Buong araw akong hindi nakausap nang matino nila Andre dahil wala ako sa mood. Sa tuwing tatanungin nila ako ay tipid lang akong sumasagot.
Ang simpleng away namin ni Regina ay tumagal pa ng ilang araw. Grabe! Ako ba dapat ang magsorry sa kaniya? Wala naman akong ginawang mali, nagpaliwanag naman ako ng maayos sa kaniya.
“Ilang araw ka nang ganiyan, Apo...” sita ni Lola sa akin.
Hawak ko ang tasa na may lamang gatas. Hindi ako makatulog dahil sa rami ng iniisip ko. Ang tungkulin ko bilang si Darna at ang tungkulin ko bilang si Narda na girlfriend ni Regina.
“Lola, mali ba ako?” tanong ko.
Napabaling ako sa kaniya at naghihintay naman siya ng kasunod sa sasabihin ko.
“Mali bang pinipili kong huwag na lang ipaalam sa mga taong hindi naman parte ng pamilya o hindi naman malapit sa amin ang relasyon namin ni Regina?” dagdag ko.
“Hindi naman mali, Apo. Kung sa tingin mong tama na hindi ipaalam sa nakararami ang relasyon ninyo at sa tingin mo ay iyon ang makabubuti, gawin mo para sa inyong dalawa,” sabi ni Lola.
Napatitig ako sa gatas na nasa basong hawak ko. Sobrang miss ko na si Regina dahil ilang araw na kaming hindi nagkakausap pagkatapos nung nangyari.
Pinatigil ko naman na rin si Noah sa panliligaw niya. Pero nagpapadala pa rin siya ng kung anu-ano sa akin at mukhang nalalaman ni Regina ʼyon kaya mas lalong hindi kami nagkakaayos.
“Pero sa relasyon, dalawa kayong dapat magdedesisyon. Dalawa kayong dapat nagbibigay at tumatanggap. Hindi pwedeng isa lang ang pakikinggan,” sabi pa ni Lola.
Sinabi ko ang mga gusto ni Regina na mangyari. Kinuwento ko kay Lola iyon at nakinig naman si Lola sa akin.
“Apo, may punto naman si Regina. Saka hindi naman ninyo hahayaan na masira kayo nang dahil lang sa ibang tao ʼdi ba? Mahirap nga naman kasi ʼyung kapag kayo lamang dalawa saka lumalabas ang tunay ninyong relasyon. Hindi rin naman habang buhay na maitatago iyon,” sabi niya.
“Lola, hindi naman namin tinatago. At hindi ko rin naman tinatanggi. Ang sa akin lang naman, mas okay na sigurong kaunti lang ang may alam para iwas sa pangingielam ang ibang tao,” sabi ko naman.
Tinapik ako ni Lola sa braso. “Apo, kagaya ng sabi ko ay dalawa kayong nasa relasyon. Hiningi mo ba ang opinyon ni Regina? Inisip mo ba ang mararamdaman niya? Gusto ba niya na ganiyan din katulad ng gusto mo? Hindi naman ʼdi ba? Kaya nga mas mainam nang mag-usap kayo nang maayos para naman malinawan ang magulong nangyari sa inyo,” pagpapaintindi ni Lola.
“Lola, ako nga ba ang mali?” muling tanong ko.
Ngumiti si Lola sa akin. “Hindi, Apo. Magkakaiba lang talaga ang isip at damdamin ng mga tao kaya kailangan nating mag-ingat sa mga salitang binibitawan at sa mga kilos na ginagawa. Kausapin mo bukas si Regina para maayos na ninyo ang nangyari,” sabi niya.
Bahagya akong napanguso at tumango na lang. Iniwan na ako ni Lola dahil matutulog na raw siya kaya naman ako na lang ang nandito ngayon sa sala at nakaupo. Puno na naman ang isip ko ng mga tanong at kung anu-ano pang gumugulo rito.
Kinabukasan ay maaga akong pumasok para makausap si Regina at nang maayos na namin ang nangyari sa pagitan namin.
“Ali, nandiyan ba si Regina?” tanong ko kay Ali nang makita ko siyang palabas ng office.
“Oo, nagv-vlog siya,” sagot naman niya sa akin kaya pumasok na ako.
“That Darna. Wala na talaga siyang nagawang tama ʼno? Palagi na lang siyang palpak!” mariing sabi niya sa huli.
May kung ano akong naramdaman sa dibdib ko dahil sa sinabi niya. Kagaya rin talaga ng ibang tao ang isip ni Regina pagdating kay Darna.
“Darna, kung nanonood ka man ngayon o naririnig mo man ang tungkol sa mga sinasabi ko. Gusto ko lang sabihin sa ʼyo na gawin mo nang maayos ang tungkulin mo. Ang Nueva Esperanza ay sinisikap na linisin at gawing tahimik. Sa ginagawa mo ay parang mas lalo lang yatang nagugulo.”
Mabilis akong tumalikod at umalis. Hindi ko na kayang marinig pa ang iba niyang sinasabi tungkol kay Darna—tungkol sa akin.
“Narda, mainit na naman yata ulo mo,” sabi ni Andre sa akin.
Tipid lang akong ngumiti. “Lagay ko lang ʼto,” sabi ko at inangat ang mga hawak kong folders.
May isang room kung saan nilalagy ang mga mahahalagang papers na para sa foundation. Doon ko ilalagay ʼto at nakatoka rin naman ako na ayusin iyon.
“Sige, Narda. Ice cream tayo kapag tapos ka na,” sabi naman ni Chard.
Tumango na lang ako sa kanilang dalawa. Alam ko namang gusto lang nilang pagaanin ang loob ko, e.
“Tawagin mo na lang kami kapag tapos ka na sa ginagawa mo,” bilin pa ni Andre sa akin.
“Sige sige. Salamat sa inyong dalawa,” sagot ko at tipid na nginitian ulit sila.
Inayos ko na nga ang mga folder na nandito ngayon. Hindi naman mahirap dahil may mga nakasulat naman sa harapan kaya madali ko na lang ding napagsasama-sama ang mga dapat na magkakasama lang.
“Narda...” Narinig ko si Regina.
Agad na umangat ang tingin ko at natigil ako sa pag-aayos ng mga folder.
“Regina...” Bumuga pa ako ng hangin sa bibig ko.
Magkahawak ang dalawang kamay niya at kunot ang noo niya. Nag-aalala siya at parang may gustong sabihin pero hindi masimulan ang pagsasalita.
“Look, Narda... Iʼm sorry. Hindi ko gustong masaktan kita o ma-offend sa nangyari,” sabi niya na.
Lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa kamay. Tahimik lang ako at nakatingin lang doon.
“Sorry kung mas inisip ko pa ang sarili ko. Tama ka, mas okay ngang konti lang ang may alam. Hindi naman mahalaga na malaman ng lahat ng tao, ang mahalaga ay tanggap tayo ng mga taong malalapit sa atin,” dagdag niya pa.
Tipid lang akong ngumiti sa kaniya. Tinitigan ko lang siya at hinintay pang magsalita ulit.
“And I am sorry kung ganoʼn na naman ang naging salita ko about Darna. I know apektado ka rin sa sinabi ko kanina. Sabi ni Ali ay umalis ka raw agad sa office ko kahit kapapasok mo pa lang.”
Napahugot ako ng isang malalim na hininga. Hinawakan ko rin ang kamay niya at doon natuon ang atensyon ko.
“Naiintindihan ko rin naman ang pinanggagalingan ng mga sinabi mo nung nakaraan, Regina. Okay lang naman sa akin kung umakto tayo ng kahit ano magkasama man o nasa maraming tao. Tama si Lola, dalawa tayong nasa relasyon kaya dapat parehas tayong nagdedesisyon. Kaya sorry din kung umabot pa ng ilang araw bago natin maayos ʼto,” mahinahong sabi ko naman sa kaniya.
Niyakap niya ako. Ilang segundo lang naman akong nagulat pero niyakap ko na rin siya. Sobrang miss ko siya.
“Okay na tayo, a. Ayaw ko na ulit magkaroon tayo ng tampuhan tapos ilang araw hindi magpapansinan,” nakangusong sabi niya sa akin matapos akong yakapin.
“Okay na tayo, honey...” pang-asar kong sabi.
Muli naman niya akong niyakap. Iʼm home again. Naramdaman ko na ulit ang pahinga na ilang araw kong hindi naramdaman.
To be continued. . .
BINABASA MO ANG
DarLentina (COMPLETED)
FanfictionGxG STORY All Rights Reserved© COMPLETED✔️ Started: September 10, 2022 Ended: October 22, 2022 [ THIS IS JUST A FAN FICTION OF NARDA (DARNA) AND REGINA (VALENTINA) FROM MARS RAVELOʼS DARNA. ] "Ganito na lang. Sa tuwing maaalala mo ang babaeng ahas...