung ganoon, kumapit ka.”
Sa pagbitiw ni Cassian ng mga katagang iyon ay agad nitong hinigit ang tali ng kabayo ay hinampas ang gawing likuran nito. Wala pang ilang segundo ay parang lumilipad na sinasakyan nila. Ang bilis ng takbo ng kabayo kaya bahagyang napapikit si Alecxie, habang ang mga kamay niya ay napakapit sa kamay ni Cassian.
Narinig niyang humabol naman sa kanila ang mga sundalo. Para tuloy silang mga kriminal na tumatakas sa mga ito. Nakaka-kaba pero nakaka-excite rin sa kabilang banda. Nang magtagal ay kusang nasanay na si Alecxie sa pag-alog ng katawan niya, kaya nagawa niyang idilat ang mga mata. Hindi na siya natatakot dahil alam niyang naroon naman si Cassian para saluin siya.
Sumisigaw ang tatlong humahabol sa kaniya pero tinatawanan lang ito ni Cassian. Paano’y ang layo na nila sa tatlo. Kahit tuloy siya ay natawa rin. Hindi naman niya alam na isa pa lang magaling na jockey ang kasama niya.
Hindi napigilan ni Alecxie na titigan ang mukha ng binatang seryoso lang na nakatingin sa tinatahak nilang daanan. Unang beses niyang nakita ang kakaibang pagtawa nito. Para pala itong bata, ang babaw ng kaligayahan e.
Nang maramdaman ni Alecxie na nagbagal na si Cassian ay nilinga niya ang paligid. Nasa malawak na field na sila. Wala na roong mga puno. Tanging mga damo na hindi aabot sa tuhod lang ang naroon. Hindi gaanong pantay ang lupa at may mga maliliit na burol sa paligid.
“Ang ganda.” naibulalas na lang ni Alecxie.
Hindi niya naman alam na may ganoong lugar pala sa libro. Marahil ito iyong pinupuntahan ni Cassian kapag nais nitong mapag-isa. Minsan kasing nabanggit na may pinupuntahan itong lugar pero hindi naman idinitalye ng manunulat.
Dahil wala ng humahabol sa kanila ay pinakalma na ni Cassian ang kabayo, kaya naglakad na lang iyon ng mabagal. Sapat na iyon para manamnam ni Alecxie ang ganda ng paligid. Dahil sa mataas na bahagi siya dinala ni Cassian ay malawak ang naaabot ng tanaw niya. Bahagyang malakas ang hangin sa gawing iyon na nagpapalipad ng mabaha niyang buhok. Dahil ayaw niya iyong mapunta sa mukha ng binata ay hinawi niya iyon at inilagay sa isang side, dahilan para lumantad ang leeg niya. Maputi naman si Seren kaya hindi siya nag-aalala na makita ng binata ang balat niya.
Pag lingon niya sa binata ay hindi nakaligtas sa paningin niya ang bahagya nitong paglunok. Nang makita nito ang mukha niya ay ibinaling nito ang tingin sa malayo na parang sinasadyang hindi salubungin ang tingin niya.
Nahihiya ba siya? Cute.
“Iyan din ang nasabi ko nang una akong magawi dito. Tahimik at kung gusto mong mag-isa ay maari kang magpunta dito.” mahinang sabi ni Cassian pero sapat na para marinig niya.
“Tama. Pwede kong gawin ’yan kung marunong lang sana akong magpatakbo ng kabayo. Kung kaya ko lang gawin iyon ay makakapunta ako sa mga lugar na nanaisin ko.” Napadila si Alecxie.
Ramdam niya sa sarili na kaya naman niya iyong gawin, dahil siguro nagagawa naman iyon ni Seren pero nag-aalala siya. Kahit kasi nasa katawan siya ng babae ay hindi niya naman nakuha ang kakaibang tapang nito para magawa iyon.
“Kung ganoon. Gusto mo bang turuan kita?”
Nang ibalik ni Cassian ang tingin sa kaniya ay siya naman ang parang nakaramdam ng pagkailang. Nakipagtitigan kasi ito sa kaniya. Tila naghahamon ito ng isang paligsahan. Nang mapansin nito ang pagtitig niya sa mga mata nito ay agad itong nagbaba ng tingin na tila nag-aalala na baka may masabi siya roon.
Namalayan na lang ni Alecxie na kusang umangat ang isang kamay niya. Idinampi niya iyon sa pisngi ni Cassian at pilit na ibinalik sa dating pwesto ang mukha nito. Gusto niyang ipaalam dito na hindi siya nag-iisip ng masama patungkol sa magkaibang kulay na mga mata nito. Mas mahalaga sa kaniya kung ano ito bilang tao.
“They’re beautiful,” sambit ni Alecxie.
Parang nakarinig naman ng magandang balita si Cassian na umaliwalas ang mukha.
S-sandali? Naintindihan ba nito ang sinabi niya? Ang akala niya ay hindi ito marunong sa salitang english. Bakit ngumiti ito?
Overthinking malala.
“Iisipin ko na magandang bagay ang sinabi mo base sa ekspresyon ng mukha mo,” anito.
Ok. So binabasa lang pala nito ang ekspresyon niya.
Nagulat pa si Alecxie nang hawakan ni Cassian ang kamay niyang nasa pisngi nito. Ang akala niya ay makikipag holding hands ito sa kaniya. Iyon pala ay tatanggalin lang nito ang pagkakahawak niya sa pisngi nito. Nakaramdam tuloy siya ng kaunting pagkapahiya.
Oo nga pala. Nawala sa isip niya. Masyado nga palang conservative ang mga tao sa lugar na iyon. Malamang hindi sila sanay sa ganoong pagkilos, lalo pa at babae siya.
Tsk! Dapat matuto siyang mag adjust. Kailangan niyang makibagay upang hindi lumabas na naiiba siya. Baka mamaya sumikat pa siya.
Kahit wala pa namang TV sa lugar na iyon ay may mga tsismosa naman na mabilis pa sa internet na makapagpakalat ng impormasyon. Dapat siyang mag-ingat at baka masira niya ang pangalan ni Seren.
“Sabihin mo, paano mo nakilala si Magnus?” tanong ni Cassian.
“Ah. Si Magnus? Pareho kasi kami ng paaralan na pinapasukan.” tipid na sagot ni Alecxie.
Bakit nito tinatanong? Nagsisimula na ba itong maging interesado sa kaniya?
“Kung ganoon, kilala mo si Lady Elizabeth?”
Agad sumama ang mukha ni Alecxie nang marinig ang tanong ni Cassian. Mukhang alam rin nito ang tungkol sa pagmamahalan ng dalawa. Mukhang nabanggit dito ni Magnus ang tungkol kay Elizabeth.
“Oo. Tsk! Huwag mong sabihin na interesado ka sa kaniya?” iritang tanong ni Alecxie.
Talagang malakas ang tama ng babaeng iyon sa mga karakter na lalaki sa kwentong iyon.
Ibang klase.
“Interesado? Maaari. Marami kasi akong naririnig na magandang bagay tungkol sa kaniya,” sagot ni Cassian.
Napairap tuloy si Alecxie.
“Psh! Edi pumila ka. Pero sinasabi ko sa’yo, pagsisisihan mo ang paglapit mo sa kaniya.” bulong ni Alecxie na bahagyang ikinakunot naman ng noo ni Cassian.
Tsk! Ang ganda pa naman sana ng lugar na kinaroroonan nila. Ang sarap sanang gumawa ng memories doon kaso nakakawala naman ng mood ang kasama niya. Pag-usapan daw ba kasi ang taong wala roon.
Nakakaumay ka namang tulungan, Cassian. Inilalayo na nga kita sa babaeng magiging dahilan ng pagkamatay mo ay gumagawa ka pa rin ng paraan para lumapit sa kaniya.
Tsk! Pabayaan kitang mamatay diyan e.
BINABASA MO ANG
HOURGLASS 2: His Villainess
FantasyAng akala ni Alecxie ay namatay siya. She feels the pain of dying, but instead of really dying, she was being reincarnated in the body of a villainess. Sa hindi niya malamang dahilan ay napasok siya sa librong katatapos niya lang na basahin. It wa...