79

1.1K 91 56
                                    

Six monthsary namin ngayon ni Regina. Nagleave ako para sa araw na ʼto kasi gusto kong ibigay ang buong oras ko kay Regina.

“Ang ganda ganda mo naman, Ate!” puri ni Ding sa akin.

Nakasuot ako ng white off-shoulder dress na hanggang tuhod ang haba. Nakalugay rin ang buhok ko ay nakaipit ang bandang itaas. Ang bangs kong iilang piraso ay nakaayos naman. Nagdala ako ng maliit na bag kung saan nakalagay ang bato at iba pang gamit ko.

“Pinaghandaan talaga ng Ate mo ang araw na ito,” sabi naman ni Lola.

Ngumiti lang ako sa kanila. Totoo namang pinaghandaan ko ito. May regalo nga ako kay Regina ngayon at nasa bag ko na iyon.

“Mauna na po ako, Lola. Ding, ikaw na bahalang magbantay kay Lola,” bilin ko naman.

Humalik na ako sa pisngi ni Lola at mahigpit siyang niyakap. Ganoʼn din ang ginawa ko kay Ding. Hindi ko alam pero ang bigat ng pakiramdam ko ngayon.

“Para namang hindi ka na uuwi niyan, Ate. Baka naman magtanan na kayo ni Ate Regina kaya ganiyan ka makayakap sa amin,” birong sabi pa ni Ding.

Natawa na lang ako at napailing. Hindi pa rin nawawala ang bigat ng pakiramdam ko. Ganito ang pakiramdam ko kahapon noong nakita ko ang Daddy ni Regina.

“Mag-iingat ka, apo. Maghihintay kami sa ʼyo,” nakangiting sabi naman ni Lola.

Mabibigat ang bawat hakbang ko palabas ng pintuan. Parang ayaw kong umalis ngayon at gusto ko na lang na makasama sila Lola.

Tuluyan na akong umalis. Hindi pa man ako nakakalayo ay may tumawag na agad sa phone ko kaya agad ko iyong sinagot.

“Hello, Ali?”

[“Narda, si Regina kasi...”] Hindi niya tinapos ang sasabihin niya. Hindi ko alam kung anong nangyari kay Regina dahil agad ding naputol ang linya.

“Ate!” pagtawag ni Ding sa akin.

Mabilis akong bumalik sa amin. Agad pinakita ni Ding sa akin ang mga nangyayari sa bayan. Si Valentina ay umaatake at pinapatay ang mga inosenteng tao. Hindi lang iyon, may kasama siya at mukhang ito na si Borgo.

“Kailangan kong pumunta sa lugar na ʼyan,” sabi ko at kinuha ang bato sa bag ko.

“Delikado ang mga makakalaban mo, Narda. Mag-iingat ka, Apo.”

Tumango lang ako kay Lola. Mabilis akong pumasok sa kwarto ko para makapagpalit anyo. Wala akong sinayang na oras at agad akong lumipad papunta roʼn.

Bakit biglang naging ganito si Valentina? Mga kriminal lang ang pinapatay niya pero ngayon ay pati mga inosenteng tao ay dinadamay niya na. At kasama niya na si Borgo. Alam ko ang itsura ni Borgo kapag hindi siya gumagaya ng ibang mukha. Nakita ko iyon sa drawing ni Tatay noon.

Nang makarating ako roʼn ay nagharap kami ni Valentina. Tinanong ko siya kung bakit niya iyon ginagawa pero ang sabi niya lang sa akin ay wala akong pakielam.

“Regina, itigil mo na ʼto!” sigaw ng pamilyar na boses.

Boses ni Ali... Bakit si Regina ang binanggit niyang pangalan? Anong ibig sabihin nito?

“Hindi ako si Regina. Sinabi ko na sa ʼyo na ako si Valentina!” galit na sigaw ni Valentina.

Pinuluputan niya ng ahas si Ali. Hindi ako makakilos at nakatitig lang ako sa kaniya. Paanong naging si Regina at Valentina ay iisa?

“Regina...” mahinang sabi ko sa pangalan niya.

Bumaling siya sa akin habang matalim ang tingin. Hindi siya si Regina. Hindi kayang gawin ni Regina ang lahat ng ito.

DarLentina (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon