Naglalakad ako ngayon pauwi galing sa trabaho ko. Gabi na kaya medyo konti na lang ang mga taong nakikita kong naglalakad. Madilim pa naman sa parteng ʼto ng dinadaanan ko kapag pauwi na.
Sinukbit ko nang maayos ang bag na dala ko nang may mapansin akong grupo ng mga lalaki na palapit sa akin.
“Narda Custodio!” banggit ng isa sa kanila at bigla akong binaril.
Tinamaan ako sa tiyan. Agad kong hinagis ang bag ko sa isang lalaki at sinipa naman ang iba pa. Nagpaputok na naman ang isa sa kanila at tinamaan ako sa braso.
Sinubukan ko pa ring sipain at sapakin ang mga ito. May tama ako sa tiyan at braso at hindi ko sila kaya kung ipagpapatuloy ko pa ang pakikipaglaban bilang si Narda.
“Ahhh...” daing ko nang subukan kong tumakbo paalis.
Pero halos takasan ako ng sarili kong kaluluwa nang makita ko ang babaeng ahas sa harapan ko.
“At saan ka pupunta?” Tumatabingi ang ulo niyang puro ahas.
Ang katawan niya ay kulay berde at parang balat ng ahas. Nakakatakot siya. Pinulupot niya ako gamit ang dalawang ahas na nanggaling sa ulo niya. Hindi ako makahinga.
“Ahhhh!” Gustuhin ko mang kumawala ay hindi ko magawa.
Nakangisi ang babaeng ahas at mas natakot ako nang makita ko mula sa likuran niya ang isang kakaibang nilalang na kulay ginto ang katawan. May baril siyang hawak; baril na ginamit noon kay Nanay.
“Goodbye, Darna...” sabi pa nito at pinatamaan na ako ng baril na hawak niya.
Ramdam ko ang unti-unting pagkaubos ng katawan ko hanggang sa tuluyan na akong naglaho.
Habol ang hininga ko nang mapabangon ako. Panaginip lang lahat ng iyon pero pakiramdam ko ay totoo. Kinapa ko ang katawan ko para masigurong walang ni isang tama ng baril dito.
“Panaginip lang...” Nakahinga ako nang maluwag dahil doon.
Pero sa panaginip ko ay kitang-kita ko na ang babaeng ahas. Parang totoo lahat ng nakita ko sa panaginip ko. At paanong tinawag niya akong Darna kahit na hindi naman ako nagpalit anyo?
“Hello, Regina...”
Sinubukan kong tawagan siya at nagbaka sakaling gising pa siya kahit anong oras naman na.
[“Narda... Honey, bakit gising ka pa?”] bakas ang paos sa boses niya. Mukhang nagising ko siya sa ginawa kong pagtawag.
“Nastorbo ko ba tulog mo? Pasensya ka na...” sabi ko naman.
[“No, itʼs okay. May problema ba? Bakit napatawag ka?”] Nag-aalala ang tono niya.
Nagpakawala ako ng isang malalim na hininga bago siya sinagot.
“Binangungot kasi ako, e. Napanaginipan ko ʼyung babaeng ahas,” sagot ko.
Yakap ko ngayon ang tuhod ko at medyo nanginginig pa ako dulot ng panaginip ko kanina. Sobrang nakakatakot talaga ang panaginip na ʼyon.
[“Are you okay now? Drink some water.”] Muli lang akong nagpakawala ng malalim na hininga.
“Okay na ako. Mabuti na lang talaga at nagising ako agad. Grabeng bangungot ang naranasan ko ngayon,” muling sabi ko.
Siya naman ang nagpakawala ng isang malalim na hininga.
[“Maaga kang pumasok bukas, okay? Sa ngayon ay magpahinga ka na. Pray and donʼt think about that dream para hindi ka mahirapang matulog.”]
Tumango ako kahit na hindi naman niya nakikita.
“Salamat, Regina. Pasensya na rin sa abala dahil pati pagtulog mo ay naudlot dahil sa akin,” nahihiyang sabi ko pa.
[“Itʼs okay, Narda. Letʼs sleep and see you tomorrow—I mean later.”]
Madaling araw na rin kasi at ilang oras na lang din ay umaga na. Nagpaalam na ako kay Regina para naman matuloy na ulit ang tulog niya. Ganoʼn din ang ginawa ko, sinubukan kong matulog na lang ulit. Nag-alarm na lang ako para hindi ako ma-late ng gising.
“Okay ka lang ba, Apo?” tanong ni Lola sa akin nang makalabas ako ng kwarto.
Gising na rin si Ding at nag-aayos na siya ng mga plato. Ako naman ay nakagayak na at ngayon ay nagsusuot na lang ng belt para tuluyan nang matapos sa paggayak.
“Nanaginip kasi ako kagabi, Lola. Si Borgo at ang babaeng ahas ang nakita ko sa panaginip ko,” sagot ko.
Napatingin sa akin si Ding. Lumapit na ako sa hapag para makapagsimula na kaming kumain.
“Sa panaginip ko ay ginawa rin sa akin kung anong ginawa kay Nanay noon. Binaril at biglang naglaho si Nanay at ganoʼn din ang nangyari sa akin sa panaginip ko,” pagtutuloy ko sa kwento ko.
“Panaginip lang iyon, apo. Hindi mangyayari iyon kaya huwag mo na lang masyadong isipin,” sabi pa ni Lola sa akin.
“Lola may posibilidad ding mangyari iyon,” sabi naman ni Ding kaya sa kaniya kami napatingin.
“Tama si Ding, Lola. Posibleng mangyari iyon kapag nagharap na kami ni Borgo. Pero hindi ko hahayaang matutulad ako sa ginawa nila kay Nanay,” sagot ko.
“Mag-iingat ka palagi, apo. Basta kahit anong mangyari ay nandito lang kami para sa ʼyo,” sabi ni Lola.
Tipid lang akong ngumiti sa kaniya. Nagsimula na kaming kumain pero ang isip ko ay okupado ng panaginip ko kagabi.
Kailangan kong pumasok nang maaga para makausap si Regina. Si Regina lang naman ang nakakaalis ng kaba at takot ko. Si Regina ang nakapagpapakalma sa magulong isip ko.
“Mag-ingat kayo mga apo. Magluluto ako ng masarap na hapunan para pagdating ninyo ay may pagkain na agad,” sabi pa ni Lola.
Nagmano at humalik na kami sa kaniya. Sabay na kaming umalis ni Ding at nakipagkulitan pa nga ito sa akin habang naglalakad kami.
“Narda!” Natigil naman ako sa paglalakad nang marinig si Noah.
“Noah!” banggit ko rin sa pangalan niya.
Napatingin siya sa amin ni Ding. “Hatid ko na kayo?” taas ang isang kilay at nakangiting tanong niya sa amin.
“Okay lang, Noah. Malapit lang naman ang school ni Ding,” sabi ko naman at tipid na nginitian siya.
“Narda, mas okay kung ihatid ko na kayo. Para hindi na kayo ma-late pa sa pupuntahan ninyo,” pangungulit niya.
Napatingin ako sa gawi nila Mara. Tinaasan niya ako ng kilay at tumingin kay Noah. Naiiwas ko ang tingin ko at binalik iyon kay Noah.
“Sige na, Narda. Ngayon lang ʼto promise!”
Tumango na lang ako at pumayag na dahil hindi yata talaga titigil si Noah kapag hindi kami naihatid.
Sumakay na kami ni Ding. Tahimik lang ako at hindi ko naman din alam ang sasabihin ko kay Noah.
To be continued. . .
BINABASA MO ANG
DarLentina (COMPLETED)
FanfictionGxG STORY All Rights Reserved© COMPLETED✔️ Started: September 10, 2022 Ended: October 22, 2022 [ THIS IS JUST A FAN FICTION OF NARDA (DARNA) AND REGINA (VALENTINA) FROM MARS RAVELOʼS DARNA. ] "Ganito na lang. Sa tuwing maaalala mo ang babaeng ahas...