CHAPTER 18: Isang Linggo Pa

6K 202 0
                                    

Dinala siya ni Cassian sa silya na naroon sa may gilid ng halamanan. Pinaupo siya nito at saka nito sinipat ang binti niya. Nang wala itong makita na ano mula roon ay napatingin ito sa mukha niya na para bang inaalam nito ang nararamdaman niya.

Tahimik nitong kinilatis ang mukha niya tsaka parang bigla na lang na nakaramdam ng pagkailang. Taranta nitong binitiwan ang binti ni Alecxie at awkward na tumingin sa ibang direksyon, nang tila ma-realized nito ang ginagawa.

“Pasensiya na... G-gusto ko lang naman makita kung nagka-sugat ka,” paliwanag ni Cassian.

Tumango naman si Alecxie. Dahil unti-unti ng nawawala ang sakit ay marahan niyang ibinaba ang binti at marahang iniayos ang pagkakalapat niyon sa lapag bago ngumiti ng matamis.

“Nag-alala ka ba sa akin?” pilyang ngumiti si Alecxie.

Tila nahihiya naman ang binata na hindi magawang tumititig sa kaniya ng diretso. Akala mo'y may hinahanap ito sa paligid na hindi makita. Kahit saan-saan lang ito tumitingin, makaiwas lang na makasalubong ang tingin niya.

Cute.

Ngayon lang siya nakakita ng ganitong lalaki. Iyong halata ang pagkailang nito sa kaniya. Madalas ganito ang traits ng lalaking nakaka-pareha niya sa mga drama. Iyong lalaki na nagsisimula ng magkaroon ng feelings para sa main lead na babae.

So ang ibig bang sabihin ay nagsisimula ng magkaroon ng interes sa kaniya si Cassian? Nagsisimula na kasi itong magpakita ng pagkailang sa kaniya. Marahil unti-unti ng nagbabago ang tingin nito sa kaniya.

Magandang progress iyon kung sakali. Dahil kung mas magiging malapit sila sa isa't-isa ay mas magiging madali ang pagliligtas niya dito.

“Ano ba kasing ginagawa mo dito sa labas? Gabi na oh, naisipan mo pang lumabas.” sermon naman sa kaniya ni Cassian. Halatang namang iniiba lang nito ang usapan.

Ang akala ata ay makalulusot ito sa kaniya.

“Gusto kong magpahingin dito e. Masama ba ha? Bahay naman namin ito, hindi ba? Ikaw nga ang hindi na dapat nandito e. Para kang stalker, alam mo 'yon.”

“Stalker?” tanong pabalik ni Cassian.

Napailing na lang si Alecxie. Mukhang kailangan niya na namang magpaliwanag. Wala pa naman siya sa mood ngayon na maging guro. Kung bakit naman kasi ang daming lumalabas sa bibig niya na mga ganoong salita.

“Aissst... Kalimutan mo na nga lang. Tsk! Ano ba kasing ginagawa mo dito? Gabi na ah. May kailangan ka ba sa akin at nagpunta ka?”

Bahagyang napayuko si Cassian. Tsaka ito nagpakawala ng sunod-sunod na buntong-hininga. Halata naman na nag-iisip ito ng idadahilan sa kaniya.

Baka nag-iisip pa ng palusot.

“Ang totoo niyan—” Napatigil si Cassian at napatingin sa gawi ng kanan nila nang marinig na may paparating sa gawi nila.

Para itong kuneho na mabilis na lumundag upang makapagtago sa likuran ng mga halaman. Nakakabilib ang pagiging alerto nito. Kahit nag-uusap sila ay halatang bukas ang mga mata at tainga nito sa mga nangyayari sa paligid nila.

Hindi katulad niya na wala man lang ka ide-idea na may parating na pala.

“Lady Seren? Ano'ng ginagawa mo dito sa labas?” tanong ni Mattie.

Nilinga nito ang paligid. Tila inaalam nito kung siya lang ba ang naroon. Tiyak na hindi nito nakita si Cassian dahil madilim sa gawi nila. Isa pa ay nakapagtago kaagad ang binata.

“Ah, nagpapahangin lang,” sagot ni Alecxie.

Tumayo na siya at nilapitan si Mattie tsaka niya nilingon ang gawi na pinagtaguan ni Cassian.

Madilim masyado sa bahaging iyon kaya hindi niya makakita ng kahit kaunting indikasyon na naroon ang binata.

“Hindi ka ba makatulog?” may pag-aalalang tanong ni Mattie.

Bahagya naman siyang tumango. “Medyo. Pero ok na ako ngayon. Sige papasok na ako.”

Alanganin pang lumakad palayo si Alecxie. Ayaw niya sanang gawin iyon dahil hindi pa siya nakapag papaalam kay Cassian pero naisip niya na baka nahihirapan ito sa pinagtataguan. Hindi niya maisip kung paano ang posisyon nito at alam niyang makaaalis lang ito kapag wala na sila sa lugar na iyon, kaya naisip niyang pumasok na lang sa loob. Mabuti na nga lang at humabol sa kaniya si Mattie.

Sumunod ito sa paglalakad niya, pero nanatili lang ito sa likuran niya na sadyang pinapauna siya sa paglalakad.

“Gusto mo bang ipaghanda kita ng mainit na tsokolate?” tanong ni Mattie.

“Hindi na. Ayos lang ako.”

“Oo nga pala. Nakalimutan kong sabihin. Kaninang hapon ay dumating na nga pala ang sulat mula sa paaralan na inaplayan ko para sa'yo. Kailangan na lang nating lakarin ang mga kailangang dokumento mula sa paaralang pinapasukan mo ngayon upang makalipat ka na sa ibang paaralan,” mahabang paliwanag ni Mattie.

Napatigil si Alecxie sa paglalakad at napaharap sa babae nang marinig ang sinabi nito. Halata sa mukha niya ang labis na tuwa dahil sa balitang narinig.

“Talaga? Maari na akong lumipat ng paaralan?” excited na paninigurado niya pa.

“Oo. Kung nanaisin mo talagang lumipat ay maari mo na iyong gawin.”

“Nice.”

Napaka gandang balita naman niyon.

Kung ganoon ay makakaiwas na rin ako sa dalawang main lead sa kwentong ito. Magiging safe na ang pananatili ko sa lugar na ito.

Sa wakas.

“Pero Lady Seren...” sandaling napatigil si Mattie sa pagsasalita. Pinaglaruan pa nito ang mga daliri na parang hirap ilabas ang mga gustong sabihin sa kaniya.

Mula sa pag de-day dream ay bumalik ang tingin niya dito. Pinasadahan niya ito ng tingin. Halata sa mga mata nito ang pag-aalala.

“Gusto kong pag-isipan mo pa ito ng maige.”dugtong ni Mattie. Para itong nabunutan ng bara sa lalamunan nang mabitiwan ang mga salitang iyon.

“Ano pa ba ang dapat kong pag-isipan? Ayoko ng pumasok sa paaralan na iyon. Hindi ba dapat ako ang nagde-desisyon sa bagay na iyon?”

“Alam mo kung gaano kahirap makapasok sa Steren Endowed School. Oras na umalis ka roon ay tiyak na hindi ka na makakabalik pa.”

Tama. Bigla niyang naalala. Nahirapan nga palang makapasok sa paaralang iyon si Seren. Halos hindi ito tanggapin sa school noon dahil sa pangit nitong records bilang estudyante. Kasama si Mattie ay kung anu-anong bagay ang ginawa ng mga ito para lang matanggap siya sa SES.

But now, she was just throwing it away? Hindi naman sa wala siyang pakialam sa effort ng dalawa pero, para naman kasi iyon sa safety niya. Hindi niya alam kung paano iyon ipaiintindi sa dalaga.

“Buo na ang desisyon ko, Mattie,” tipid na ngiti ni Alecxie.

“Isang linggo. Papasok ka ng isang linggo pa. Pagkatapos niyon ay tsaka ka mag desisyon kung gusto mo talagang umalis sa paaralang iyon.”

“Ano bang sinasabi mo? Pinangungunahan mo ba ang desisyon ko?”

“Ayoko lang na may pagsisihan ka sa huli, kaya gusto kong masiguro mo muna kung aalis ka ba talaga sa paaralang iyon o hindi. Sige na. Magpahinga ka na Lady Seren. Magandang gabi.” Bahagyang nagbaba ng ulo si Mattie atsaka mabilis na tumalikod.

Hahabulin niya pa sana ito pero hindi niya na lang ginawa. Gusto niya rin kasing pagbigyan si Mattie, lalo pa't alam niya na concern lang ito sa kaniya.

Isang linggo pa.

Hindi naman siguro mahirap malampasan ang isang linggo sa paaralan na iyon. Basta iiwasan niya lang si Magnus at Elizabeth ay magiging safe siya.

HOURGLASS 2: His VillainessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon