10

1.7K 126 85
                                    

Hinatid nga ako ni Bryan sa bahay namin. Hanggang sa loob nga ay kasama siya.

“Apo! Anong nangyari sa ʼyo? May sugat ka ba?” bungad na tanong ni Lola sa akin.

May mga dugo kasi ako sa braso dahil sa pagpapaanak ko kay Sally kanina.

“Okay lang ako, Lola. Naabutan kasi si Maʼam Sally kanina sa panganganak kaya walang choice kundi ako na gumawa,” sagot ko naman.

“Mabuti naman at maayos ka lang,” nakahinga nang maluwag na sabi ni Lola.

“Mauna na po ako. Hinatid ko lang po si Narda dahil delikadong bumyahe pa siya sa itsura niyang ʼyan,” sabi naman ni Bryan.

Napairap na lang ako sa kaniya. Minsan kasi talaga nakakainis siya kahit na may nagagawa naman siyang matino sa akin.

“Sige, mag-iingat ka pauwi,” bilin pa ni Lola kay Bryan.

Nagpaalam naman na akong maliligo na muna dahil ang dumi ko nga at may dugo pa nga sa braso ko. Nang matapos ako ay naabutan ko naman si Ding sa kwarto ko at nakatingin sa board namin kung saan nakalagay ang picture nung lalaking may malakas na kakayahan.

“May isa pang extra, Ding. Siya ang dahilan kung bakit may nangyaring lindol. Nakokontrol niya ang lupa gamit ang mga kamay niya,” sabi ko.

Gulat siyang napatingin sa akin. “Ibig sabihin, Ate... Maraming tulad nila?” tanong niya pa.

Napatitig ako sa kaniya. Posible ngang ganoʼn dahil hindi lang isa kundi dalawa na ang na-encounter ko.

“Siya nga pala, Ate. Tinuturuan na ako ni Master Klaudio na makipaglaban. Nagpapractice kami sa gubat kapag hapon,” masayang sabi niya naman sa akin.

Agad sumilay ang ngiti ko sa kaniya. Gusto niya talagang maging kagaya ko. ʼYung may lakas para makipaglaban kagaya ng tinuro ni Nanay sa akin.

“Pagbutihan mo at huwag matigas ang ulo para hindi magalit si Master Klaudio sa ʼyo,” bilin ko naman sa kaniya.

Tumango naman siya sa akin at ngumiti. Nagpaalam na siyang matutulog na kaya naman ganoʼn na rin ang ginawa ko. Pero bago ako tuluyang natulog ay naisip ko pa ang naging usapan namin nila Regina kanina.

Okay lang kaya siya? Siguro naman ay walang kahit anong dahilan sa tono niya kanina? Bahala na nga bukas. Kakausapin ko na lang siya tungkol doon.

“Good morning, Narda!” bati ni Andre sa akin pagpasok ko sa office namin.

“Good mood ka yata?” takang tanong ko sa kaniya. Natawa lang siya sa akin at napakamot pa sa ulo.

“Nandiyan na si Maʼam Regina at pinapatawag ka. Bilin niya ay papuntahin ka kapag dumating ka na,” sabi niya pa.

Nawala ang ngiti ko pero tumango na lang ako kay Andre. Nilapag ko lang ang bag ko sa upuan ko at chineck ko ang sarili ko kung maayos ba ang buhok ko at kung may dumi ba ako sa mukha.

Nang masiguro kong okay naman na ang sarili ko ay umayos na ako ng tayo at humugot ng malalim na hininga. Bakit ba ako kinakabahan? Wala naman yata akong nagawang kasalan kay Regina ʼdi ba?

“Maʼam?” pukaw ko sa atensyon niya.

Umangat ang tingin niya sa akin. Nakaupo siya ngayon at mukhang abala sa ginagawa dahil may mga papers sa table niya.

“Narda!” mabilis siyang tumayo at lumapit sa akin.

Nagtataka akong napatingin sa kaniya. Chineck niya ang braso ko at ang buong katawan ko na nga. Umikot pa nga siya para makita nang maayos ang sarili ko.

“Oh God! Buti naman at okay ka lang!” sabi niya sa akin. Bakas ang pag-aalala kanina pero ngayon ay para na siyang nakahinga nang maluwag.

“Okay naman po talaga ako, Maʼam. Anong meron?” naguguluhang tanong ko sa kaniya.

“Kahapon kasi ʼdi ba may nakalaban kayong goons? Si Javier, isa siyang extra hindi ba?” nanlalaki ang mga mata niya ngayon.

Ganito talaga siya kapag sobrang emosyon ang nailalabas niya. Napansin ko lang sa kaniya ʼyan sa tuwing titingnan ko siya kapag nagsasalita siya.

“Patay na po si Javier. Ang mga goons naman po ay namatay na rin dahil sa tulong ni Bryan. Okay naman po ako at hindi ako nasaktan. Nanganak din naman po ng maayos si Sally at nasa Ospital para mas maalagaan ang baby,” paliwanag ko naman.

Napahinga siya ng maluwag na naman. Taka pa rin akong nakatingin sa kaniya.

“Salamat naman at okay ka lang. Akala ko ay kung napaʼno ka na,” mahinang sabi niya.

Nakangiti siya sa akin ngayon at hinawakan ang kamay ko. Napatitig ako sa kamay naming magkahawak ngayon. Weird... Bakit ganito ang nararamdaman ko?

“Uhmm... Pinatawag daw ninyo ako, Maʼam?” pag-iiba ko sa usapan.

Bibitawan niya ang kamay ko. May parte sa akin na parang ayaw sa nangyaring pagbitaw niya. Hay nako, Narda!

“Yes. Gusto ko lang malaman ang nangyari kahapon. Iʼm okay now, nalaman ko na ang gusto kong malaman,” sagot niya at muling ngumiti sa akin.

Sumilay na rin ang ngiti ko dahil nakakahawa ang ngiti niya. Maging ang titig niya ay hindi maalis sa akin kaya ganoʼn din ako sa kaniya.

“Anyways, kumain ka na ba?” taas ang kilay niyang tanong.

Napahawak ako sa tiyan ko nang bigla iyong kumulo. Napaangat ang tingin ko kay Regina at sabay kaming natawa. Gutom pala ako.

“Hindi ako nakapag-almusal, nagmamadali kasi akong pumasok,” sagot ko sa nahihiyang paraan.

Lumapit siya sa table niya at may kinuha. Wallet at phone niya ang dala niya nang makalapit siya sa akin ngayon.

“Letʼs eat? Hindi pa ako kumakain at gutom na ako tulad mo,” natatawang sabi niya sa huli.

Napakamot na lang ako sa batok ko at natawa na rin. Nakakahiya naman pero gusto ko rin siyang makasabay kumain.

“You know weʼre friends, right?” tanong niya nang palabas na kami sa office niya.

Napatingin ako sa kaniya. Diretso lang ang tingin niya sa harapan. Sheʼs too powerful, sa tindig niya, sa itsura at sa pananalita. Lahat yata ay kaya niyang pasunurin sa isang salita niya lang.

“Yes, Maʼam!” sagot ko.

Bumaling siya sa akin kaya nagtama ang paningin naming dalawa. Agad kong naiiwas ang paningin ko at tinuon sa harapan na lang.

“Just call me Regina. Cut the Maʼam and cut the po, Narda. Hindi mo kailangang maging formal sa akin,” bakas pa rin ang otoridad sa sinabi niya.

Tumango na lang ako. Naramdaman ko ang pag-angkala niya sa braso ko kaya palihim akong napatingin doon. Hinayaan ko siya dahil gusto ko rin namang nakakapit ang mga kamay niya sa braso ko.

To be continued. . .

DarLentina (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon