CHAPTER 16: Brotse

6K 232 8
                                    

“Ano bang nakakatawa ha? Tuwang-tuwa ka ba na makakita ng babaeng dugyot ang itsura ha?” singhal ni Alecxie kay Cassian.

Dahil sa sinabi niya ay mabilis namang nabura ang nakapaskil na ngiti sa labi ng binata at bahagya itong nagbaba ng tingin. “Patawad. Natutuwa lang ako dahil hindi ko inaasahan na makikita kita sa lugar na ito.”

“Bakit? Bawal ba akong mamalengke ha? Bawal ba akong magpunta sa ganitong lugar?”

Marahang nag-angat ng tingin si Cassian. Halata sa mukha nito na naguguluhan ito sa sinabi niya. Hindi kasi mabilang ang kulubot nito sa noo. “Mamalengke?”

Hay ewan!

“Wala ako sa mood na mag explain, kaya bahala ka sa buhay mo. Mabaliw ka sana sa kakaisip diyan!” Padabog na sagot ni Alecxie. Nilampasan na niya ang binata.

Balak niya na sana itong iwan pero bigla niyang naalala ang bagay na binili niya para dito kaya huminto siya sandali para kunin sa bulsa ng suot niyang bestida ang itinagong supot.

“Oo nga pala, may ibibigay ako sa’yo,” aniya habang kinakapa ang loob ng kaniyang bulsa.

Nakakunot ang noo na napatitig naman sa kaniya si Cassian.

Nang mailabas ang maliit na supot na yari sa tela ay muli siyang humarap sa binata at kinuha ang kamay nito. Ibinuka niya ang palad nito at doon ipinatong ang supot. “Ito. Binili ko para sa’yo. Bilang pasasalamat sa pagsama mo sa akin kahapon.”

Tama. Habang naglilibot kanina ay binilhan niya ito ng isang maliit na brooch pin. Pahaba iyon na may tatlong maliliit na dahong kulay berde. Parang dahon ng gabi. Mayroon iyong palikong linya na kulay berde rin sa may pinaka katawan. Nagandahan siya kaya niya iyon binili. Alam niya kasing mahilig sa kalikasan si Cassian kaya naisipan niya itong regaluhan ng ganoon, bilang pasasalamat na rin sa pagdala nito sa kaniya sa tambayan nito.

“Regalo? Para sa akin?” hindi makapaniwalang sambit ni Cassian. Nagniningning ang mga mata nitong napatitig sa kaniya. Halata sa mukha nito ang pagkabigla at tuwa dahil sa natanggap.

Parang ngayon lang ito nakatanggap ng regalo. Ngayon nga lang ba?

Hindi niya alam. Wala naman kasing nakasulat sa libro, patungkol doon.

Hindi napigilan ang mapangiti ni Alecxie nang makita ang pag ngiti ni Cassian habang inilalabas nito sa supot ang regalong binili niya. Madalang lang siyang magbigay ng regalo sa tao kaya naman masaya siya at mukhang nagustuhan ng binata ang binili niya.

“Milady...” Kaya lang. Nang mag-angat ng tingin si Cassian ay naging pilyo ang ngiti nito. Habang ang mga mata nito ay nagpapakita ng nakakalokong kislap. Parang may naiisip itong kalokohan kaya naman nabura ang nakapaskil na ngiti sa labi ni Alecxie at may pagtataka siyang napatitig dito.

“Sigurado ka ba na gusto mo akong mapangasawa?” tanong ni Cassian.

Ano daw? Mapangasawa?

Napaubo si Alecxie sa sinabi ng binata. Tinitigan niya ang mukha nito. Mukha naman itong seryoso sa tanong nito. Naguguluhan lang siya kung bakit ganoon ang naging tanong nito.

“Ano bang sinasabi mo? Nagpapatawa ka ba ha?” sarcastic niyang tanong.

Itinaas naman ng binata ang hawak na brooch para ipakita sa kaniya. Hindi naman siya bulag. Alam niyang brooch iyon kaya bakit pa nito ipinapakita ang bagay na iyon.

“Binibigyan mo ako ng ganito. Alam mo ba na ang ibig sabihin nito ay inaaya mo akong pakasalan ka.” pilyong ngumiti si Cassian.

Parang biglang nakain ata ni Alecxie ang dila dahil sa narinig. Hindi niya naman alam na ang brooch pin ay katumbas ng wedding ring sa lugar na iyon. Ramdam niya tuloy na uminit ang pisngi niya dala ng pagkapahiya. Agad siyang pinamulahan ng mukha. Para tuloy gusto niyang kainin na lang siya ng lupa.

“H-hindi k-ko a-alam. Pasensiya na.” nauutal niyang sambit.

Kukunin niya sana ang hawak na brooch ni Cassian pero inilayo iyon ng binata sa kaniya tsaka ito sumimangot. “Pero ibinigay mo na ito sa akin.”

“Hay ano ka ba. Bibilhan na lang kita ng ibang regalo. Akin na iyan. Ibalik mo na lang sa akin ’yan.” Lahad ni Alecxie sa kamay niya.

Umiling-iling naman si Cassian tsaka isinilid muli sa supot ang brooch pin at ipinasok sa bulsa ng suot nitong damit. “Huli na ang lahat, Milady. Ibinigay mo na ito sa akin kaya naman hindi mo na ito pwedeng bawiin pa.”

Tsaka ito tumalikod at pasipol na lumakad palayo sa kaniya.

“Hoy Cassian!” sigaw pa ni Alecxie pero tila wala namang naririnig ang binata.

Hindi niya napigilan ang pagbagsak ng kaniyang pangga habang pinanonood ang paglayo ni Cassian. Literal na naiwan siyang nakanganga habang unti-unting kinakain ng mga tao ang bulto ng binata.

Siraulong lalaki. Bakit ayaw nitong ibalik ang bagay na iyon kung alam nito ang ibig niyong sabihin. Type ba siya nito? Haissst... Balak pa ata siyang baliwin sa kakaisip.

“Lady Seren ang damit mo.”

Natauhan lang si Alecxie nang dumating si Mattie at may pag-aalalang lumapit sa kaniya. Napatingin siya sa suot nito. Pareho lang naman sila na madumi.

“Totoo ba na kapag binigyan mo ng brooch ang isang binata ay inaaya mo siyang pakasal?” tanong niya kay Mattie na ikinakunot naman ng noo nito.

“Brooch? Anong brooch?”

Punyeta! Ano ba ang tawag sa brooch sa lugar na iyon?

“Ano. Iyong binili kong gamit kanina? Iyong maliit na bagay na may pin, este may aspili sa likod.” paliwanag niya habang kumukumpas pa ng kamay at ipinapakita kung gaano kaliit ang bagay na iyon.

“Ah iyong brotse ba? Iyong binili mo kanina kasabay ng palamuti sa buhok?” tanong pabalik ni Mattie.

“Tama.” Tumango-tango siya. “Iyon nga. Totoo ba na kapag binigyan mo ng ganoon ang isang lalaki ay inaaya mo na siyang pakasalan ka ha?”

“Tama. Ganoon nga. Bakit? May pagbibigyan ka ba ng bagay na iyon, Lady Seren?”

Nalintikan na. Totoo nga.

Natampal na lang ni Alecxie ang sariling noo nang malaman na totoo nga ang sinabi ni Cassian kanina. Ang akala niya kasi ay pinagti-tripan lang siya nito.

Kaloka. Hindi niya naman kasi alam iyon dahil wala ring nabanggit sa libro na may ganoong patakaran sa lugar.

Bumuga siya ng hangin. Imposible namang seryosohin iyon ni Cassian. Isa pa ay sinabi niya naman dito na hindi niya alam ang bagay na iyon kaya hindi niya na iyon dapat pang isipin.

“Hay, hayaan mo na. Halika na sa karwahe at gusto ko munang magpalit ng damit bago mamili.”

HOURGLASS 2: His VillainessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon