Maaga akong gumising dahil maaga rin ang pasok ko sa trabaho. Hindi pwedeng mawalan ng trabaho dahil ako lang ang inaasahan ni Ding. Kailangan niya na ng pangtuition.
“Ate!” malakas na pagtawag ni Ding sa akin.
Nagpupusod ako ng buhok ko nang pumasok siya sa kwarto ko. Hinihingal pa at akala mo tumakbo mula sa bayan hanggang dito sa amin.
“Bakit, Ding?” kunot noong tanong ko. Anong problema ng kapatid ko?
“May sumugod daw na magnanakaw sa tindahan kung saan ka nagtatrabaho. Sobrang lakas niya, Ate!” sagot niya.
Nanlaki ang mga mata ko at mabilis kinuha ang bag ko saka nagtatakbo paalis. Kailangan kong pumunta roʼn para siguruhing maayos ang lagay ng boss ko.
“Boss!” malakas kong sigaw nang makapasok ako.
May isang lalaki na malaki ang katawan at may hawak na baril. Agad napabaling sa akin ang lalaking iyon at nakita ko ang mga mata niya, ang isang parte ng mata niyang kulay berde. Bakit ganito ang naging itsura niya?
Isa siya sa napagbentahan ko noong nakaraan. Kulang ang pera niya pero gusto niyang ibili ng pagkain ang anak niya kaya binigyan ko siya para maiuwi niya pa rin ang pagkaing paborito ng anak niya. Bakit ang isang simpleng ama na gusto lang namang pasayahin ang kaniyang anak ay naging ganito bigla? Anong nangyari sa kaniya?
“Umalis na kayo! Ako na ang bahala rito!” malakas kong sabi kay Boss at sa isang customer na nadamay sa pangyayari.
Kumuha ako ng mga de lata at pinaghahagis ko sa lalaking nagtatangkang magnakaw ngayon. Nasalo niya ang isang hinagis ko at walang kahirap-hirap niyang piniga ang isang lata na may laman pa. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat.
“Ahhhhh!” sigaw niya at tinangka akong sugurin.
Bakit ganoʼn siya kalakas? Anong nangyari at nagkaroon siya ng ganoʼn kalakas na katawan? May kakaiba sa kaniya at iyon ang hindi ko matukoy sa ngayon.
Pilit niya akong sinusugod kaya pilit din akong umiiwas at nagtatago. Nagtumbahan na ang mga stante na may mga paninda namin. Hindi ko siya gustong saktan dahil alam kong hindi naman talaga siya ganito, alam kong mabait siyang tao.
“Hindi mo gawain ang ganito. Mabait kang tao at may anak ka. Itigil mo na ʼto!” pagkausap ko sa kaniya.
Nakatitig lang siya sa akin at malalim ang paghinga niya. Nakakaramdam ako ng takot para sa kaniya at sa pwede niyang gawin sa akin pero nagulat ako nang talikuran niya ako at pumunta sa pinto saka niya iyon hinatak na naging dahilan para maalis ang pinto.
Kakaiba ang lakas niya. Hindi ko maipaliwanag kung paanong nagkaroon siya ng ganoʼng klaseng lakas. Ang pinto naming sobrang tibay ay nagawa niyang sirain at alisin gamit lamang ang isang kamay. Anong nangyari sa kaniya?
“Okay lang po ba kayo?” nag-aalalang tanong ko kay Boss at sa isang customer.
May narinig akong sirena ng pulis kaya napairap na lang ako sa kawalan. Talaga namang palagi na lang late umaksyon ang mga pulis mapateleserye man o totoong buhay. Tapos na ang gulo saka lang sila susulpot.
Sinimulan ko na lang na ayusin ang mga paninda na nagulo at binalik ko rin ang ibang stante na natumba. Masyadong nagulo ang tindahan at sigurado akong hindi agad matatapos ito ng isang araw lang.
“Anong nangyari dito?” tanong ng isang pulis. Nagliligpit pa rin ako ng mga paninda nang lingunin ko siya. “Ikaw na naman?” gulat pang sabi niya sa akin.
Napairap ako. “Late na kayong dumating. Nakatakas na ang magnanakaw,” sagot ko sa kaniya.
“Anong ginagawa mo rito? Kung saan talaga may gulo ay palagi kang nandoon,” sabi niya pa.
Nakakainis talaga ang lalaking ʼto. Akala mo naman kung sino. Ni hindi nga nagawang umaksyon agad para mapigilan ang magnanakaw kanina.
“May isang lalaking may grabeng lakas na taglay ang nagnakaw rito. Siya ang may gawa ng lahat ng ʼto. Sobrang lakas niya...” Nakatulala ako sa kawalan habang iniisip ang nangyari kanina.
“Masyado ka namang magkwento. So sinasabi mong may superpower siya?” natatawang tanong pa niya sa akin.
Bumalik ang inis ko dahil sa kaniya. So hindi niya ako pinaniniwalaan? Kitang-kita na nga ang mga ebidensya. Anong gusto niyang sabihin? Alangan namang ako ang nagtumba ng mga stante na ʼto at sumira sa pinto ng tindahan.
“Basta sobrang lakas niya. Nagawa niyang hatakin gamit ang isang kamay lang ang pinto at naalis niya pa nga iyon,” dagdag ko.
Natatawa pa rin sa akin ang pulis na ʼto at parang iniisip na nagsisinungaling pa ako sa mga sinasabi ko. Bahala nga siya kung ayaw niyang maniwala sa akin.
“Patingin na lang ako ng footage ng cctv ninyo para malaman ko kung ano talagang nangyari,” aniya.
Napaiwas ako ng tingin sa kaniya. “Hindi naman gumagana ʼyan,” mahinang sagot ko.
Iniwan niya na ako at si Boss na ang kinausap niya. Tinuloy ko na lang ang pag-aayos ko rito pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang nangyari.
Kailangan kong malaman kung saan nanggaling ang kakaiba niyang lakas. Dahil sa huling pagkakatanda ko ay nakita ko ang lalaking iyon sa bundok noong puntahan ko si Lolo para sunduin dahil nagpasabog doon. Nakita ko ang lalaking ʼyon na may tama sa bandang likuran at puro dugo, patay na siya noon pero nagulat ako nang makita namin siya na tumatakbo at parang walang nangyari.
“Ate, sa tingin mo may kaugnayan iyan sa nangyari noon?” tanong ni Ding sa akin.
Nandito siya ngayon sa kwarto ko para alamin ang nangyari kanina. Nakaupo ako ngayon sa kama ko at nakatulala habang iniisip ang mga posibilidad sa mga nangyayari.
“Hindi ko alam, Ding. Pero grabe talaga ang lakas niya. Mahigit sa sampung tao ang lakas na mayroon siya,” hindi makapaniwalang sabi ko naman.
“Hindi kaya may kaugnayan nga ito sa nangyari noon. Sa mga alien na nakalaban ni Nanay noon, Ate. Baka kagagawan nila ang nangyayaring ʼto!” sabi naman ni Ding.
Napatitig ako sa kaniya nang sabihin niya iyon. Alam na kaya ng mga humahabol noon kay Nanay na nasa akin na ang bato? Pero hindi ko pa naman iyon ginagamit dahil hindi pa ako handa. Ano ang gagawin ko?
“Hindi ko alam, Ding. Pero isa lang ang nasisiguro ko ngayon, nagsisimula na ang mga kakaibang pangyayari dito sa lugar natin,” nasabi ko na lang.
Napatitig ako sa cabinet kung saan nakalagay ang bato. Hindi pa ako handa para sa batong iyon pero ang sabi ni Nanay, ang malaking kasalanan daw ay kung may maitutulong ka pero wala ka namang ginawa.
To be continued. . .
BINABASA MO ANG
DarLentina (COMPLETED)
FanfictionGxG STORY All Rights Reserved© COMPLETED✔️ Started: September 10, 2022 Ended: October 22, 2022 [ THIS IS JUST A FAN FICTION OF NARDA (DARNA) AND REGINA (VALENTINA) FROM MARS RAVELOʼS DARNA. ] "Ganito na lang. Sa tuwing maaalala mo ang babaeng ahas...