Madiin ang mga hakbang na tinungo ni Magnus ang daan kung nasaan si Cassian. Kapag naroon sa palasyo ay isa lang ang malimit nitong tambayan kaya alam niya kung saan ito mahahanap. Doon sa silid-aklatan.
Bata pa lang ay nahilig na sa pagbabasa si Cassian. Nang matuto itong magbasa ay naging hobby na nito ang tumambay sa silid-aklatan. Doon nito halos inuubos ang maghapon nito kaya kahit hindi ito nakatuntong sa eskwelahan ay marami itong alam. Katulad niya ay kinuhaan rin ito ng sariling ina ng isang personal na guro.
Hindi sila magkapatid sa ina ni Cassian. Kahit siya ang ikalawang Prinsepe ay siya ang nakapila sa pagiging hari dahil naging lihim ang pagkatao ni Cassian. Dahil sa pagkakaroon nito ng magkaibang kulay na mga mata ay itinago ito ng Hari sa madla bilang sarili nitong anak. Ayon kasi sa pinagkakatiwalaang manghuhula ng Hari ay magdudulot ng malaking pagbabago roon ang kapatid niya.
Ayaw ng Hari na sirain ng kapatid niya ang itinayo nitong kaharian kaya pinagbawalan nito si Cassian na mag-utos sa kahit na kanino man. Tuloy kapag naroon sa palasyo ay para itong isang ordinaryong tao lang. Kahit ang kasuotan nito ay naiiba sa kanila.
Noong bata pa sila ay malapit sila ni Cassian. Iyon nga lang, nang lumalaki na ay bahagyang lumayo ang loob nila sa isa’t-isa. May parte kasi niya ang naiinis dito. Kung bakit siya ang dapat na magmana ng kahiraan kahit hindi naman siya ang panganay. Naiinis siya sa mga resposibilidad na dapat ay ang kapatid ang gumagawa.
Pero kahit paano ay naaawa rin siya sa kalagayan nito, kaya hindi niya magawang magalit dito. Oo naiinis siya sa kapatid pero kahit kailan ay hindi niya kayang magalit dito ng matindi.
Napatigil sa paglalakad si Magnus nang makita ang hinahanap. Naroon ito sa isang sulok at nakahiga habang may librong nakatabon sa mukha. Mukhang nakatulugan na nito ang pagbabasa. Marahil ay napagod ito sa ginawa.
Nang maalala ang pakay ay bahagya niyang sinipa ang balikat ng kapatid para gisingin ito. “Cassian...”
Mukhang mababaw lang ang tulog nito. Agad kasi nitong tinanggal ang librong nakaharang sa mukha atsaka nagmulat ng mga mata. Nang makita siya nito ay napakunot ang noo at napatitig sa kaniya.
“Aba’t himala. Binisita ako ng kamahalan,” sarkastiko nitong sambit. Mabagal itong tumayo at pumantay sa kaniya. Atsaka ito yumukod bilang pagbibigay galang. “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo, Kamahalan?”
Naiinis siya kapag ginagawa ni Cassian ang ganoon. Para kasing ipinamumukha nito sa kaniya na hindi dapat siya ang nasa posisyong iyon. Hindi niya naman ginusto na maging hari kaya, bakit parang naiinis ito sa kaniya?
“Bakit kayo magkasama ni Lady Seren kanina?” diretsang tanong ni Magnus.
Isa sa sundalo ang nagsabi na parang si Cassian ang kasama ng pinahahanap niyang babae. Kaya siya naroon ay gusto niya iyong kompirmahin.
Hindi niya rin maintindihan ang sarili. Kung bakit simula nang mangyari ang aksidente sa may lawa sa paaralan ay biglang may nagbago sa kaniya. Dati ay si Elizabeth lang ang babaeng nakikita niya pero pagkatapos ng aksidente ay para siyang presong nakalaya. Biglang nagagawa na niya ang maibigan. Katulad ngayon. Hindi naman niya gawain ang manugod pero nakapagtatakang naroon siya para tanungin ang kapatid.
“Si Lady Seren? Ang magandang binibini na kasama kong namasyal kanina,” sagot ni Cassian.
Mula sa harapan niya ay lumakad ito bitbit ang aklat na nakatabon kanina lang sa mukha nito. Ibinalik niya iyon sa estanteng pinagkuhaan at muling humanap ng bagong aklat na mababasa.
BINABASA MO ANG
HOURGLASS 2: His Villainess
FantasiaAng akala ni Alecxie ay namatay siya. She feels the pain of dying, but instead of really dying, she was being reincarnated in the body of a villainess. Sa hindi niya malamang dahilan ay napasok siya sa librong katatapos niya lang na basahin. It wa...