Nandito ako ngayon sa office ni Regina dahil pinatawag niya raw ako. Nandito rin ang lalaking tinulungan ko sa tindahan ni Boss noong may nagtangkang magnakaw kay Boss.
“Magandang tanghali po...” nahihiyang bati ko sa kanila.
“Come here, Narda. Ibibigay ko lang ang uniform mo,” nakangiting sabi sa akin ni Regina.
Agad naman akong lumapit sa kaniya para kunin ang isang box na nasisiguro kong may laman na uniform ko.
“Maraming salamat nga pala sa pagtulong sa akin sa magnanakaw, kung wala siguro noʼn ay baka napatay na ako ng lalaking ʼyon,” sabi ng lalaki sa akin.
“Walang anuman po. Ang mahalaga po ay nakaligtas tayo pare-pareho,” nakangiting sagot ko naman.
Napabaling ako kay Regina at naabutan ko siyang nakatitig sa akin. Nang mapansin niya nang nakatingin ako ay ngumiti siya at binalik sa lalaki ang atensyon.
“Maʼam, mauna na po ako. Kita na lang po tayo bukas dito,” paalam ko sa kaniya.
Tumango siya at nanatiling nakangiti sa akin. “Mag-iingat ka pauwi, Narda.”
Sinuklian ko ng ngiti ang ngiti niya. Nagpaalam na rin ako sa kausap niya. Excited na akong umuwi matapos noʼn para ibalita kina Lola at Ding na magiging EMT na ako.
“Lola! Ding!”
Malayo pa lang ay sumisigaw na ako. Sobrang excited talaga ako na ibalita sa kanila na may trabaho na ako at magiging EMT ako tulad ni Nanay.
“Ano ba ʼyon, apo?” takang tanong ni Lola sa akin. Mabilis akong pumasok sa bahay at nagmano sa kaniya.
“Anong meron, Ate? May nangyari ba?” nag-aalala namang tanong ni Ding sa akin.
Mabilis akong umiling sa kanila. Binuksan ko ang box na dala ko at kinuha ang laman noʼn. Isang polo shirt na maroon at may nakatatak na malaking tatlong letra sa likuran; EMT.
“EMT na po ako, Lola! Kagaya nung kay Nanay noon, ito na ang bago kong trabaho!” tuwang-tuwang balita ko sa kanila.
Bakas din naman ang tuwa kay Lola at Ding. Niyakap nila ako kaya at ginantihan ko rin sila ng mahigpit na yakap.
“Pero paano ka naging EMT, Ate? May trabaho ka pa sa tindahan ʼdi ba?” takang tanong ni Ding.
Naupo ako sa sofa para mas makapag-usap kami ng maayos. Tumabi sila sa akin at hinihintay na magkwento ako sa nangyari.
“Tinanggal kasi ako sa trabaho dahil ako ang sinisi ni Boss. Kung hindi ko raw sana pinatulan ang magnanakaw ay baka hindi sana raw nasira ang mga paninda niya,” pagkwento ko na.
“Abaʼt loko pala ʼyon, e! Resbakan ko na ba, Ate?” mayabang na sabi ni Ding kaya hinatak ko siya para makabalik sa kinauupuan niya.
Akala mo naman kasi talaga kaya niyang gawin iyon. Magaling lang siyang magsalita pero hindi niya naman talaga gagawin dahil may respeto pa rin siya sa nakakatanda.
“Kasalan ko rin naman kasi talaga. Lumala ang nangyari dahil pinalala ko pa. Kung hinayaan na lang nga namin na kunin ang pera ay baka hindi na nga umabot pa sa ganoʼn,” sabi ko pa.
“Mali pa rin na sisihin ka niya, apo. Hindi mo naman ginusto ang nangyari, at saka tumulong ka lang naman sa kaniya. Dapat pa nga siyang magpasalamat dahil kung hindi dahil sa ʼyo ay baka kung napaano na siya,” sabi naman ni Lola.
Inakbayan ko silang dalawa. “Okay na ʼyon, Lola. Isipin na lang natin na baka nakatakda talagang mangyari iyon para makahanap ako ng bagong trabaho. Bukas na ang simula ko bilang EMT at excited na po ako,” nakangiting sabi ko sa kanila.
“Isukat mo nga ang uniform mo, Ate. Tingnan natin kung bagay sa ʼyo,” utos ni Ding.
Mabilis naman akong tumayo at kinuha ang uniform ko para maisukat. Pakiramdam ko ay para na akong si Nanay nito dahil ganito rin siya noon.
Nay, ako na ang magtutuloy ng nasimulan mo. Kayang-kaya ko ʼto!
“Wow, Ate! Para kang si Nanay dahil diyan!” sabi ni Ding pagkalabas ko ng kwarto.
Nakabun ang buhok ko dahil iyon naman talaga ang dapat. Ang iilang pirasong bangs ko ay nakaladlad at ang kaunting buhok sa gilid ng tainga ko para magkaroon ng style kahit papaano.
“Ang ganda ganda mo naman, apo ko!” puri sa akin ni Lola kaya agad sumilay ang ngiti sa labi ko.
“Salamat po, Lola. Pakiramdam ko nga po ay nandito lang si Nanay. Sana nga buhay na lang siya,” sambit ko naman.
Napabuga ako ng hangin mula sa bibig ko at tipid na ngumiti kina Lola at Ding. Namiss ko lang bigla si Nanay. Naalala ko rin kung paano siya nawala noon.
May kaugnayan nga kaya talaga sa nangyari noon ang nakita ko sa lalaking may kakaibang lakas?
“Ate, lumilindol!” malakas na sabi ni Ding nang maramdaman namin ang grabeng pagyanig.
Pinilit naming lumabas nang bahay para hindi kami malaglagan ng kahit anong bagay sa loob ng bahay. Sumisigaw na rin ang mga kapitbahay dahil sa pagyanig. Sobrang lakas at biglaan ang lindol na ʼto.
“Takpan ninyong mabuti ang ulo ninyo!” sigaw ko sa kanila.
Hindi pa rin tumitigil ang lindol. Nagdarasal ako na sana ay walang masaktan dahil sa grabeng yanig nito. Sana ay makaligtas ang lahat.
“Wala na yata!” sigaw ng isang kapitbahay.
Tumigil ang lindol pero hindi pa rin nakasisiguro na maayos na nga at walang aftershock. Pinalipas muna namin ang ilang minuto pa rito sa labas ng bahay para makasiguro.
Pumasok kami sa loob nang masigurong maayos na nga. Agad binuksan ni Ding ang TV at tumambad sa akin ang isang balita.
“Nandito kami ngayon sa isang lugar kung saan gumuho ang building na hindi pa tuluyang natatapos gawin, marami ang sugatan at marami rin ang nadaganan at naiwan sa loob ng gumuhong gusali.” Nanlaki ang mga mata ko dahil sa nakita ko.
Napatingin ako kay Lola at Ding na nakatutok pa rin ngayon sa TV. Kailangan kong pumunta roʼn. Kailangan kong tumulong.
“Lola, Ding, kailangan kong pumunta sa insidente na ʼyan. Kailangan kong tumulong,” paalam ko sa kanila.
“Pero bukas pa ang trabaho mo, apo. At saka delikado rʼyan, baka kung mapaano ka pa,” bakas ang pag-aalalang sabi ni Lola sa akin.
Hinawakan ko ang kamay niya. “Lola, kaya kong tumulong kaya tutulong ako. Kailangan nila ako,” siguradong sagot ko sa kaniya.
“O, sige. Mag-iingat ka, apo.” Tumango na lang ako at mabilis na tumakbo na palabas ng bahay.
Kailangan ako ng mga tao. Umpisa man ng trabaho ko o hindi, kailangan kong tumulong sa kanila.
To be continued. . .
BINABASA MO ANG
DarLentina (COMPLETED)
FanfictionGxG STORY All Rights Reserved© COMPLETED✔️ Started: September 10, 2022 Ended: October 22, 2022 [ THIS IS JUST A FAN FICTION OF NARDA (DARNA) AND REGINA (VALENTINA) FROM MARS RAVELOʼS DARNA. ] "Ganito na lang. Sa tuwing maaalala mo ang babaeng ahas...