CHAPTER 63: Her New Life

2K 80 8
                                    

Ilang araw din kaming natutulog lang sa labas ng bahay habang unti-unti namin iyong nililinisan. Nagtayo lang si Stefan ng maliit na tent para sa aming tatlo. Para lang tuloy kaming nagka-camping. Salamat na nga rin at hindi umulan.

“Yehey malinis na ang loob ng bahay. Pwede na tayong matulog ng maayos sa loob.” pagbubunyi ni Mattie.

Pinagmasdan namin ang bahay mula sa labas. May ilang aayusin pa roon pero mas mukha na iyong bahay ngayon. Iyong ibang halamang gumagapang sa labas ng katawan ng bahay ay naisipan naming iwan na lang dahil maganda naman iyong tingnan.

“Sa susunod na araw, bibili ako ng malambot na kama para sa iyo, Lady Seren.” ani Stefan.

Mula sa bahay ay binaling ko ang tingin sa kaniya. Talaga namang napaka maalalahanin niya. Palagi niya na lang iniisip ang kapanganan ko. Talaga palang Tama ang pagkakapili ko sa kaniya bilang knight. Kahit pa hindi niya na dapat iyon ginagawa ngayon.

“Kung ano ang hihigaan ninyo, ang gusto ko ay ganoon din ang sa akin.”

“Pero hindi naman tama iyon.” pagtutol ni Mattie sa sinabi ko.

Umiling ako. “Sa mas mahalagang bagay mo na lang gastahin ang ipambibili ng malambot na higaang iyan. Isa pa, nag-aalala ako kung hanggang kailan tatagal ang perang hawak natin.”

“Huwag mo na iyong alalahanin. Kapag nasiguro kong ayos na ang lahat dito ay maghahanap kaagad ako ng trabaho.” ngiti ni Stefan.

“Ako rin. Maghahanap rin ako ng mapapasukan sa bayan. Kahit tindera lang, para makapag-uwi rin ako ng pera.” Taas kamay naman ni Mattie.

Nang marinig iyon ni Stefan ay nilingon nito ang dalaga at inilingan. “Hindi maari.”

“Gusto ko ring maghanap ng trabaho,” sambit ko rin.

Pagkatapos kay Mattie ay sa akin naman masamang tumingin si Stefan na parang pinagbabantaan akong huwag gagawin iyon.

“Walang magta-trabaho sa inyo. Ako ang lalaki kaya naman ako ang bahala sa lahat ng magiging gastusin natin.” malakas na paninindigan ni Stefan.

Nagkatinginan na lang tuloy kami ni Mattie.

“Pero hindi naman tama iyon. Pantay-pantay na lang tayo ngayon. Wala na akong maibibigay para ipampasuweldo sa inyong dalawa kaya gusto ko ring makatulong.”

“Sinabi ng walang ibang magta-trabaho kung hindi ako lang e. Wala ba kayong tiwala sa akin ha? Lady Seren? Mattie?” pagtataas ng boses ni Stefan.

“Hindi naman sa ganoon. Gusto ko lang na makatulong.” aniko.

Umiling-iling naman si Stefan. “Kung gusto ninyong makatulong na dalawa ay dito na lang kayo sa bahay manatili. May binili akong mga buto ng gulay. Itanim ninyo iyon at alagaan. Kapag pwede na kayong mag-ani ay papayagan ko kayong magtinda sa palengke. Iyon lang ang pwede ninyong gawin. Dahil sa lugar na ito, mahirap mamasukan. Magtiwala lang kayo sa akin, ok. Mabubuhay tayo ng maayos hangga't nandito ako. Si Sir Stefan, to the rescue.” may halong pagbibiro sa huli na sabi ni Stefan.

“Kung ganoon, may hiling din ako sa inyong dalawa. Sana ituring na ninyo akong kapantay. Huwag na ninyo akong tawagin na Lady Seren. Ayoko ng maririnig ang Lady na idinidikit ninyo sa pangalan ko. Pwede ba iyon?”

“Kung iyan ang gusto mo. Walang problema, Seren.” ngiti ni Stefan.

Sunod ko namang nilingon si Mattie na parang naiilang pa na tawagin ako sa pangalan lang.

“Susubukan ko, Lady. Este Seren.”

ᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐᚐ

HOURGLASS 2: His VillainessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon