36

1.6K 125 53
                                    

Sinabi ko kay Regina ang nangyari kay Bryan. Nabalita na rin naman iyon sa TV kaya naman hindi na siya magtataka kung paano ko nalaman. Hindi ko naman pwedeng sabihin sa kaniya na ako si Darna dahil ayaw ni Regina kay Darna.

Masakit man pero iyon ang totoo. Ayaw niya kay Darna pero gusto niya ako bilang Narda. Hindi ko pa kayang sabihin sa kaniya kung sino talaga ako kaya kailangan kong ilihim muna.

“Kasalanan talaga si Mayor ʼto, e!” galit na namang sabi niya.

Hindi na kami kumibo ni Ali. Nang makarating sa Ospital ay agad din naman kaming pumasok para makibalita sa nangyari. Naabutan pa namin ang ibang EMTs na nandito at ang ibang pulis na malapit kay Bryan.

Nakaakbay ako kay Regina ngayon habang hinihintay namin ang doctor para malaman ang lagay ni Bryan.

“Okay na si Bryan, kailangan niya na lang magpahinga muna,” sabi nung isang pulis na Ninong ni Bryan.

Pinaupo ko muna si Regina at pinakalma dahil nakikita kong parang marami siyang iniisip at bakas din naman iyon sa mukha niya. Salubong na salubong nga ang kilay niya ngayon at medyo mabilis din ang paghinga niya.

“Nandiyan si Mayor!” rinig kong sabi ng ibang kasamahan ko.

Napatayo kami agad nang makita nga namin si Mayor na papunta rito at may mga reporters pang kasama.

Sinasabi niya sa mga ito ang pagiging bayani raw ni Bryan dahil nagawa nitong patayin ang mailap na extra.

“Regina!” banggit nito sa pangalan ni Regina na may halo pang kaunting tuwa.

Napahawak ako sa kamay ni Regina. Alam kong grabeng emosyon na naman ang nararamdaman niya ngayon dahil kaharap niya si Mayor.

“Pati ba naman dito, Mayor?” sarcastic na tanong ni Regina.

May mga reporters kaya naman lahat ng nangyayari ay nakarecord ngayon.

“Gusto ko lang dalawin ang isa sa pinakamagaling na pulis sa lungsod natin, Regina.” Naiinis ako sa ngiti ni Mayor. Halata namang nang-aasar siya.

“Pwede ba, Mayor? Talagang hindi mo na pinalampas pati ang nangyaring ʼto ʼno? Nakaratay ngayon ang kaibigan namin tapos isinasali mo pa rin sa pangungumpanya mo?!”

Humigpit ang hawak ko sa kamay ni Regina. Dapat umalis na si Mayor dito. Hindi magandang nagkakasama sila ni Regina sa iisang lugar.

“Regina, gusto ko lang namang dalawin si Bryan. Para ko na rin siyang anak, gusto kong malaman kung maayos ba ang lagay niya,” sabi ni Mayor.

Talaga namang nananadya ang Mayor na ʼto, e. Nagkunyari pa siyang naiiyak para makita sa camera at ano? Para kaawaan siya ng mga tao at magmukhang si Regina ang masama?

“Wow!” pagak na natawa naman si Regina.

“Kung hindi gusto ni Regina na nandito ako... Sige, ako na lang ang aalis, babalik na lamang ako kapag alam kong wala na siya rito para wala na siyang masabi sa akin,” malungkot pa kunyaring sabi ni Mayor.

Makakasapak ako ng mas matanda sa akin kahit na tinuruan ako ni Nanay na gumalang. Nakakainsulto masyado ang inaakto ni Mayor.

“Mayor? Mayor, ano pong masasabi ninyo sa ginawa ni Regina?” tanong ng isang reporter.

Masamang-masama na ang tingin ko kay Mayor ngayon. Naiinis ako sa ginagawa niya, masyadong siyang paawa sa harap ng camera.

“Mataas ang respeto ko kay Regina. Ayaw kong magsalita ng kahit ano sa kaniya. Kayo na lamang ang bahalang magsalita para sa akin,” sabi niya pa at tuluyang umalis na.

Pati yata ako ay nakakaramdam na ng galit ngayon dahil sa ginawa ni Mayor. Halata namang ginawa niya lahat ng iyon para magmukhang masama si Regina.

“Cr lang kami, Ali. Excuse us!” paalam ko sa kanila at hinatak si Regina papunta sa cr.

Wala namang reklamo o imik si Regina. Nang makarating sa cr ay sinara ko iyon at hinarap si Regina. Mabilis ang paghinga niya dala nang galit kay Mayor.

“Nakakainis talaga ang Mayor na ʼyon!” gigil niyang sabi.

Hinawakan ko ang mukha niya gamit ang dalawang kamay ko. Salubong na salubong ang kilay niya ngayon at pilit niyang kinakalma ang sarili niya.

“Kahit naman ako ay nainis sa kaniya,” pag-amin ko na.

“Sobrang nakakainis naman kasi talaga siya. Nakita mo ba kung paano siya magpaawa kanina? Sobrang sarap niyang sigawan!” mariing sabi niya.

Pinatakan ko siya ng halik sa labi para mapakalma. “Oo nakita ko. Kung pwede lang ngang ako na ang sumigaw para sa ʼyo ay baka ginawa ko na. Pero may respeto pa rin ako sa kaniya dahil mayor natin siya,” mahinahong sabi ko naman.

“Lahat na lang kasi ay gagawin niya para lang bumango ang pangalan niya,” muling sabi niya kaya muli ko lang din siyang hinalikan.

“Kalma ka na. Wala naman na tayong magagawa roʼn. At saka gusto rin ni Bryan na mapasali sa task force dahil gusto niyang tumulong sa mga tao,” pagpapaintindi kong sabi.

Napabuntong hininga naman si Regina at siya naman ngayon ang humalik sa akin. Nakadikit lang iyon sa labi ko pero tumagal din ng ilang segundo.

“Halika na nga, baka hinahanap na nila tayo.” Hinawakan niya na ang kamay ko para makalabas na kami.

“Kalmado ka na ba?” tanong ko naman.

Ngumiti siya sa akin at tumango. “Medyo, sa office mo na lang ako pakalmahin mamaya,” sabi niya at tumingin sa labi ko.

Sabay kaming natawa. Nasa labas pa rin ang ibang EMTs at pulis. Nakatingin nga sila sa amin nang pabalik na kami sa pwesto nila.

“Anong balita kay Bryan?” tanong ni Regina.

“Okay naman daw po, Maʼam. Pahinga na lang talaga ang kailangan niya, ilang araw siguro siyang hindi makakapasok muna,” sagot ni Andre.

Nakahinga naman ako ng maluwag nang malamang ayos lang si Bryan. Baka sisihin ko pa kasi ang sarili ko kung may ibang nangyari sa kaniya. Hindi ko agad siya natulungan dahil late akong nakarating bilang Darna.

“Maʼam Regina, parang hindi yata pantay ang lipstick ninyo,” sabi nung isang EMT.

Napakagat ako sa labi ko dahil doon. Feeling ko ay nasa labi ko ang ibang lipstick ni Regina dahil medyo lumabo nga ang bandang gitna ng labi niya kumpara sa ibang parte nito.

“Ah, baka dahil sa paghilamos ko. Naghilamos kasi ako kanina sa cr para makalma ang pakiramdam ko,” sagot niya at pekeng ngumiti rito.

Pigil naman ang tawa ko habang nakakagat pa rin sa labi ko. Mabango ang lipstick ni Regina kaya nakakaadik din talaga. Sobrang nakakaadik.

To be continued. . .

DarLentina (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon