77

891 81 24
                                    

Ang bilis pa rin ng kabog ng dibdib ko. Ang sabi ni Regina ay sa isang restaurant na lang daw namin kikitain ang Daddy niya. Balak ko pa nga sanang magbihis muna pero sabi niya ay huwag na dahil ayaw ng Daddy niya na pinaghihintay.

“Letʼs go?” tanong niya sa akin.

Tumango na lang ako. Nauna siyang sumakay sa kotse at agad din naman akong sumunod. Ngumiti si Ali sa akin kaya tipid ko na lang din siyang nginitian.

Habang nasa biyahe kami ay hindi matigil ang kabog ng dibdib ko. Bakit ganito? Kanina pa ako hindi makalma simula nung sinabi ni Regina na makikipagkita kami sa Daddy niya.

“Your phone is ringing, Narda.”

Nabalik lang ako sa huwisyo nang marinig ang sinabi ni Regina. Agad kong sinagot ang tawag nang makita kong si Ding iyon.

“Hello, Ding?” sagot ko.

[“Ate, nasaan ka?”] tanong niya. Bakas ang kaba sa tono niya.

“Kasama ko si Regina. Bakit?” tanong ko naman.

Napatingin pa ako kay Regina na nagtataka rin ngayon na nakatingin sa akin.

[“Ate, alam na namin kung nasaan si Borgo. Gumamit siya ng ibang anyo. May extra ding nanggugulo ngayon at nasisiguro kong kagagawan ni Borgo ang mga ito.”]

Sinabi ni Ding sa akin kung saang lugar may nanggugulo. Doon kami papunta ngayon para sana i-meet ang Daddy ni Regina.

“May mga  extra daw na nanggugulo ngayon. Regina, nandoon ang Daddy mo sa lugar kung saan umaatake ang mga extra,” tarantang sabi ko.

Nanlaki ang mga mata niya at inutusan si Ali na bilisan ang pagmamaneho. Kailangan ko ring makaalis agad dito para makapagpalit anyo ako.

“Nasaan na ang Darna na pinagmamalaki ninyo?” malakas na sigaw ng babaeng may umiilaw sa kamay.

Ang extrang ito ay may kakayahang pagalawin ang mga bagay gamit lamang ang liwanag sa kamay niya. Isa lang siyang simpleng bata pero kakaiba ang naidulot ng kapangyarihan niya sa kaniya.

“May kailangan akong gawin. Dito ka lang, Regina. Susubukan kong hanapin ang Daddy mo,” sabi ko.

Pinigilan niya agad ako nang akmang lalabas pa lang ako sa kotse. Bakas ang pag-aalala sa kaniya habang nakatitig sa akin.

“Hindi mo alam ang itsura ni Daddy kaya mahihirapan ka rin, Narda. Ako na lang ang lalabas,” sabi niya naman pero agad akong umiling.

“Dito ka lang. Ako na ang bahala,” sabi ko at mabilis na inalis ang pagkakahawak niya sa akin.

Tatlong extra ang nandito ngayon at nanggugulo. Isa rito ang babaeng naglalabas ng tinik sa katawan. Nakatakas pala siya?
Isang lalaking na may kakayahang maglaho ang kasama pa nila. Para siyang si Killer Ghost pero ang kaibahan lang ay nagagawa nitong maglaho na lang basta.

“Hindi talaga kayo nauubos, a!” sabi ko sa kanila.

Humarap ako sa kanila bilang Darna. Sa akin na natuon ang atensyon nila kaya nagawang umalis ng mga tao ngayon.

Aaminin kong hindi madaling labanan ang tatlong extra na ʼto. Kay Human Urchin pa lang ay nahihirapan na akong pigilan ang mga tinik niya. May invisible man pa at ang babaeng may liwanag sa kamay.

Kagagawan ito ni Human Urchin. Inudyok niyang lumabas ang mga extra at sabay-sabay na manggulo rito sa lugar namin.

“Ito ba ang pinagmamalaki ninyong tagapagligtas?” tanong ni Human Urchin.

Mabilis ko siyang sinugod habang pinipigilan ang mga tinik na lumalabas sa kaniya. Mahirap labanan ang tatlo lalo na kung nag-iisa lang ako.

“Hello, extras!”

Sabay kaming napalingon ni Human Urchin nang marinig namin ang kakaibang boses. Si Valentina ang bumungad sa akin. Ang nakakatakot niyang mata at mga ahas sa ulo niya ang nakaagaw ng pansin ko.

“Ano na, Darna? Apat kami, isa ka lang!” malakas na sabi ni Invisible man.

Hindi ko alam kung nasaan siya. Pero bigla na lang akong napaluhod dahil sa lakas ng sipa sa likuran ko. Ito ang advantages ng mga may kapangyarihan na tulad niya. Hindi ko alam kung saan siya nakapwesto at kung kailan siya aatake.

“Patayin mo si Darna!” Ilang beses kong narinig ang katagang iyon mula sa mga ahas na nasa ulo ni Valentina.

Mabilis akong umilag nang biglang sumugod ang dalawang ahas niya. Pero nagulat ako nang sa dalawang extra iyon napunta. Pinuluputan ng mga ahas ni Valentina ang babaeng may liwanag sa kamay at si Human Urchin.

“Anong ginagawa mo? Hindi kami ang kalaban mo!” sigaw ni Human Urchin kay Valentina.

Nakangisi lang si Valentina at bahagyang gumagalaw ang ulo. Muling humaba ang isang ahas sa ulo niya at nagulat na lang din ako na napuluputan nito ang isang extra pa.

Paanong nagawa niyang mahanap kung nasaan ang invisible man? Anong kapangyarihan ang mayroon siya bukod sa mga ahas na nasa ulo niya?

“Huwag mo silang papatayin, Valentina!” malakas na sabi ko.

Umangat ang tingin ni Valentina sa akin. Mabilis akong bumaba at tiningnan ang mga extra na hawak niya.

“Patayin mo na sila, Valentina!” sabi naman ng mga tao.

“Wala kang kwenta, Darna! Mas magaling pa si Valentina kaysa sa ʼyo!” sabi pa ng isang babae sa akin.

Narinig ko ang sirena ng mga pulis. Muli akong tumingin kay Valentina na ngayon ay sa akin na rin pala nakatingin at nakangisi. Nakakatakot ang itsura niya.

“Naturingan kang superhero pero wala kang nagawa,” sabi niya sa akin.

“Huwag!” pigil ko pero huli na dahil pinatay na ng mga ahas niya ang tatlong extra.

“Taas ang kamay!” rinig kong sabi ni Bryan habang nakatutok kay Valentina ang baril nila.

“Huwag ninyong sasaktan si Valentina! Niligtas niya ang mga tao rito laban sa mga extra!” sigaw ng isang lalaki.

“Oo nga! Si Valentina ang tunay na superhero!” sabi pa ng mga tao.

Hindi ako makapaniwala na si Valentina ang pinapanigan nila. Hindi dapat pinatay ni Valentina ang mga extra dahil hindi naman lahat ng extra ay masasama.

Nagtama ang paningin namin ni Valentina. May kung ano sa mga mata niya kahit na nakakatakot pa iyon kung titingnan. Hindi ko malaman kung ano pero iba ang pakiramdam ko.

Mabilis siyang nawala sa harapan ko. Gamit ang mga ahas ay nagawa niyang umalis at lumipad. Anong kapangyarihan ang mayroon ka, Valentina? Bakit ang kakayahan na mayroon ako ay parang mayroon din sa ʼyo? Sino ka ba talaga? Bakit pakiramdam ko ay kilala kita?

To be continued. . .

DarLentina (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon