56

1.2K 102 27
                                    

Pagkarating namin ni Noah sa building kung saan kami nagtatrabaho ay agad naman na akong bumaba. Sakto naman ding kadarating lang ni Regina at Ali.

Tumaas agad ang kilay niya sa akin nang makita na galing ako sa kotse ni Noah.

“Narda... Noah...” May kung ano sa tono niya. “Magkasama pala kayo,” dagdag niya pa.

Naiiwas ko ang tingin ko kay Regina. Napansin ko namang nakangiti si Noah at tumango kay Regina.

“Sinundo ko sila ni Ding at hinatid,” sagot ni Noah.

Ilang beses akong napakurap at hindi magawang salubungin ang tingin ni Regina.

“Ang bait mo namang kaibigan, Noah. Nag-abala ka pa talagang sunduin at ihatid sina Narda,” muling sabi ni Regina gamit ang tono niyang hindi ko pa malaman kung sarcastic ba o ano.

“Actually, Iʼm not doing this just because weʼre friends. Nililigawan ko si Narda,” diretsong sagot ni Noah.

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Napatingin ako kay Regina na masama na ang timpla ng mukha ngayon.

“Great! Goodluck sa panliligaw mo, Noah!” sabi pa ni Regina at basta na lang tumalikod pagkatapos.

Mariin kong naipikit ang mata ko dahil sa nangyari. Umayos lang ako nang marinig ko si Noah na tinawag ako.

“Mauna na ako sa loob, Noah. Salamat sa paghatid,” paalam ko sa kaniya.

“See you again, Narda!” malakas niyang sabi dahil mabilis na akong nakalayo sa kaniya.

Ang isip ko ay okupado ni Regina ngayon. Sigurado akong nagtatampo o galit siya sa akin dahil sa sinabi ni Noah. Mukhang kailangan ko na namang manuyo nito ngayon.

“Tawag ka ni Regina,” bungad ni Ali sa akin pagkalapag ko pa lang ng bag ko.

Tumango lang ako sa kaniya. Ilang beses kong kinalma ang sarili ko at saka lang ako sumunod kay Ali papunta sa office ni Regina. Pinagbuksan pa ako ni Ali ng pinto at nang makapasok ako ay agad niya ring isinara iyon. Kami na lang ni Regina ang nandito ngayon sa office.

“Regina...” usal ko sa pangalan niya.

May hawak na agad siyang baso na may wine. Hindi niya ako tiningnan man lang at basta na lang uminom sa basong hawak.

“So Noah is courting you, Narda?” taas ang kilay niyang tanong sa akin.

Ilang beses akong napalunok. “Hindi... Hindi ko alam na nanliligaw siya, Regina.”

Wala namang nasabi sa akin si Noah. At kung nanliligaw man nga siya ay patitigilin ko na agad dahil hindi na pwede. Ayaw ko rin naman.

“You didnʼt know?” Hindi makapaniwalang tanong niya sa akin.

“Hindi. Wala siyang sinabi sa akin na nanliligaw na pala siya,” sagot ko naman.

Tinalikuran niya ako. Napabuntong hininga na lang ako at lumapit sa kaniya. Niyakap ko siya mula sa likuran.

“Narda, action speaks louder than words. Nahahalata mo naman siguro ang mga kilos ni Noah?” tanong niya ulit sa akin.

Naalala ko ang pagbibigay ni Noah sa akin ng regalo. Hindi ko alam na may ibig sabihin pala ang mga iyon.

“Hindi ko talaga alam, Regina. Hayaan mo kakausapin ko si Noah at patitigilin siya sa panliligaw,” sabi ko naman.

Inalis niya ang kamay kong nakayakap sa kaniya. Humarap siya sa akin at nanatiling blanko lang ang tingin.

“Nahihirapan ka ba sa sitwasyon natin?” tanong niya.

Nangunot ang noo ko. “Huh? Hindi. Bakit mo naman natanong ʼyan?”

Nagpakawala siya ng isang malalim na hininga.

“Narda, alam kong hindi madaling magkaroon ng karelasyon na babae rin. Naiintindihan ko naman kung hindi mo kayang ipakita sa lahat kung ano tayo,” sabi niya pa.

Napatitig lang ako sa kaniya. Tinungga niya ang wine na para bang tubig lang iyon. Nilapag niya sa table ang baso at muling tumingin sa akin.

“Narda, willing akong sabihin sa lahat kung anong meron tayo pero iniisip ko rin naman kung anong nararamdaman mo. Iniisip ko rin naman kung okay lang ba sa ʼyo o mas gusto mong ganito na lang, para tayong nagtatago,” dagdag niya pa.

“Regina, alam naman nila Lola at ng kaibigan ko kung anong meron tayo. Hindi naman natin kailangang ipaalam sa lahat kung anong meron sa atin. Alam mo namang hindi lahat parehas ng pag-iisip nila Lola. Hindi lahat ay matatanggap tayo,” pagpapaintindi ko naman.

Iniwas niya ang tingin sa akin. “I know. But I want us to be free, Narda. Hindi ʼyung nagagawa lang nating maging sweet kapag tayong dalawa lang. Para tayong may limitations kapag nasa labas na ng office ko,” sabi niya pa.

Napabuntong hininga na lang ako. “Regina, okay nang ganito na lang. Mas maraming may alam, mas maraming makikielam. Iyon ang ayaw ko, mas masaya naman tayo sa ganito lang ʼdi ba? Okay naman tayo na ganito lang,” sabi ko.

Sinubukan ko siyang yakapin. Hindi naman siya pumalag kaya niyakap ko siya ng mahigpit.

“Yeah right. Okay nang ganito na nga lang, patago-tago at hindi man lang maipakita ang totoong nararamdaman kapag nasa labas na ng office,” may tampo pa ring sabi niya.

Hinawakan ko siya sa magkabilang pisngi para matuon ang tingin niya sa akin. Blanko pa rin kasi ang mga tingin niya.

“Hindi tayo nagtatago. Kaya nating maging sweet kahit pa nasa harap ng maraming tao, Regina. Iisipin lang nila na magkaibigan tayo,” sabi ko habang nakatitig sa kaniya.

“Kung hahalikan ba kita sa harapan ng maraming tao, iisipin pa rin ba nilang magkaibigan lang tayo?” taas ang isang kilay niyang tanong sa akin.

“Ano bang gusto mo?” seryosong tanong ko.

“Gusto kong maging proud ka sa akin—sa relasyon natin, Narda. Ipaalam mo sa mga taong umaaligid sa ʼyo na may girlfriend ka at ako ʼyon!” tumaas ang tono niyang sabi.

Binitawan ko ang mukha niya at napaiwas ako ng tingin sa kaniya. Pag-aawayan pa ba talaga namin ang bagay na ʼto?

“Hindi mo ba naiintindihan, Regina? Hindi nga lahat ng tao ay parehas ng ugali ng mga taong nakaintindi sa kung anong meron tayo. Ayaw ko lang na may masabi sila sa ʼyo o sa atin.”

Tinalikuran niya ako ulit at kinuha ang baso para magsalin ng panibagong wine. Tigas din ng ulo nito, e. Binawalan ko na siya na mag-inom kapag umaga pero hindi naman nakikinig.

“Iwanan mo muna ako, Narda. Baka kung ano lang ang masabi ko ngayon,” mahinang sabi niya.

Nagpakawala ako muli ng isang malalim na hininga. Nakatingin lang ako sa kaniya pero nanatili siyang nakatalikod lang kaya wala akong nagawa kundi ang umalis na nga lang.

To be continued. . .

DarLentina (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon