Ipinikit ko ang mga mata ko. Inalala ang mga sandaling magkasama kami ni Regina. Ang mga tawa, ngiti at magandang mata niya ang pumasok sa isip ko. Gusto kong makita ang maamong mukha niya.
“Valentina, anong ginagawa mo?” rinig kong tanong ni Borgo.
Naramdaman ko ang pagbagsak ko sa lupa. Nang idilat ko na ang mga mata ko ay nakita ko ang mga ahas ni Valentina na nakapulupot na kay Borgo at Ishna.
“General, anong ibig sabihin nito?” tanong ni Ishna na pilit kumakawala kay Valentina.
Mabilis akong tumayo at tumingin sa dalawa. Napuruhan si Klaudio at si Valentina naman ay nakangisi habang nakatingin kina Borgo at Ishna.
“Ano pang tinatanga mo, Darna? Tapusin na natin ang laban na ʼto!” malakas na sabi ni Valentina sa akin.
Agad akong sumugod kay Borgo at binigay ang buong lakas ko para tapusin siya. Ang mga ahas ni Valentina ang tumapos kay Ishna.
“Tapos na ang maliligayang araw mo, Borgo!” sigaw ko sa kaniya.
Naalala ko si Nanay. Ang ginawang sakripisyo niya noon para iligtas ang buong mundo laban kay Borgo. Lahat ng galit ko ay binuhos ko kay Borgo.
Nagpalit anyo siya bilang ama ni Regina. Mabilis akong napabaling sa gawi ni Valentina at nakita kong nakatitig siya ngayon sa amin.
“Galit ang kumokontrol kay Valentina. Ano na lang ang mararamdaman niya ngayon sa nakikita niya? Sinasaktan ng protektor ang Daddy niya...” nakangising sabi ni Borgo sa akin.
Muli ko siyang pinagsasapak. Isang malakas na suntok sana ang ibibigay ko sa kaniya nang pigilan ako ng ahas ni Valentina. Nakapulupot sa kamay ko ang isang ahas niya.
“Ikaw ang matatapos, Darna...” mahinang sabi pa ni Borgo sa akin.
Inilayo ako ni Valentina kay Borgo. Nakontrol na naman ba siya ni Borgo? Pero pinatay niya na si Ishna kanina, bakit ganito na naman?
“Regina, hindi siya ang Daddy mo. Ginagamit lang ni Borgo ang itsura ng Daddy mo para makontrol ka niya,” sabi ko.
Gusto kong matauhan si Regina. Hindi pwedeng magpalamon siya sa galit dahil nagagawa siyang kontrolin ni Borgo kapag ganoʼn. Nagagawang makontrol ni Valentina ang katawan ni Regina kapag sobra ang galit na nararamdaman nito.
“Regina, hindi siya ang Daddy mo!” sigaw rin ni Bryan.
Nawala sa loob ko na nandito rin pala sila. Masyado akong nakatuon kay Borgo at Valentina kaya hindi ko na namalayan na nandito rin pala ang mga taong mahalaga sa akin.
Nalaman na nila ang sikreto ko.
“Valentina, my daughter... Patayin mo na ang protektor nang sa ganoʼn ay makuha na natin ang bato sa kaniya,” utos ni Borgo rito.
Lumapit si Valentina kay Borgo. Nagsimula na namang mamuo ang luha sa mga mata ko.
“Nasaan ang baril na tatapos sa buhay niya?” tanong ni Valentina pero sa akin siya nakatingin.
May biglang lumabas na kung ano sa kamay ni Borgo. Iyon ang baril na ginamit noon kay Nanay kaya biglang naglaho si Nanay na parang abo. Sa oras na tamaan ako ng baril na ʼyon ay mawawala rin ako na parang nauupos na bagay.
Regina... Kontrolin mo ang sarili mo please.
“Ibigay mo na ang bato nang sa ganoʼn ay wala nang madamay pa!” sabi ni Borgo sa akin.
Inabot niya kay Valentina ang baril. Nanatili ang titig ni Valentina sa akin.
“Ibigay ko man o hindi ang bato ay marami pa ring madadamay. Hindi ako tanga, Borgo. Hinding-hindi mo makukuha ang bato sa akin!”
Kung mamamatay ako, sisiguraduhin ko munang mauuna si Borgo. Handa akong mamatay mula sa kamay ni Valentina, pero hindi ako papayag na si Borgo ang tatapos sa buhay ko.
“Kung ganoʼn, magpaalam ka na dahil ito na ang huling araw mo sa mundong ito, Darna!”
Sumilay ang ngisi sa labi ni Valentina. Sa kaniya nakatuon ang atensyon ko dahil siya ang may hawak nung baril.
“Iyon ang akala mo,” nakangising sabi ko rin.
Nagtaka siya sa sinabi ko. Mabilis akong sumugod at binigay ang isang malakas na suntok sa kaniya. Kasabay noʼn ay ang pagbaril ni Valentina sa tiyan ni Borgo. Hindi makapaniwala si Borgo na ganoʼn ang mangyayari. Imbes na sa akin ibaril ni Valentina ay kay Borgo niya iyon ginamit.
“Hindi kailan man mananaig ang kasamaan, Borgo.”
Unti-unting naglaho si Borgo kagaya ng nangyari noon kay Nanay. Hindi man tinablan ng ordinaryong baril si Borgo, wala naman siyang takas sa baril na nagmula mismo sa mundo nila.
Nang masigurong wala na si Borgo ay bumaling na ako kay Valentina. Nanatili lang siyang nakatayo at nakatingin sa akin.
“NARDA!”
Mabilis kong nailuwa ang bato at nagpalit anyo ako. Bumalik ako sa anyo na naka-off shoulder dress. Ito ang suot ko dahil monthsary namin ni Regina.
“Regina... 6th monthsary natin ngayon,” mahinang sabi ko sa kaniya.
Hindi pa rin nagbabago ang anyo niya. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya habang nakatitig pa rin sa mga mata niya.
“Valentina, patayin mo siya!” rinig kong sabi ng kung sino.
Nagsasalita ang mga ahas sa ulo niya. Ito rin ang nagbibigay ng dahilan para gumawa ng mali si Valentina.
“Manahimik kayo!” sabi ni Regina.
“Hindi mo naman mahal si Narda, ʼdi ba? Patayin mo na siya, Valentina...”
“Patayin mo siya...”
“Ikaw si Valentina. Kalaban mo siya kaya patayin mo na siya...”
“Valentina, huwag kang makikinig sa sinasabi nila.” Hinawakan ko ang kamay niya nang tuluyan na akong makalapit sa kaniya.
Napatitig siya sa kamay naming dalawa. Sobrang kaba ang nararamdaman ko ngayon pero alam ko sa sarili ko na si Regina ang nasa loob ni Valentina ngayon kaya kailangan kong gawin ito.
“Ikaw si Valentina... May kapangyarihan ka at kayang-kaya mo na siyang patayin ngayon...”
Kung pwede ko lang hatakin ang mga ahas na ʼto ay baka ginawa ko na. Masyado silang madaldal at sulsol kay Valentina.
“Anim na buwan na tayo ngayon, Regina. Honey... Please tama na ʼto. Bumalik ka na sa akin,” malambing na sabi ko sa kaniya.
“Huwag kang makinig sa kaniya! Patayin mo na siya!”
“Manahimik kayo!” sigaw ni Valentina.
Wala na akong ibang alam na pwedeng gawin para bumalik si Regina. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at hinayaan ang sarili ko na maramdaman ang labi ni Valentina sa labi ko.
Tumulo ang luha ko dahil ramdam na ramdam ko pa rin na siya si Regina. Siguro nga ay itsura lang ang nagbago sa kaniya pero siya pa rin ang babaeng mahal ko. Alam kong babalik pa rin siya sa dati.
Alam kong makokontrol niya si Valentina. Malakas si Regina, kung galit ang gamit ni Valentina... Pagmamahal naman ang gagamitin ko para maibalik si Regina.
To be continued. . .
BINABASA MO ANG
DarLentina (COMPLETED)
FanfictionGxG STORY All Rights Reserved© COMPLETED✔️ Started: September 10, 2022 Ended: October 22, 2022 [ THIS IS JUST A FAN FICTION OF NARDA (DARNA) AND REGINA (VALENTINA) FROM MARS RAVELOʼS DARNA. ] "Ganito na lang. Sa tuwing maaalala mo ang babaeng ahas...