74

969 73 14
                                    

Matapos ang paghaharap namin nila Noah ay hindi na ulit siya nagpakita pa sa akin. Okay na rin ʼyon dahil wala naman talaga siyang aasahan sa akin. Si Bryan naman ay madalang ko nang makausap dahil umiiwas siya. Kapag naman ako si Darna at may mga pagkakataon na nagkakasama kami ay umiiwas din ako sa kaniya na sa tingin ko ay pinagtataka niya.

“Ate, nagkausap kami ni Lolo Rolando kanina. Ang sabi niya ay pumunta ka raw sa kanila,” sabi ni Ding.

Alam kong kumikilos na si Borgo ngayon. Sa rami ng extra na nakalaban ko ay sigurado akong siya na ang susunod kong makakalaban.

“Magbibihis lang ako,” sabi ko naman at agad dumiretso sa kwarto ko.

Aaminin kong natatakot pa rin ako dahil nagtagumpay si Borgo na makuha ang stosium na kailangan niya para sa sandatang gagamitin niya para sa akin.

Pero hindi ako pwedeng magpadala sa takot ko. Hindi ko pwedeng isuko ang bato sa kaniya at hindi pwedeng magtagumpay siyang matalo ako.

“Tara, Ding!” pag-aaya ko nang lumabas na ako sa kwarto.

Agad kaming pumunta sa bahay ni Lolo Rolando. Naghihintay na silang dalawa ni Klaudio.

“Tatapatin na kita, Narda. Malaki ang posibilidad na magkaharap na kayo ni Borgo lalo na ngayon at buo na ang sandata niya,” sabi ni Lolo sa akin.

“Ang babaeng ahas. Siya ang nakakuha ng pinakamalakas na kapangyarihan galing sa berdeng kristal,” sabi naman ni Klaudio.

Ang babaeng ahas... Kailan ko siya makakaharap? Bakit sobrang ilap niya at magaling ding kikilos?

“Paano mo naman nalaman?” tanong ni Ding dito.

Napatitig ako kay Klaudio at hinihintay ang sagot niya. Paano niya nga nalaman na ang babaeng ahas ang may pinakamalakas na kapangyarihan kumpara sa ibang extra?

“Dahil anak siya ni Borgo.” Halos malaglag yata ang panga ko dahil sa gulat.

“Paano?” Hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.

“Sa bawat laban ni Valentina sa mga kriminal, malinis at walang iniiwang bakas kundi ang tuklaw ng mga ahas. Ganoʼn din si Borgo, kumikilos siya nang hindi mo namamalayan,” sabi niya pa.

“Ang berdeng kristal na napunta sa mga naunang extra ay maliliit lamang. Nagpira-piraso ang mga iyon noong may sumabog sa gubat at kumalat ito sa lungsod natin. Pero ang babaeng nakakuha ng malaking piraso nito ay nagtaglay ng pambihirang lakas,” paliwanag naman ni Lolo.

“At iyon ay si Valentina. Si Valentina ay may kakayahang pagalawin ang mga ahas na nasa ulo niya. Malakas ang kapangyarihan niya at hindi siya basta-basta. Ang babaeng tinamaan ng malaking parte ng kristal ay isang ordinaryong babae lamang din na naging extra,” sabi naman ni Klaudio.

“Ang ibig mong sabihin ay kasing lakas ko ba si Valentina?” takang tanong ko.

“Mas malakas ka pa rin sa kaniya, protektor. Pero kung magsasanib pwersa si Borgo at Valentina, nasisiguro kong hindi ka magtatagumpay,” sabi naman ni Klaudio.

Napatitig lang ako sa kaniya. Kailangan kong matalo si Valentina kung ganoʼn. Hindi pwedeng hayaan kong magsanib pa sila ni Borgo at kalabanin ako kung ganito ang sinasabi ni Klaudio. Malaki ang posibilidad na matalo nga ako kung mangyayari man iyon.

“Kagaya mo ay isang normal na tao rin ang babaeng ahas kapag hindi ito nagtatransform. Ang kaibahan lang ninyo ay iisa ka lang pero siya ay magkaibang nilalang,” sabi pa ni Klaudio.

Nangunot ang noo ko sa pagtataka. Anong ibig niyang sabihin?

“Kontrolado ng berdeng kristal ang katawan ng tinamaan nito. Sa oras na magtransform ang ordinaryong taong iyon bilang babaeng ahas ay hindi niya na alam kung anong ginagawa niya. Sa madaling salita, ang babaeng ahas ay nasa loob lamang ng babaeng tinamaan ng berdeng kristal,” paliwanag naman ni Lolo.

“Pwede po bang maalis iyon?” tanong naman ni Ding.

Nagkatinginan si Lolo Rolando at Klaudio at para bang nag-uusap sila gamit lamang ang tingin.

“Hindi na maaalis si Valentina sa katawan ng napasukan nito. Pero may kakayahang kontrolin ng babaeng iyon si Valentina,” sagot ni Lolo.

“Dahil mas malakas pa rin ang babaeng tinamaan ng berdeng kristal. May kakayahan siyang pigilan na lumabas si Valentina. May kakayahan siyang kontrolin si Valentina,” dagdag ni Klaudio.

Nagkatinginan naman kami ni Ding. Medyo naguguluhan ako pero naiintindihan ko naman ang sinasabi nila. Siguro magulo lang sa ngayon dahil hindi ko pa rin kilala kung sino ang nasa likod ni Valentina.

“Kung gusto mong makaharap ang babaeng ahas, kailangan mong malaman kung kailan siya umaatake,” sabi pa ni Lolo Rolando.

Iyon nga ang mahirap alamin, e. Hindi ko mabasa ang bawat kilos ni Valentina. Sobrang bilis niyang kikilos at mababalitaan ko na lang na may napatay na pala siya.

“Paano kung gawin ulit natin ang ginawa ni Klaudio noong muntik nang malaman ni Ishna na ikaw ang protektor?” sabi naman ni Ding.

“Magpapanggap ulit na Narda si Klaudio?” tanong ni Lolo na agad tinanguan ni Ding.

“Kailangan nating maglagay ng bitag. Kunyari ay nasa panganib si Ate. Kailangan mapalabas natin ang babaeng ahas. At kapag nangyari ʼyon ay saka susugod si Ate bilang Darna,” paliwanag ni Ding.

Napaisip ako sa sinabi niya. Paano naman kung hindi lumabas si Valentina? Matalino si Valentina at mahirap siyang mahuli.

“Hindi basta-basta ang gusto mong mangyari, Ding. Ang kailangan na lang talagang gawin ay maging handa sa lahat ng oras dahil malaki ang posibilidad na dumating na si Borgo,” sabi naman ni Lolo.

Iyon ang laman ng isip ko sa mga araw na lumipas pa. Hindi ako pinatahimik ng mga isipin na iyon. Nagiging paranoid na rin ako at kapag may konting kaluskos lang ay agad akong nagugulat at handang makipaglaban agad.

“Narda, these past few days ay wala ka sa sarili mo. Are you okay?” tanong ni Regina sa akin.

Nandito ako ngayon sa office niya para sana makakalma ako kahit papaano. Kapag nandito ako alam kong safe ako.

“Iniisip ko lang ang mga extra na nagsilabasan nitong nakaraan, pati na rin si Valentina,” sabi ko sa kaniya.

Tumabi siya sa akin at tiningnan ako. Malalim ang naging paghinga ko at saka siya binalingan. Tipid akong ngumiti sa kaniya.

“Natalo naman ang mga extra na ʼyon. Nakakulong naman na sila sa ginawang foundation ni Mayor,” sabi niya na bakas ang inis dahil nabanggit si Mayor.

“Pero si Valentina hindi pa siya nahuhuli. Pumapatay siya, at marami pa siyang mapapatay kung hindi siya mahuhuli,” sabi ko naman.

Umayos ng upo si Regina. “Valentina... She did the right thing naman. Pinapatay niya ay mga kriminal,” sagot niya.

Gulat akong napatingin sa kaniya. Totoo ba ang naririnig ko ngayon? Si Regina na isang abogado at naniniwalang batas lang ang may karapatan sa buhay ng mga tao ay sinasabi na okay lang patayin ni Valentina ang mga kriminal?

Parang hindi naman yata ganito ang pagkakakilala ko sa kaniya. Bakit parang nag-iba yata ang pananaw niya?

To be continued. . .

DarLentina (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon