42

1.8K 123 29
                                    

Sa trabaho na ang diretso ko. Nagsabi naman na ako kay Lola at naiintindihan naman daw niya. Mamaya ay uuwi naman na ako sa amin para ipaliwanag kay Lola ang meron sa amin ni Regina.

“Ang blooming naman yata ng Narda na ʼyan!” pang-aasar na naman ni Andre sa akin.

“Sira!” natatawang sabi ko naman.

Makikipag-asaran pa sana ako sa kaniya kaso ay may tumawag naman sa akin. Nagpaalam akong sasagutin muna iyon.

“Hello, Bryan?” pagsagot ko sa tawag.

Kay Darna siya tumawag kaya bahagya kong pinalaki ang boses ko.

[“Darna! May bago na namang extra!”] sabi niya.

Nakaramdam ako ng kaba. Kailangan ko na bang pumunta kung nasaan siya?

“Pupunta ako. Nasaan siya?” Nanlalaki ang mga mata ko ngayon. Bakit hindi nauubos ang mga extrang ʼyon?

[“Ah hindi na. Nabalitaan pa lang namin na may extra ulit. Hindi ko pa alam kung saan siya makikita.”]

Ilang segundo akong hindi nakasagot agad sa kaniya.

“Sige. Sabihan mo ako kapag may balita na ulit sa kaniya.” Pinatay ko na ang tawag pagkatapos noʼn.

Binalik ko sa bulsa ko ang cellphone ko. Natigilan ako nang may mapagtanto ako. Mabilis kong kinapa ang bulsa ko pero wala roʼn ang bato.

“Nasaan na ʼyon?!” tanong ko sa sarili ko at hindi na ako mapakali ngayon.

Naiwan kaya sa condo ni Regina? Nilabhan ni Regina ang damit ko, nakita niya kaya ang bato?

Mabilis akong tumakbo papunta sa office ni Regina. Kailangan kong makuha ang bato, hindi pwedeng mawala iyon sa akin.

“R-Regina...”

Nanlalaki ang mga mata ko habang nakatitig sa hawak niya. Puno ng pagtataka ang itsura niya habang tinitingnan iyon.

“Yes, honey?” tanong niya sa akin.

Dahan-dahan akong lumapit. Grabe ang kabang nararamdaman ko ngayon at hindi ko alam kung kaya ko bang magsalita nang maayos. Pakiramdam ko kasi ay mauutal na naman ako habang sinasabi ang gusto kong sabihin.

“Nakita ko ʼto sa bulsa ng pants mo, Narda. Ano ʼto?” tanong niya na may pagtataka pa rin sa boses.

Umawang lang ang bibig ko pero walang lumabas na salita mula rito. Napatingin lang siya sa akin at naghihintay ng sagot.

“Narda, ano ʼto?” tanong niya ulit.

Sasagot na sana ako nang bigla namang tumawag si Ding sa akin.

[“Ate, may iba akong naramdaman tungkol sa bato. May nangyari ba?”] nag-aalalang tanong niya.

Nagtaka ako kung paanong nalaman niya o naramdaman niya ang nangyayari. Pero naalala ko na sa malawak na gubat noong nakalaban namin si Master Klaudio nailaglag ko rin ang bato at hindi alam kung saan pero nakita pa rin iyon ni Ding.

Hindi kaya may kaugnayan din si Ding sa bato? Magkapatid kami at hindi malabong may kakayahan nga rin siyang mahanap ang bato kung nasaan man ito.

“Ah ano kasi... Ding, nadala ko pala ʼyung collection mo. Nasa bulsa ko at nakita raw ni Regina...” pinilit kong ayusin ang tono ko.

[“ Ano? Nakita niya ang bato, Ate?!”] malakas na tanong niya kaya bahagya akong napapikit.

“Pasensya na, hindi ko naibigay agad sa ʼyo kagabi. Ibabalik ko na lang sa ʼyo mamaya kapag nakauwi na ako. Kukunin ko kay Regina,” sabi ko pa.

Sana lang ay naiintindihan ni Ding ang sinasabi ko. Kailangan kong magpalusot kay Regina ngayon. Hindi niya pwedeng malaman ang kung anong meron sa batong hawak niya.

“Sige, Ding. Mamaya ibibigay ko agad sa ʼyo ʼyung batong umiilaw na collection mo. Pasensya na talaga hindi ko sinasadyang madala,” dagdag na sabi ko pa.

Dahan-dahan kong inalis ang phone ko sa tapat ng tainga ko at pinatay iyon. Napatingin ako kay Regina na nakatitig pa rin sa akin ngayon.

“Kay Ding pala ʼto?” tanong niya. Tumango lang ako. “Ang ganda naman ng bato na ʼto. Pero hindi ko gusto ang pangalang nakaukit dito,” dagdag niya pa.

Mabilis na akong lumapit. “Mahilig kasi si Ding mangolekta ng mga ganiyan. Ibaʼt-ibang klase ng bato tapos pinapaukitan niya ganoʼn,” sagot ko naman.

Sana lang ay maniwala siya sa sinasabi ko. Wala na akong ibang maisip pa na pwedeng idahilan sa kaniya.

Inabot niya sa akin ang bato kaya agad ko ʼyong kinuha at nilagay ulit sa bulsa ko. Nakatitig pa rin siya sa akin kaya pinilit kong ikalma ang sarili ko.

“I guess heʼs a fan of Darna?” tanong niya.

Tumango na lang ako sa kaniya at bahagyang ngumiti. Hindi pa rin maalis ang kaba ko ngayon. Sana ay hindi nakahalata si Regina.

“Thank you, Regina. Lagot kasi ako kay Ding kung naiwala ko talaga ʼyon,” mahinang sabi ko.

“Kakaiba ang batong ʼyan, a. Mukhang mahal ang pagkakabili niya?” taas ang kilay niyang tanong sa akin.

“Ah... Oo. Nagalit nga ako sa kaniya dahil hindi siya gumagastos sa pagkain at iniipon para daw mabili niya ʼto,” sabi ko pa.

Masyado na akong nagsisingungaling kay Regina. Baka mamaya makahalata na siya sa akin.

“Anyways, hindi ko sure kung makakapunta ba ako sa inyo bukas. May usapan tayong pupunta ako sa inyo sa weekends ʼdi ba?” pag-iiba niya sa usapan.

Para akong nakahinga nang maluwag sa pag-iiba ng usapan. Buti naman at hindi na siya nagtanong pa nang nagtanong.

“Okay lang, Regina. Kung kailan ka na lang siguro free,” sagot ko naman.

Ngumiti siya sa akin kaya agad din akong napangiti. Kabado pa rin dahil sa nangyari pero medyo kalmado na ako ngayon kumpara kanina.

“Balik na ako sa trabaho,” paalam ko sa kaniya.

Tumango siya. “Sabay tayong maglunch later. Libre ko ʼyon at doon tayo ulit sa karinderya na pinuntahan natin!” bakas ang excitement sa tono niya.

Mas lumawak ang ngiti ko sa kaniya. “Sige ba! Pero hindi mo libre. KKB tayo,” sabi ko at tinuro pa siya.

Natawa na lang siya at napailing sa akin. Lumapit ako sa kaniya at hinalikan siya sa ulo ng tatlong beses.

“Hintayin kita mamaya. Text mo ako kapag tapos ka na sa trabaho mo,” malambing na sabi niya habang nakayakap sa bewang ko.

Nakaupo kasi siya sa swivel chair niya at ako naman ay nakatayo sa harapan niya kaya malaya niyang naipulupot ang braso sa bewang ko.

“Saglit lang naman ang trabaho ko. Ikaw ang hihintayin ko dahil ang dami mong aasikasuhin,” sabi ko at tumingin pa sa lamesa niyang may mga papeles na naman.

“Saglit lang din ʼyan. Sa ganda ba naman ng motivation ko, ewan ko na lang kung tamarin pa akong gawin ang mga ʼyan,” may halong yabang na sabi niya.

Sabay na lang kaming natawa dahil doon. Muli ko siyang binigyan ng halik pero ngayon ay sa labi na. Nagpaalam na rin akong babalik sa trabaho ko para makapagtrabaho na rin siya at nang matapos na agad.

To be continued. . .

DarLentina (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon